Cold War (Digmaang Malamig)
Sa gitna ng ika-20 na siglo, lubhang binago ng pagkawasak na iniwan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang naunang pandaigdigang kaayusan. Mga 10 hanggang 20 porsiyento ng mga kabuuang populasyon ng Poland, Unyong Sobyet, at Yugoslavia ang namatay sa digmaan, mga 4 hanggang 6 porsiyento ng mga kabuuang populasyon ng Germany, Italy, Austria, Hungary, Japan, at China ang namatay rin. Marami pang ibang nawala at pagkaluging hindi naikuwento ang nag-iwan sa mga bansa na mahina sa muling pagbuo at kaguluhan bago pa magkaroon ng mga pangmatagalang pagbangon mula sa digmaan. Sa paglipat ng iba’t ibang pandaigdigang kapangyarihan sa mga bagong alyansa, lumitaw ang isang matagal na heopolitikal na tunggalian sa pagitan ng Unyong Sobyet, ng Estados Unidos, at ng kanilang mga kaalyado na sa pagtatapos ng siglo ay karaniwang tinawag na “Malamig na Digmaan.” Ang tunggaliang ito ay karaniwang nakita sa mga proxy war, mga labanan sa kalakalan, at kumplikadong diplomasya, na humubog sa politikal na kalagayan para sa malaking bahagi ng mundo sa huling kalahati ng siglo.
Ang dekolonisasyon o paglaya ng mga rehiyon na dating inangkin ng mga bansa sa Europa bilang mga kolonya ay naging tanda ng mahalagang yugto sa Malamig na Digmaan. Sa paglitaw ng mga bagong malayang bansa, lalo na sa Aprika, Asya, at Gitnang Silangan, ang Estados Unidos at Unyong Sobyet ay nagtunggalian para sa impluwensya at nakita nila ang dekolonisasyon bilang isang oportunidad upang palawakin ang saklaw ng kanilang ideolohiya—komunismo ng Unyong Sobyet at kapitalismo ng malayang pamilihan ng Estados Unidos. Pumutok ang ilang direktang pagtatalo tungkol sa kung aling istilo ng pamahalaan ang papalit sa dating kolonya, na kung minsan ay may masamang epekto. Ang Digmaan sa Korea (1950–1953) at Digmaan sa Vietnam (1955–1975) ay lalong matindi, kapwa nag-uudyok ng malaking pandaigdigang kontrobersiya at nagtutuon ng iba’t ibang alyansa ng mga bansa sa alinman sa dalawang pinakamakapangyarihang bansa. Ang pag-isponsor ng mga pinakamakapangyarihang bansa sa mga tunggalian ng kanilang mga kaalyansa o pakikilahok sa pamamagitan ng proxy ay humantong sa kabilaang labanan sa ilang digmaan. Isang kritikal na nuclear na paghaharap sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet noong 1962, na madalas na tinawag na Cuban Missile Crisis, ang nagwakas matapos ang malalim na negosasyon at madaliang diplomasya sa pagitan ng maraming internasyonal na koalisyon.
Bagama’t ang sandatahang lakas ng Unyong Sobyet at ng Estados Unidos ay hindi nakipagsagupaan sa isa’t isa sa direktang labanan, ang kompetisyon sa pagitan ng dalawang pinakamakapangyarihang bansa na ito ay malawakang nakita sa mga kaganapan sa isports tulad ng Olympics at sa paunahang pagpunta sa buwan.
Iniba ng isang serye ng mga madiskarteng pagbabago sa dekada ng 1980 ang balense ng mga tensyon sa Malamig na Digmaan. Sinasamantala ang mga pagtataya ng hindi paggalaw ng ekonomiya sa Unyong Sobyet, dinagdagan ng mga opisyal ng pamahalaan sa Estados Unidos ang kanilang diplomasya, panustos sa militar, at ekonomikong pamimilit. Ang pag-angat ni Mikhail Gorbachev bilang pinuno ng Unyong Sobyet ay naghatid ng maraming reporma, na tinatawag na glasnost (“pagiging bukas”) at perestroika (“muling pag-oorganisa”). Ang mga repormang ito, kaakibat ng pagwawakas ng pakikilahok ng Sobyet sa Afghanistan noong 1989 at pagtanggi ni Gorbachev na magtustos ng pangmilitar na tulong sa mga pamahalaan ng Silangang Europa, ay naging tanda ng malawakang pagkabuwag ng mga istruktura ng Malamig na Digmaan. Talagang nagpatuloy pa rin ang maraming heopolitikal na tunggalian at tensyon, ngunit ang ibang dating hadlang sa paglalakbay, kalakalan, kooperasyon, at maging mga hangganan—tulad ng Pader ng Berlin na naghihiwalay sa Silangan at Kanlurang Alemanya—ay nagiba na.
Si Elder Thomas S. Monson kasama sina Gary Schwendiman, Walter at Edith Krause, Gottfried at Gertraude Richter, at Henry at Inge Burkhardt sa silangang Alemanya, 1975.
Ang mga internasyonal na polisiya sa panahon ng Malamig na Digmaan ay madalas na naglimita sa access ng mga lider, missionary, at miyembro ng Simbahan sa mga partikular na bansa at rehiyon. Ang mga tunggalian sa silangang Europa, Korea, at Vietnam ay lumikha ng makikitid na landas upang maitatag ang Simbahan. Sa gitna ng mga hamong ito, maraming indibiduwal na miyembro at pamilya sa mga rehiyong ito ang nagpanatili ng maliliit ngunit malalakas na branch. Gayunpaman, sa mga dekadang ito, ang Simbahan sa buong mundo ay nakaranas ng pinakamabilis na pag-unlad sa kasaysayan nito at lumago bilang isang internasyonal na komunidad.
Mga Kaugnay na Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Globalisasyon, Ezra Taft Benson, Thomas S. Monson