Mga Calling sa Simbahan
Sa kapaligiran ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw kung saan ang nakararami ay Protestante, ang mga indibiduwal na pumupunta sa simbahan ay madalas na nagpahayag ng kanilang dedikasyon sa relihiyon bilang isang “banal na tungkulin” at isang “calling.” Ang gawain ng ministeryo ay inasahang manggagaling mula sa calling na iyon. Ang terminong “pag-oordena” ay madalas na tumutukoy sa pormal na pagkakaloob ng awtoridad na magministeryo sa isang taong tumanggap ng isang calling mula sa Diyos. Tumanggap si Joseph Smith ng ilang paghahayag sa pagitan ng 1829 at 1831 na gumamit ng kaparehong wika sa paghirang ng mga miyembro sa mga katungkulan sa Simbahan. Bagama’t ang terminong “calling” ay patuloy na nagbigay ng kahulugan ng banal na tungkulin, higit na ginamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang termino upang tumukoy sa mga partikular na papel sa mabilis na lumalawak na organisasyon ng Simbahan.
Simula sa pulong ng pagtatatag noong 1830, ang mga katungkulan sa priesthood ay mga calling sa Simbahan, kung saan ang bawat isa ay kaugnay ng mga partikular na tungkulin. Habang lumalago ang Simbahan, lumawig ang mga karagdagang tungkulin mula sa istrukturang ito ng priesthood, madalas bilang mga atas sa loob ng isang katungkulan sa priesthood. Ang mga opisyal ay nagtipon sa mga konseho at korum upang maisagawa ang kanilang mga sama-samang responsibilidad sa ngalan ng kanilang mga lokal na kongregasyon at ng Simbahan sa kabuuan.
Sa panahong ito, nagmungkahi ang mga lider ng mga pagtatalaga at pag-aatas sa mga pampublikong miting at ang mga dumalo ay lantarang bumoto nang pabor or laban sa mga gayong mungkahi, kung minsan ay naghihikayat ng mga talakayan tungkol sa mga alternatibo. Sa kontekstong ito sinasabing “hinirang” ang mga partikular na lider sa kanilang katungkulan o calling. Halimbawa, ipinaliwanag ni Joseph Smith sa mga tagapagtatag na miyembro ng Relief Society kung paanong ang paghahayag patungkol kay Emma Smith (Doktrina at mga Tipan 25) ay tumukoy sa kanya bilang “isang hinirang na babae, na [tinawag ng Diyos]” at “[nag-orden]” sa kanya noong panahong iyon upang mamuno sa Relief Society. Matapos bumoto ang mga miyembro ng Relief Society upang sang-ayunan si Emma bilang kanilang pangulo, “ipinatong [ni John Taylor] ang kanyang mga kamay sa ulunan ni Gng. Smith at binasbasan siya … upang tumayo at mamuno at magparangal sa kanyang Opisina, upang turuan” ang mga kababaihan ng Simbahan. Sa nalalabing bahagi ng ika-19 na siglo, karaniwang ginampanan ng ibang mga opisyal ng Simbahan ang kanilang mga responsibilidad sa parehong huwaran: tinatawag ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag at inspirasyon, ihinaharap sa iba para sa boto ng pagsang-ayon, “[hinihirang]” o sinasang-ayunan ng nagkakaisang boto, at “inoordenan” o “sine-set apart” sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay upang makatanggap ng mga pagpapala sa pagtupad sa mga tungkulin ng kanilang katungkulan.
Sa kabuuan ng ika-19 siglo, nakasaklaw ang Simbahan sa napakaraming lokal na pangangailangan at nagtalaga kapwa ng sibiko at panrelihiyong tungkulin sa mga miyembro ng mga ward at stake. Ang mga sumusuportang organisasyon tulad ng Primary, Sunday School, at mga Mutual Improvement Association ay nagtakda ng mga tungkuling hindi alintana ang katungkulan sa priesthood, na karaniwan ay ibinibigay sa mga boluntaryo. Sa mga misyon, ang mga missionary ay madalas na inorden sa mga opisina ng pitumpu at elder, at pagkatapos ay tinawag nang ilang beses sa mga hiwalay na pagtatalaga sa misyon. Nang ang mga unang sister missionary ay tumanggap ng mga pagtawag na maglingkod sa mga full-time na misyon noong dekada ng 1890, ang kanilang mga tungkulin ay naging pormal sa pamamagitan ng pagpapalang set-apart. Pagpasok ng ika-20 siglo, ang mga “calling” ay lalong iniugnay sa mga tungkulin at responsibilidad sa mga organisasyon ng Simbahan kahit na ang mga ito man ay ipinaabot mula sa katungkulan sa priesthood o hindi.
Sa mga panahong ito at kasabay ng paglago ng Simbahan, ang mga lider ay nagsikap upang mas maisaayos ang mga operasyon at mabawasan ang pagkalito sa mga ward, stake, at organisasyon. Isang komite sa korelasyon, na naglalayon na magkamit ng higit na kalinawan at pagkakapareho sa buong Simbahan, ang nagrebyu ng literatura na ginawa ng Simbahan o ng alinman sa mga katuwang na organisasyon nito. Sa loob ng tagpong ito, ang salitang “calling” ay tumutukoy sa alinmang responsibilidad o tungkuling ipinaabot sa isang tao sa loob ng isang yugto ng panahon. Dahil dito, ang pagkakaiba sa pagitan ng “[inorden]” at “[s-in-et apart]” ay naging mas malinaw. Ang pag-oordena ay eksklusibong iniugnay sa paggagawad ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at pagtanggap ng katungkulan sa priesthood, samantalang ang pagse-set apart ay naglalarawan sa isang taong pormal na tumatanggap ng responsibilidad at nagkakaroon ng mga espesyal na pagpapalang kaugnay ng tungkuling iyon na ipinahayag ng isang mayhawak ng priesthood. Sa parehong paraan nagpapaabot ang mga lider at konseho ng mga calling sa mga indibiduwal, nagpaabot din sila ng “mga release” upang alisin ang isang tao sa kanyang calling. Habang ang mga calling ay mas madalas na nagpapalit ng mga regular na miyembro at hindi na eksklusibong nakakabit sa isang partikular na katungkulan, naging mas madalas ang mga release at naging mas bihira naman ang mga panghabambuhay na calling.
Sa kabuuan ng ika-20 siglo at pagpasok ng ika-21 na siglo, ang mga calling ay nagsilbing pangunahing daluyan ng boluntaryong serbisyo at pagpapatupad ng mga aktibidad ng kongregasyon. Pagsapit ng unang bahagi ng dekada ng 2000, ang mga calling ay itinuring na napakahalaga sa bawat miyembro ng Simbahan; itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang bawat miyembro ay nangangailangan ng isang kaibigan, isang responsibilidad, at na maalagaan ng salita ng Diyos. Para sa layuning iyon, inoorganisa ang boluntaryong serbisyo sa halos lahat ng misyon at kongregasyon ng Simbahan sa pamamagitan ng mga calling.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood, Pangkalahatang Pagsang-ayon, Correlation, Mga Ward at Stake