Kasaysayan ng Simbahan
Thomas S. Monson


Thomas S. Monson

Naglingkod si Thomas S. Monson bilang ika-16 na Pangulo ng Simbahan mula Pebrero 2008 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Enero 2018. Siya ay isinilang kina Gladys Condie Monson at G. Spencer Monson noong 1927 at lumaki sa Lunsod ng Salt Lake, kasama ang marami sa kanyang iba pang kamag-anak na nakatira sa parehong kalye. Ang kanyang kabataan ay kinabilangan ng mga tag-init sa Provo Canyon sa timog ng Salt Lake, na nagkintal sa kanya ng malalim na pagmamahal para sa kalikasan at mga aktibidad sa labas. Nang makapagtapos ng hayskul noong 1944, sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naharap si Thomas sa mahahalagang desisyon. Inasahan niyang makatatanggap siya ng pagtawag sa militar kapag naging 18 taong gulang siya, kung kaya’t pagkatapos ng kanyang unang taon sa kolehiyo sa University of Utah, umanib siya sa United States Naval Reserve. Bagama’t hindi nagtagal ay nagwakas ang digmaan pagkatapos ng kanyang pag-anib, ang kanyang paglilingkod sa militar sa San Diego, California, ay tunay na nagpabago ng kanyang buhay. Pagbalik niya sa Lunsod ng Salt Lake noong 1946, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at nagtamo siya ng digri ng batsilyer sa marketing pagkatapos ng dalawang taon.

si Thomas S. Monson

Si Thomas S. Monson na nakasuot ng uniporme sa hukbong-dagat habang nakadestino sa San Diego, California, 1945.

Noong mga taong nasa kolehiyo at militar siya, nakilala at naging kasintahan ni Thomas si Frances Johnson. Silang dalawa ay ikinasal noong 1948. Pareho silang nagtrabaho, si Thomas bilang isang tagapamahala ng classified advertising sa Deseret News at si Frances bilang kalihim ng pagpapasuweldo sa isang sangay ng department store na J. C. Penney. Bagama’t 22 taong gulang pa lamang at 19 buwan pa lamang na kasal, nakatanggap si Thomas ng pagtawag na maglingkod bilang bishop ng Salt Lake Sixth-Seventh Ward, na kinabilangan ng mahigit isang libong miyembro, kung saan marami sa kanila ay namuhay sa kahirapan at nangailangan ng espesyal na pagkalinga. Ang kanyang limang taong ministeryo bilang bishop ay espesyal na nagtuon sa dose-dosenang biyudang kababaihan sa ward, kung saan siya nagkaroon ng panghabambuhay na malasakit.

Noong 1959, si Thomas S. Monson ay tinawag upang mamuno sa Canadian Mission. Kasama ang kanilang dalawang maliliit na anak, sina Tommy at Ann, ang mga Monson ay iniwan ang kanilang bagong tahanan sa may labas ng Lunsod ng Salt Lake para sa punong-tanggapan ng misyon sa Toronto. Anim na buwan matapos ang kanilang pagdating, sinalubong nina Thomas at Frances ang kanilang pangatlong anak na si Clark. Muling pinasigla ng mga Monson ang gawaing misyonero sa lugar, partikular na sa pamamagitan ng paglinang ng higit na pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal na miyembro ng Simbahan at ng mga missionary na naglingkod sa loob ng kanilang halos tatlong taong panunungkulan. Ang paglikha ng unang stake sa silangang Canada noong 1960 ay nagpasiklab ng pagdami ng mga lokal na meetinghouse, na sinuportahan at kung minsan ay pinangunahan pa nga ng mga Monson.

si Thomas S. Monson

Si Thomas S. Monson sa kongregasyon sa pangkalahatang kumperensya habang naghihintay ng anunsyo ng pagtawag sa kanya sa Korum ng Labindalawang Apostol, ika-4 ng Oktubre 1963.

Noong 1963, sa edad na 36, tinawag si Thomas S. Monson na maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Kasabay ng kanyang ministeryo bilang apostol ang bahagyang pagtaas sa bilang ng mga miyembro at pandaigdigang saklaw ng Simbahan. Malawakang naglakbay si Elder Monson upang tumulong sa mga pandaigdigang kongregasyon, magturo sa mga miyembro at missionary, mag-organisa ng mga bagong unit, maglaan ng mga meetinghouse, at magpatupad ng mga programa. Sa pagitan ng 1968 at 1990, ang kanyang mga tungkulin sa mga operasyon ng Simbahan sa Europa ay kinabilangan ng mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa German Democratic Republic, isang nation-state na nahiwalay mula sa kanlurang Europa sa pamamagitan ng mga matinding pinaghihigpitang hangganan na madalas tawaging “Iron Curtain.” Nagpamalas si Elder Monson ng pambihirang dedikasyon sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Silangang Alemanya sa panahong ito ng Malamig na Digmaan, madalas na humaharap sa mga kumplikadong heopolitikal na kalagayan upang personal na makapaglingkod. Mula 1968 hanggang 1985, pinamunuan ni Elder Monson ang Bible Study Aids Committee, na kalaunang binigyan ng bagong pangalan na Scriptures Publication Committee, at ginamit niya ang kanyang propesyonal na kahusayan sa paglilimbag ng lathalain upang makagawa ng bagong komprehensibong binanggit ang mga sanggunian na edisyon ng Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ang natirang bahagi ng kanyang ministeryo bilang apostol pagkatapos ng 1985 ay inilarawan ng kanyang paglilingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan nang tatlong beses, sa ilalim nina Pangulong Ezra Taft Benson, Howard W. Hunter, at Gordon B. Hinckley.

