“Mateo 4; Lucas 4–5,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 4; Lucas 4–5
Si Jesus ay gumugol ng 40 araw na pag-aayuno at pakikipag-usap sa Ama sa Langit sa ilang. Siya ay tinukso ng diyablo at tinanggihan Niya ito. Matapos maglakbay patungong Galilea, ipinahayag ni Jesus sa mga tao sa Nazaret na Siya ang Mesiyas. Hindi Siya tinanggap ng mga tao sa Nazaret. Sa Capernaum, pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu sa isang lalaki at pinagaling ang biyenang babae ni Simon Pedro. Si Jesus ay naglakbay sa buong Galilea, nangangaral at nagpapagaling. Matapos himalang makahuli ng maraming isda sa tulong ng Tagapagligtas, isinakripisyo nina Pedro, Santiago, at Juan ang lahat para sumunod sa Kanya. Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin at isang lalaking lumpo. Tinawag ni Jesus si Mateo na maging disipulo at itinuro na naparito Siya para pagsisisihin ang mga makasalanan.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 4:1, 5, 8
Anong mga paglilinaw ang ibinigay ng Pagsasalin ni Joseph Smith tungkol sa mga pagtukso kay Jesus?
(Ikumpara sa Marcos 1:12; Lucas 4:1.)
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay gumawa ng mahahalagang paglilinaw sa mga talatang ito. Si Jesucristo ay hindi nagpunta “sa ilang upang tuksuhin ng diyablo,” ni ang diyablo ay walang kapangyarihang dalhin si Jesucristo upang tuksuhin Siya.
Sa halip, itinuturo ng Pagsasalin ni Joseph Smith na “inakay ng Espiritu si Jesus sa ilang upang makasama ang Diyos.” Matapos na si Jesus ay “nakipag usap sa Diyos, siya ay nagutom, at siya ay tinukso ng diyablo.”
“Nang magkagayon ay dinala si Jesus sa bayang banal, at inilapag siya ng Espiritu sa taluktok ng templo. …
“At muli, si Jesus ay napasa-Espiritu, at dinala siya nito sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kaluwalhatian nito.”
Mateo 4:2
Ano ang kahalagahan ng pag-aayuno ni Jesus nang 40 araw?
(Ikumpara sa Marcos 1:13; Lucas 4:2.)
Ang pag aayuno ay kusang hindi pagkain o pag-inom sa layuning mapalapit sa Panginoon. Madalas pag-ugnayin ng mga banal na kasulatan ang pag-aayuno sa panalangin.
Noong unang panahon, ang mga tao ay nag-aayuno kapag naghahanap ng espirituwal na lakas, pagpapala, paghahayag, at tulong mula sa Diyos. Kung minsan ang pag aayuno ay ginagawa rin para sa pagsisisi at pagdadalamhati.
Naghanda ang Tagapagligtas para sa Kanyang ministeryo sa pamamagitan ng pag-aayuno nang 40 araw at gabi habang nakikipag-ugnayan sa Kanyang Ama. Pagkatapos ay dumating ang diyablo upang tuksuhin, o subukin, Siya.
Sa Biblia, ang numero 40 ay nauugnay sa ilang mga kapansin-pansin na pangyayari. Halimbawa, sina Moises at Elijah ay kapwa nagpunta sa mga bundok para mag-ayuno at makipag-usap sa Panginoon sa loob ng 40 araw. Ang mga Israelita ay sinubok sa ilang sa loob ng 40 taon bago sila pinayagan ng Panginoon na makapasok sa lupang pangako. Isinulat ng isang iskolar, “Sa banal na kasulatan, ang numero [40] ay kumakatawan sa panahon ng pagdurusa, pagsubok, o pagdadalamhati.” Ang numero ay maaari ding unawain nang kapwa literal o matalinghaga. Kaya sa ilang pagkakataon, ang 40 araw ay maaaring tumukoy lamang sa mahabang panahon.
Mateo 4:5–7
Ano ang taluktok ng templo?
(Ikumpara sa Lucas 4:9–12.)
larawang kuha ni James Jeffery
Pinaligiran ng pader ang templo sa Jerusalem. Naniniwala ang ilang mananaliksik na ang timog-kanlurang dako ng pader ay maaaring ang taluktok ng templo kung saan tinukso si Jesus. Ang dakong ito ang tila pinakamagandang anggulo na tanaw ang buong lungsod. Isang inukit na entabladong bato [platform stone] na may nakasulat na Hebreo ang natagpuan sa mga guho ng dakong iyon. Nakasaad sa inskripsiyon na ang isang tagapagbalita ay tatayo sa entabladong ito upang umihip ng tambuli (shofar) bilang hudyat ng pagsisimula ng mga banal na araw.
