Kasaysayan ng Simbahan
Mga Unibersidad ng Simbahan


Mga Unibersidad ng Simbahan

Mula sa kanilang mga umpisa noong dekada ng 1800, hinangad ng mga unibersidad na itinaguyod ng Simbahan na maghandog ng mataas na antas ng edukasyon na pinagsasama ang pag-aaral at pananampalataya kay Jesucristo. Unang naglunsad ang mga Banal sa mga Huling Araw ng isang unibersidad sa Nauvoo, Illinois, noong dekada ng 1840. Ang University of the City of Nauvoo, gayunpaman, ay hindi nakapagtatag ng isang itinalagang pasilidad bago lumisan ang maraming Banal sa mga Huling Araw patungong Hilagang Kanlurang Amerika noong 1846. Makalipas ang apat na taon, inilunsad ng mga Banal sa mga Huling Araw ang University of Deseret sa Lunsod ng Salt Lake, ngunit naging hadlang ang mga problema sa pananalapi sa mga regular na klase hanggang 1869, kung kailan ang pagkumpleto sa transkontinental na riles ng tren ay naghatid ng bagong komersyo na nagpalawak sa lokal na ekonomiya. Noong 1875, ang Provo branch ng University of Deseret ay naging Brigham Young Academy, na naghandog ng programa ng mga klase sa elementarya, hayskul, at mas mataas na paaralan na nagsama ng panrelihiyon at sekular na pag-aaral. Inorganisa ng mga tagapagturo at lider ng Simbahan ang Pangkalahatang Lupon ng Simbahan para sa Edukasyon noong 1888 at kalaunan ay binago ang Brigham Young Academy at ginawang Brigham Young University (BYU). Ang University of Deseret ay ginawang pampublikong paaralan at binigyan ng bagong pangalan na University of Utah noong 1892.

Brigham Young Academy, Provo

Ang orihinal na gusali ng Brigham Young Academy sa Provo, Utah, sa pagitan ng 1892 at 1901.

Sa mga sumunod na dekada, ang Simbahan ay nagbukas ng ilan pang akademya, kolehiyo, at unibersidad sa mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico, kanlurang Estados Unidos, at katimugang Canada. Kalaunan, ang karamihan sa mga ito ay iniretiro o inilipat sa hiwalay na pangangasiwa, at tanging ang BYU, Latter-day Saints University sa Lunsod ng Salt Lake, at Ricks College sa Rexburg, Idaho, ang natira. Kasabay nito, ang mga lider ng Simbahan ay patuloy na nagsulong ng pagtuturo ng ebanghelyo sa karaniwang araw ng linggo para sa mga estudyante sa hayskul at mas mataas na paaralan sa pamamagitan ng mga programa ng seminary at institute. Pagsapit ng gitna ng ika-20 na siglo, pinagsama-sama ng Simbahan ang marami nitong pagsisikap sa edukasyon sa ilalim ng isang sentralisadong administrasyon na kilala bilang Church Educational System (CES).

Kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinalawak ng mga tagapangasiwa ng CES ang mga programa sa kolehiyo, partikular na sa BYU upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga miyembro ng Simbahan. Sa mga sumunod na ilang dekada, patuloy na lumago ang enrollment sa BYU, na kalaunang umabot ng 35,000, at ang BYU ay naging isa sa pinakamalalaking pribadong panrelihiyong unibersidad sa Estados Unidos. Sa mata ng publiko, ang karamihan sa paglago ng BYU ay nakita sa mga programa nito sa mga pampaligsahang isports. Dagdag pa rito, ang pag-unlad ng J. Reuben Clark Law School at ng Marriott School of Business, kasabay ng iba pang gradwadong programa at isang pagtutuon sa pananaliksik ng mga kagawaran, ay nagpakita ng paglago ng BYU sa mga pang-akademiko at propesyonal na larangan. Ang tuluy-tuloy na tala ng BYU sa pag-akay sa mga nagtapos sa magagandang trabaho at pagtatakda ng mababang matrikula kumpara sa ibang paaralan ay nagtaguyod sa reputasyon nito bilang pangunahing institusyong pang-undergradweyt.

Pinalago rin ng mga tagapangasiwa ng CES ang Latter-day Saints University sa Lunsod ng Salt Lake. Ang paaralan ay nagsimula bilang Salt Lake Stake Academy sa huling bahagi ng dekada ng 1880. Bagama’t noong una ay inisip ng mga lider na ito ang magiging pangunahing paaralan ng Simbahan, pagsapit ng unang bahagi ng ika-20 siglo, sinimulan nilang ilipat ang mga resource sa BYU. Sa dekada ng 1920, tanging ang kolehiyo ng pagnenegosyo na lamang ang natira, at ang Latter-day Saints University ay binigyan ng bagong pangalan na Latter-day Saints College sa panahong iyon, pagkatapos noong 1931 naman ay LDS Business College. Ang paaralan ay nagpalipat-lipat nang ilang beses bago napunta sa isang campus sa kabayanan ng Lunsod ng Salt Lake noong 2006. Ito ay binigyan ng bagong pangalan na Ensign College noong 2020 at nagsimulang magturo ng mga apat na taong digri noong 2021.

Ang Ricks College sa Rexburg, Idaho—na unang tinawag na Bannock Stake Academy ngunit kalaunan ay binigyan ng bagong pangalan upang pangaralan si Thomas Ricks, na nagsikap na magpasimula ng paaralan sa lugar—ay nagtuon sa pagsasanay sa guro sa mga unang dekada nito. Sa kabila ng paghahandog ng mga digri ng batsilyer simula pa noong 1950, ang Ricks College ay nanatiling pangunahing dalawang taong kolehiyo hanggang 2001, kung kailan inanunsyo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na palalawigin ito sa apat na taong kurikulum at bibigyan ng bagong pangalan na Brigham Young University–Idaho.