Matapos ang pagpanaw ni Pangulong Hinkley noong 2008, si Pangulong Monson ay inorden at s-in-et apart bilang Pangulo ng Simbahan. Sa pagpasok ng ika-21 na siglo, patuloy na dumami ang mga miyembro ng Simbahan sa mundo, dahil dito ay nagkaroon ng mga bagong oportunidad at hamon upang makasabay sa mga pandaigdigang pagbabago. Inakay ni Pangulong Monson ang Simbahan tungo sa higit na pandaigdigang pakikilahok at pakikipagtulungan sa iba’t ibang relihiyon. Noong 2008, pinangunahan niya ang pagdaragdag ng “pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan” sa misyon ng Simbahan. Noong 2012, inanunsyo niya ang inisyatibong “Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan” na higit na pinagsama ang gawaing misyonero at mga lokal na aktibidad, pakikisalamuha sa social media, at mga proyektong pangkawanggawa. Sa halos parehong panahon, pinangunahan niya ang isang mahalagang pagbabago sa polisiya: ang kalalakihan ay maaaring irekomenda para sa paglilingkod bilang missionary simula sa edad na 18 taon sa halip na 19 at ang kababaihan ay maaaring irekomenda para sa paglilingkod bilang missionary simula sa edad na 19 taon sa halip na 21. Ang bilang ng mga missionary ay nadagdagan nang husto, tumaas mula 59,000 hanggang sa rurok na 88,000 sa loob ng dalawang taon matapos itong ianunsyo. Binigyang-diin din ni Pangulong Monson ang pagtatayo ng at pagdalo sa templo. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, nag-anunsyo siya ng 45 bagong templo, isang kapansin-pansing dagdag mula sa 124 templo na gumagana sa panahong naging Pangulo siya noong 2008.

Sa unang limang taon ng kanyang pagkapangulo, inalagaan ni Pangulong Monson ang kanyang asawang si Frances nang naospital ito dahil sa paghina ng kalusugan bunsod ng tumatandang edad. Si Frances, na “tanglaw ng pagmamahal, pagkahabag, at pagpapalakas ng loob” para sa pamilyang Monson, ay pumanaw sa edad na 85 taong gulang. Sa kabila ng mga pisikal na limitasyon dahil sa kanyang katandaan, patuloy na dumalo si Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya at mga miting sa pamumuno sa kasunod na limang taon. Nang pumanaw siya noong ika-2 ng Enero 2018, sa edad na 90, malawakang ipinagdiwang si Pangulong Monson bilang isang minamahal na ministro, lider, tagapagsalita, at ama. Pinuri ni Pangulong Russell M. Nelson, na kanyang kahalili, si Pangulong Monson sa pag-iwan ng “pamana ng paglago”: sa pinagsamang 54 taon ng paglilingkod mula nang ordenahan siya bilang isang Apostol, nasaksihan ni Pangulong Monson ang paglago ng Simbahan mula sa 2.1 milyong miyembro hanggang sa halos 16 milyon, mula sa 5,700 missionary hanggang sa lampas 70,000, mula 12 templo hanggang sa 159. “Ngunit sa lahat ng ito,” sabi ni Pangulong Nelson, “si Pangulong Monson ay palaging nakatuon sa indibiduwal. Nagpaalala siya sa atin sa mga pahayag na gaya nito, ‘[Mag]padala [ng] sulat sa inyong kaibigan na nakaligtaan ninyo,’ ‘Yakapin ang inyong anak,’ ‘Sabihing “Mahal kita” nang mas madalas,’ ‘Laging magpasalamat,’ at ‘Huwag gawing mas mahalaga kailanman ang problemang lulutasin kaysa taong kailangang mahalin.’”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Thomas S. Monson, tingnan ang mga video ng Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Pagtatayo ng Templo, Cold War (Digmaang Malamig), Pag-unlad ng Gawaing Misyonero, Pag-unlad ng Simbahan, Bishop

  1. Heidi S. Swinton, To the Rescue: The Biography of Thomas S. Monson (Salt Lake City: Deseret Book, 2010), 22, 52, 60–62, 82, 84–87, 93–94, 96, 106–7. Tingnan sa Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

  2. Swinton, To the Rescue, 109.

  3. Swinton, To the Rescue, 131–32; Thomas S. Monson, “The Bishop—Center Stage in Welfare,” Ensign, Nob. 1980, 89–91.

  4. Tingnan sa Paksa: Bishop.

  5. Tingnan sa Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero.

  6. Tingnan sa Thomas S. Monson, Faith Rewarded: A Personal Account of Prophetic Promises to the East German Saints from the Journal of Thomas S. Monson (Salt Lake City: Deseret Book, 1996). Tingnan din sa Paksa: Cold War (Digmaang Malamig).

  7. Swinton, To the Rescue, 368–70, 530. Tingnan sa Paksa: Mga Pagbabago sa Aklat ni Mormon.

  8. Tingnan sa Paksa: Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan.

  9. Tingnan sa mga Paksa: Pag-unlad ng Simbahan, Globalisasyon.

  10. Minute entry, miting ng Unang Panguluhan, Ago. 29, 2008, sinipi sa Teachings of Presidents of the Church: Thomas S. Monson (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2020), 40–41.

  11. Tingnan sa Paksa: Pagtatayo ng Templo.

  12. Frances J. Monson, Wife of President Thomas S. Monson, Passes Away,” Newsroom, Mayo 17, 2013, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  13. Russell M. Nelson, “We Are Better Because of Him,” Ensign, Peb. 2018 (suplemento, In Memoriam: President Thomas S. Monson), 29–30.