Ang lugar na mas pinaniniwalaan ayon sa tradisyon na pinagtayuan ng taluktok ng templo ay ang dakong timog-silangan. Ito ang pinakamataas na bahagi sa dingding ng templo. Ang taas mula sa bahaging ito pababa sa Kidron Valley ay mahigit sa 400 talampakan, o 122 metro. “Ang intensyon ng panunukso ni Satanas ay akitin si Jesus na gamitin nang mali ang kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtalon sa nakakalulang taas at asahang sasaluhin siya ng mga anghel mula sa pagkahulog. (Tingnan sa Mateo 4:6.)”
Mateo 4:13–16
Ano ang kahalagahan ng “lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali”?
Ang lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali sa Lumang Tipan ay naging lupain ng Galilea noong panahon ng Bagong Tipan.
Ginugol ni Jesucristo ang halos buong buhay at ministeryo Niya sa mga nayon ng Galilea. Sa paglipas ng mga siglo, maraming labanan ang naganap upang masigurong kontrolado ang rehiyong ito. Maaaring ito ang isang dahilan kung bakit tinukoy ni Isaias ang mga tao sa lupaing ito bilang “mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan.”
Ipinropesiya ni Isaias na sa lupaing ito na maraming namamatay ay may “dakilang liwanag” na sisikat. Ang liwanag na iyan ay si Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan. Nais ipabatid ni Mateo sa kanyang mga mambabasa na ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupain ng Galilea ay katuparan ng propesiyang ito.
Lucas 4:16
Ano ang sinagoga?
Ang mga sinagoga ay mga kongregasyon ng mga Judio, o ang mga gusali kung saan nagtitipon ang mga Judio para sa pagsamba at pagtuturo. Hindi alam ang pinagmulan ng mga sinagoga. Ang pagbanggit ng mga sinagoga sa Aklat ni Mormon ay nagpapahiwatig na maaaring mayroon na nito sa Israel bago umalis si Lehi sa Jerusalem. Ang pagsamba sa sinagoga ay naging mas laganap matapos ang pagkabihag sa Babilonia dahil naghanap ang mga tao ng iba pang mga paraan ng pagsamba sa Panginoon habang malayo sa Kanyang templo.
Ang sinagoga ay pinamamahalaan ng isang lokal na pinuno, na karaniwang isang eskriba. Bawat sinagoga ay naglalaman ng “mga balumbon ng batas at iba pang mga banal na isinulat, isang mesa sa pagbabasa, at mga upuan para sa mga sumasamba.” Sa panahon ng pagsamba sa araw ng Sabbath, ang mga Judio ay nagtitipon sa mga sinagoga upang makinig ng mga pagbasa mula sa mga sagradong teksto ng kasulatan ng mga Judio.
Lucas 4:18–19
Paano natutupad ng ministeryo ni Jesus ang propesiya sa Isaias 61:1–2?
Sinimulan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo sa Nazaret sa pagpunta sa sinagoga at pagbabasa ng mga talata mula sa Isaias tungkol sa misyon ng Mesiyas. Pagkatapos ay ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Siya na tumutupad sa mga propesiya.
Ang mga talata sa Isaias ay tumutukoy sa isang tao na “hinirang.” Batid ng mga Judio na ang kahulugan nito ay “ang Mesiyas.” Bilang Mesiyas, isinugo si Jesus upang “magpagaling ng mga bagbag na puso.” Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay magliligtas sa mga nag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu at sumusunod sa Kanya.
Si Jesucristo ay isinugo upang “ipahayag ang paglaya sa mga bihag.” Ililigtas ng Kanyang ebanghelyo ang mga espiritung nasa bilangguan gayundin ang mga nasa espirituwal na pagkaalipin. Siya ang magbibigay ng “paningin sa mga bulag.” Mahimalang ibabalik Niya ang pisikal at espirituwal na paningin. Siya ang “[magpapalaya sa] mga naaapi.”