Sa mga Pulo sa Pasipiko, ang Church College of Hawaii ay lumago pagkatapos ng paglalaan nito noong 1958. Nang lumibot ang Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay sa hilagang baybayin ng O‘ahu ilang dekada bago niyon at bumisita sa umuunlad na komunidad nito ng mga Banal sa mga Huling Araw, nakita niya sa kanyang isipan ang isang pinalawak na kolehiyo roon na maaaring pangunahing paglingkuran ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Pampang ng Pasipiko. Ang paaralan ay opisyal na kinilala bilang apat na taong kolehiyo noong 1961, binigyan ng bagong pangalan na Brigham Young University–Hawaii noong 1974, at ginawang isang malayang unibersidad sa ilalim ng administrasyon ng CES noong 2003.

mga service missionary na may hawak na mga kasangkapan

Mga service missionary na tumutulong na matapos ang pagtatayo ng Church College of Hawaii noong 1958.

Simula sa gitna ng ika-20 siglo, ang mga tagapangasiwa sa BYU ay namuhunan sa iba pang paraan ng paglago sa labas ng Estados Unidos. Ang mga programa sa paglalakbay at pag-aaral mula sa dekada ng 1950 ay lumago sa ilang internasyonal na institusyon sa pag-aaral sa ibang bansa, partikular na kilala sa Salzburg, London, at Lunsod ng Mexico. Ang programa ng pag-aaral sa ibang bansa sa Jerusalem na nagsimula noong 1968 ay naging popular sa mga estudyante at pagsapit ng huling bahagi ng dekada ng 1970 ay lumago ito nang husto kung kaya’t napagtanto ng mga lider na kailangan ng mas malalaking pasilidad. Ang Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies, na itinayo sa Bundok ng mga Olibo, na tumatanaw sa Lumang Lunsod, ay inilaan noong 1989.

BYU Jerusalem Center

Ang BYU Jerusalem Center for Near Eastern Studies, Jerusalem, Israel.

Inisip din ng mga tagapangasiwa ng CES na palawakin ang sistema ng BYU sa akademiko at propesyonal na pagsasanay tungo sa pandaigdigang saklaw. Sa pagitan ng 2009 at 2017, ang mga tagapagturo sa CES, BYU–Idaho, at BYU ay bumuo ng online na programa para sa mas mataas na edukasyon na tinatawag na BYU–Pathway Worldwide. Noong 2020, ang programa ay naglingkod sa mahigit 50,000 Banal sa mga Huling Araw na estudyante mula sa mahigit 150 bansa.

Mga Kaugnay na Paksa: Paaralan ng mga Propeta, Mga Akademya ng Simbahan, Mga Seminary at Institute, Brigham Young

  1. Church Educational System (CES), ChurchofJesusChrist.org/church-education; Doktrina at mga Tipan 88:118.

  2. Tingnan sa Paul Thomas Smith, “A Historical Study of the Nauvoo, Illinois, Public School System, 1841–1845” (Tesis ng master, Brigham Young University, 1969); tingnan din sa Paksa: Pag-alis sa Nauvoo.

  3. Tingnan sa mga Paksa: Mga Akademya ng Simbahan, Riles ng Tren.

  4. Ernest L. Wilkinson, pat., Brigham Young University: The First One Hundred Years, 4 na tomo. (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 1975), 1:63–65.

  5. Act to Change the Name of the University of the State of Deseret and Amend the Law Providing for Its Government [Feb. 17, 1892], Laws of the Territory of Utah, Passed at the Thirtieth Session of the Legislative Assembly, Held at the City of Salt Lake, the Capital of Said Territory, Commencing January 11, A. D. 1892, and Ending March 10, A. D. 1892 (Salt Lake City: Press of the Irrigation Age, 1892), 8–11.

  6. Tingnan sa mga Paksa: Mga Akademya ng Simbahan, Mga Seminary at Institute.

  7. Tingnan sa Paksa: Mga Seminary at Institute.

  8. Brigham Young University, “Facts and Figures,” in-update noong 2024, byu.edu/facts-figures.

  9. Ang mag pondo para sa mga programang ito ay nakaasa sa mga kita sa tiket at memorabilia at dagdag na donasyon sa halip na sa mga ikapu ng Simbahan; tingnan sa Brigham Young University Athletic Department, “2019–2020 Cougar Club Donor Report,” byu.edu.

  10. “Brigham Young University: Overview,” Best Colleges, U.S. News and World Report, in-update noong 2024, usnews.com; “College Profile: Brigham Young University (UT),” The Princeton Review, in-update noong 2024, princetonreview.com; Mike Stetz, “Best Value Law Schools 2018,” preLaw, Taglagas 2018, 39.

  11. Tingnan sa “Brigham Young University–Hawaii,” Global Histories: Hawaii, ChurchofJesusChrist.org.

  12. Kahlile B. Mehr, “Brigham Young University and Jerusalem before Semester Abroad, 1931–1968,” Religious Educator, tomo 8, blg. 1 (2007), 69–84; Amber Taylor, “Contest and Controversy in the Creation of the Brigham Young University Jerusalem Center, 1984–1989” (PhD dis., Brandeis University, 2019); tingnan din sa Paksa: Howard W. Hunter.

  13. BYU–Pathway Worldwide Enrollment Surpasses 50,000 Students,” Newsroom, Okt. 29, 2020, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.