Kasaysayan ng Simbahan
Russell M. Nelson


Russell M. Nelson

Naglingkod si Russell M. Nelson bilang ika-17 Pangulo ng Simbahan mula noong Enero 2018. Isinilang siya noong taong 1924 sa Lunsod ng Salt Lake, pangalawa sa apat na anak nina Edna at Marion Nelson. Noong bata pa si Russell, hindi dumadalo sa simbahan ang kanyang mga magulang ngunit sinuportahan siya ng mga ito sa pakikilahok sa Sunday School at iba pang aktibidad na kaugnay ng Simbahan. Bininyagan siya noong 1940 sa edad na 16 taong gulang. Mula noong unang bahagi ng kanyang pagkabata, siya ay lubos na mausisa, na naglapit sa kanya sa agham at pag-aaral ng katawan ng tao. Dahil sa kanyang malalim na hangaring maglingkod sa iba, nagpasiya siyang ituon ang kanyang mga interes sa mga kasanayan ng medisina at pangangalaga ng kalusugan.

Habang nag-aaral sa University of Utah, lubos na pinagsikapan ni Russell ang napakabigat na course load—tinapos niya ang walong taong pag-aaral sa loob ng anim na taon—subalit nakapaglaan pa rin siya ng oras para sa sining ng pagtatanghal. Nakibahagi siya sa mga dula sa paaralan, kung saan niya nakilala ang kanyang magiging asawa na si Dantzel White. Ikinasal sila noong 1945 at naging magulang sa sampung anak, kabilang na ang siyam na anak na babae at isang anak na lalaki, ang kanilang bunso. Ang buhay-pamilya ang pinakamahalaga sa mga Nelson. Si Russell ay nanatiling isang maalalahaning ama sa kabila ng kanyang malalawak na propesyonal na obligasyon.

Noong 1944, sinimulan ni Russell M. Nelson ang kanyang paglalakbay tungo sa pagiging isang respetadong siruhano sa puso sa pamamagitan ng pag-aaral sa paaralan ng medisina sa University of Utah. Sa sumunod na ilang taon, dinala siya at ang kanyang pamilya ng kanyang pagsasanay sa medisina sa Minnesota, Massachusetts, at pabalik sa Utah. Noong 1975, nahalal siya bilang pangulo ng Society for Vascular Surgery at kalaunan ay itinalaga bilang tagapamahala ng American Board of Thoracic Surgery. Sa kanyang propesyon sa medisina, nagsagawa siya ng mahigit 7,000 operasyon, kabilang na ang malawak na ibinalitang operasyon kay Pangulong Spencer W. Kimball at sa isang babaeng may tumor malapit sa kanyang puso na buntis sa kambal na sanggol. Naghangad si Nelson ng paggabay mula sa langit sa bawat pagkakataong nagsasagawa siya ng operasyon.

si Russell M. Nelson

Si Dr. Russell M. Nelson na nagtuturo sa isang katrabaho sa kanyang propesyon sa medisina bilang siruhano sa puso.

Si Russell M. Nelson ay naglingkod din sa bishopric at bilang isang stake president. Noong 1971, tinawag siya bilang Sunday School General President. Hiniling sa kanya ng mga lider ng Simbahan na tanggapin lamang ang pagtawag kung kaya pa rin niyang ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang isang siruhano. Noong 1978, naglingkod siya bilang panrehiyong kinatawan ng Labindalawa (ang tagapanguna ng Area Seventy) sa Utah na may pamamahala na kinabilangan ng mga ward at stake ng estudyante sa Brigham Young University. Tatlumpu’t limang taon sa kanyang propesyon, isang yugto kung saan maraming ibang propesyonal na may kaparehong tagumpay ang nag-iisip nang magretiro, tinawag si Nelson bilang Apostol. Noong 1985, isang taon sa ministeryo ni Elder Nelson bilang apostol, hiniling ng isang doktor sa China na ilang taon na niyang kakilala kung maaari siyang mag-opera kay Fang Rongxiang, isang tanyag na mang-aawit sa opera. Matapos magalang na tumanggi nang ilang beses, pumayag din si Elder Nelson at, kasama ang isang dating katrabaho sa Lunsod ng Salt Lake, isinagawa niya ang kanyang pinakahuling operasyon bilang isang siruhano.