Ang salitang Griyego na isinalin bilang “naaapi” ay nangangahulugan din ng “nawalan ng pag-asa” o “pinagmalupitan” Si Jesucristo ay naparito upang pagalingin ang lahat ng binabagabag ng kasalanan at ng diyablo. Ang Tagapagligtas ay “[ipahahayag] ang taon ng biyaya mula sa Panginoon.” Ang kanyang misyon bilang Mesiyas ay nagsakatuparan sa propesiyang ito. Siya ay naparito upang magdala ng kaligtasan sa Kanyang mga tao.
Lucas 4:22–30
Bakit hindi tinanggap si Jesus sa Nazaret?
(Ikumpara sa Mateo 13:54–58; Marcos 6:1–6.)
Ang mga taga Nazaret ay “namangha” sa pahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang sarili bilang Mesiyas at nagtanong, “Hindi ba ito ay anak ni Jose?” Inasahan na ng Tagapagligtas ang tugon ng mga tao sa Kanyang pahayag. Pinuna Niya ang kanilang hindi masambit na pagnanais na makakita ng katibayan na Siya ang Mesiyas.
Pagkatapos ay binanggit ng Tagapagligtas ang tungkol sa dalawang Gentil na nakaranas ng mga himala. Ang pagbibigay-diin sa pananampalataya ng mga Gentil na ito ay lubhang nagpagalit sa mga yaong nasa sinagoga. Isinulat ni Elder James E. Talmage: “Sila ba ay ihahalintulad sa mga hinamak na hindi mananampalataya, at sa anak na iyan ng karpintero sa nayon, na lumaki mula pagkabata sa kanilang komunidad? Puno ng imbing kapootan, sinunggaban nila ang Panginoon at dinala Siya sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang iganti ang nainsulto nilang mga damdamin sa pamamagitan ng paghagis sa kanya mula sa mga mabatong talampas.”
Bagama’t hindi ipinaliwanag ni Lucas kung paano nangyari, nakatakas si Jesus sa marahas na mga tao. Malinaw na ipinakikita ng karanasang ito ang katotohanan ng sinabi ni Apostol Juan na si Jesucristo ay “naparito sa kanyang sariling tahanan at siya’y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.”
Lucas 5:27–30
Bakit hinahamak ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis?
(Ikumpara sa Mateo 9:9–11; Marcos 2:15–16.)
Napoot ang mga Judio na nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng Roma. Hinamak din nila ang mga nangongolekta ng buwis para sa mga Romano. Ang mga nangongolekta ng buwis ay tinawag na mga maniningil ng buwis.
Ang mga Judiong maniningil ng buwis ay itinuturing na mga taksil at iniiwasan sa komunidad. “Ang mga maniningil ng buwis at mga miyembro ng kanilang mga pamilya ay itinuturing na napakahamak kaya hindi sila pinayagang humawak ng katungkulang pampubliko o magbigay ng patotoo sa hukuman ng mga Judio.”
Dahil itinuturing ng mga Fariseo na makasalanan ang mga maniningil ng buwis, itinuring nila ang mga ito na ritwal na hindi malinis. Kaya ang kumaing kasama ng maniningil ng buwis ay banta sa kadalisayan ng Fariseo.
Alamin ang Iba Pa
Tinawag ni Jesus ang Kanyang mga Disipulo
-
Joseph B. Wirthlin, “Follow Me,” Ensign, Mayo 2002, 15–17
Si Jesus ay Handa sa mga Tukso ng Diyablo
-
Dale G. Renlund, “Siya ang Nagmarka ng Landas at Nanguna sa Daan,” Liahona, Peb. 2023, 5–7
-
Jorge F. Zeballos, “Pagkakaroon ng Isang Buhay na Hindi Kayang Impluwensyahan ng Kaaway,” Liahona, Nob. 2022, 50–52
Mga Tagpo sa Buhay at Ministeryo ni Jesus
-
Matthew J. Grey, “Buhay sa Nayon ng Galilea noong Panahon ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2023 (digital lamang)
Media
Mga Video
“Jesus Declares He Is the Messiah” (3:24)
“Jesus Forgives Sins and Heals a Man Stricken with Palsy” (2:55)
Mga Larawan
Fishers of Men [Mga Mamamalakaya ng mga Tao], ni Simon Dewey
Christ Calling Peter and Andrew [Si Cristo na Tinatawag sina Pedro at Andres], ni Harry Anderson
Jesus in the Synagogue at Nazareth [Si Jesus sa Sinagoga sa Nazaret], ni Greg K. Olsen
Christ Healing the Palsied Man [Pinagagaling ni Cristo ang Lalaking Lumpo], ni David Lindsley