Sa 33 taong naglingkod siya bilang isang Apostol, siya ay naglakbay sa 134 na bansa at kalahok sa pagbubukas ng 31 sa mga ito para sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinuportahan niya ang mga pagpapaunlad sa mga programa para sa kabataan, lalo na ang paglikha sa mga pinahahalagahan at tema ng Young Women, na inanunsyo ilang panahon matapos siyang ordenahan sa pagiging apostol. Nanguna rin siya sa mga gawain ng Simbahan sa Silangang Europa sa panahon ng mga pandaigdigang tensyon ng Kanlurang Europa at ng Estados Unidos noong mga dekada ng 1980 at 1990. Siya ay naglingkod, at sa isang panahon ay namuno, sa Missionary Executive Council noong dekada ng 2000 at 2010, kung kailan ginawa ang ilang mahahalagang pagpapaunlad sa pagsasanay ng missionary at mga kwalipikasyon para sa paglilingkod bilang missionary.

Noong 2005, matapos ang halos 60 taong pagsasama bilang mag-asawa, biglaang namatay si Dantzel Nelson dahil sa atake sa puso. Noong 2006, pinakasalan ni Elder Nelson si Dra. Wendy L. Watson, isang therapist sa pag-aasawa at pamilya at propesor sa Brigham Young University. Matapos pumanaw si Pangulong Boyd K. Packer noong 2015, si Elder Nelson ang naging Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan siya naglingkod hanggang sa pumanaw si Pangulong Thomas S. Monson noong 2018.

sina Russell M. Nelson at Isabela Castellano

Si Pangulong Russell M. Nelson na tinutulungan si Isabela Castellano habang nagkukumpas ito ng isang awitin sa dulo ng paglibot ng ministeryo sa Latinong Amerika, 2019.

Mula 2018, namuno si Pangulong Nelson sa isang serye ng mga pagbabago sa mga programa at operasyon ng Simbahan, na ang lahat ay bahagi ng inasahan niyang “mabilis na [takbo]” para sa “hinaharap na mas maganda kaysa inakala ninuman.” Maraming pagbabago ang naging sagot sa pagdagdag ng halos tatlong milyong miyembro sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Monson at lumalaking pandaigdigang sakop ng mga kongregasyon ng Simbahan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitipon ng Israel para sa patuloy na gawain ng Panunumbalik, hinihimok ang lahat na “hayaang manaig ang Diyos” sa kanilang mga buhay at tingnan ang katuparan ng mga tipan ng Panginoon sa kanilang paglilingkod sa tahanan at sa Simbahan. Hinikayat niya tayong lahat na gamitin ang buong pangalan ng Simbahan sa halip na ang mga kultural na palayaw at inisyalismo, gunitain ang araw ng Sabbath nang may higit na kabanalan, at manguna “sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo.” Ang Simbahan ay nangangasiwa ng 159 templo noong 2018; mula noon ay nag-anunsyo si Pangulong Nelson ng mahigit 150 bagong templo, marami sa 35 bansa na binisita niya bilang Pangulo ng Simbahan. Siya rin ang namahala sa malalaking renobasyon sa mga templong itinayo ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw sa Utah, lalo na ang Salt Lake Temple at ang mga paligid ng Temple Square nito. Sa panahon ng pandemyang COVID-19 na nakaapekto sa halos lahat ng bahagi ng Simbahan sa buong mundo, siya ang nangasiwa sa mabibilis na pagresponde at mga pagpapalawak ng tulong pantao. Sa mga taong kasunod ng pandemya, tinanggap ni Pangulong Nelson ang pagpapanumbalik ng mabilis na takbo ng pagmi-minister sa mundo at pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong 2023, itinuro niya, “Malinaw ang mensahe ng Tagapagligtas: Ang Kanyang tunay na mga disipulo ay nagpapatatag, nagpapasigla, naghihikayat, at nagbibigay-inspirasyon—gaano man kahirap ang sitwasyon.” Sa taon ding iyon, umabot siya sa edad na 99 taong gulang, ang pinakamahabang buhay ng sinumang Pangulo ng Simbahan.

1:29

Si Pangulong Russell M. Nelson na nag-aanyaya sa mga tao sa buong mundo na mag-ayuno para sa kaginhawaan mula sa COVID-19, 2020.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Russell M. Nelson, tingnan ang kanyang profile sa koleksyong Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org.

Mga Kaugnay na Paksa: Sunday School, Pagtatayo ng Templo, Pagtitipon ng Israel, Pangalan ng Simbahan, Pag-unlad ng Gawaing Misyonero