Kasaysayan ng Simbahan
Serbisyong Panlipunan


Serbisyong Panlipunan

Tulad ng maraming relihiyosong komunidad, ang mga miyembro ng Simbahan ay may mahabang kasaysayan ng pagtulong sa maralita at pagtugon sa mga yaong nangangailangan. Sa mga unang taon ng Simbahan, tinanggap ng mas malawak na lipunan ng Amerika ang gawaing kawanggawa ng kababaihan, at ang kababaihan ang madalas na nanguna sa mga pagsisikap na pangkapakanan kapwa sa mga panrelihiyon at sibikong konteksto. Sa pagtatatag nito noong 1842 at habang pinasisigla ito noong dekada ng 1860, nagsikap ang Relief Society na sundin ang Kristiyanong kautusan na pangalagaan ang maralita sa pamamagitan ng pangangalap ng mga donasyon at pamamahala sa mga resource ng komunidad upang matugunan ang mga temporal na pangangailangan. Ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay nagturo ng mga klase tungkol sa pangangalaga sa mga maysakit at tungkol sa katawan ng tao, at nagtipon at nag-imbak ng butil, nagtayo ng Deseret Hospital, nagsanay ng mga nars at komadrona, at nakipag-ugnayan sa mga lokal na bishop para sa mga pagsisikap sa pagtulong.

Sa pagpasok ng ika-20 na siglo, ang Relief Society ay nagsimulang tumanggap ng mga bago at eksperimental na pamamaraan sa pangangalaga ng mga pangangailangan ng mga tao, na madalas tawaging “siyentipikong kawanggawa” noong panahong iyon, sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga sistema ng suportang panlipunan, pagsulong ng pakikilahok ng komunidad, at pakikipagtulungan sa mga sibikong ahensya. Ang umuusbong na propesyon at larangan ng gawaing panlipunan ay nagbigay rin sa umuusbong na salinlahi ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw ng mga oportunidad na sumali sa pagkilos para sa panlipunang pag-unlad noong panahong iyon at magbahagi ng lumalagong kaalaman tungkol sa nutrisyon at mga agham pantahanan. Naglathala ang mga patnugot ng Relief Society Magazine ng mga artikulong angkop sa mga gayong interes at gumawa ng bagong Relief Society curricula hinggil sa mga paksang ito. Ang mga lider ng Simbahan ay bumuo ng isang Social Advisory Committee noong 1916 upang tugunan ang mga alalahanin tungkol sa mga kaguluhang panlipunan, kabilang na ang pampublikong kalusugan at mga moral na isyu. Nagsikap ang komite na magsanay ng mga manggagawang panlipunan bilang bahagi ng mga pagsisikap na inisponsoran ng Simbahan para sa pagpapasigla ng komunidad. Si Amy Brown Lyman, ang pangkalahatang kalihim ng Relief Society at isang propesyonal na nagsanay na manggagawang panlipunan, ay tumulong na paunlarin at palawakin ang mga nauugnay na programa.

si Amy Brown Lyman

Si Amy Brown Lyman at isang grupo ng kababaihan sa isang miting ng pagsasanay para sa serbisyong panlipunan sa Anaconda, Montana, circa 1920.

Noong Unang Pandaigdigang Digmaan, ang mga manggagawang panlipunan at miyembro ng Relief Society ay nag-ambag sa pagsisikap sa digmaan sa gawain sa sariling bayan, tumutulong sa produksyon ng pagkain at mga proyekto ng Red Cross, kabilang na ang paggawa ng mga benda para sa operasyon, guwantes, at medyas. Nagtuon sila sa pagpapababa ng bilang ng namamatay na sanggol at ina, sumali sa mga kampanya upang mapabuti ang pangangalaga sa kalusugan ng bata sa Estados Unidos, at nakipag-ugnayan sa gawaing kawanggawa ng Simbahan at kasama ang mga panlabas na katuwang. Bago ang kanyang pagpanaw, ang Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith ay nag-atas kay Amy Brown Lyman na maglunsad ng isang departamento ng serbisyong panlipunan sa Relief Society, na kanyang naisakatuparan noong 1919. Sa huling bahagi ng dekada ng 1920, ang Social Service Department ay nagsimulang mangasiwa sa pag-aampon, isang tampok na gawain ng organisasyon hanggang 2014.

Bago ang Great Depression noong dekada ng 1930, namahala ang Social Service Department sa mga kasong pangkapakanan ng mga miyembro ng Simbahan sa Utah na kapos sa pananalapi. Ang ganitong kaayusan ng gawaing panlipunan ay nagpatuloy hanggang ang mga manggagawang panlipunan ay inatasan ng pamahalaang pederal noong kasagsagan ng Great Depression. Sa panahong ito ng kawalang-katiyakan sa ekonomiya, nagtatag ang Simbahan ng isang plano sa seguridad na kalaunang naging permanenteng Welfare Department. Pinaigting din ng Social Service Department ang mga pagsisikap nito na mangalaga sa mga bata, at noong 1937, muling isinaayos ng Relief Society ang departamento na maging Social Service and Child Welfare Department. Ang mga gawain ng serbisyong panlipunan sa Simbahan ay lumawak sa Los Angeles, California, at Ogden, Utah, noong mga dekada ng 1930 at 1940. Patuloy ang Social Service and Child Welfare Department sa pagkuha ng mga propesyonal na manggagawang panlipunan, nagdagdag ng mga resource para sa mga inang walang asawa, lumikha ng programa ng paggabay sa kabataan, at nagsilbing isang ahensya ng trabaho para sa kababaihan. Dahil ang departamentong ito ay lisensyadong maghandog ng mga serbisyong pangkapakanan ng bata, noong 1954, inilipat ng mga lider ng Simbahan ang Indian Student Placement Program, isang programa ng pagkupkop at pakikisama sa mga estudyanteng Native American, sa saklaw nito.

wheelchair na binubuo

Mga manggagawang nagbubuo ng wheelchair sa isang pagsasanay para sa serbisyong pangkawanggawa sa Kenya.

Sa mga huling dekada ng ika-20 siglo, kumilos ang mga lider ng Simbahan upang pagsamahin at pag-ugnayin ang mga organisasyon at programa bilang bahagi ng isang pagsisikap sa pag-uugnay sa buong Simbahan. Sa panahong ito, ang Presiding Bishopric ang nangasiwa sa gawain para sa serbisyong panlipunan. Sa kabila ng ilang pagbabago ng pangalan sa pagitan ng taong 1969 at 2019, ang organisasyon ng Simbahan para sa mga serbisyong panlipunan ay patuloy na sumuporta sa mga hindi kasal na buntis at pag-aampon ng bata na hindi alintana ang inanibang simbahan at nagsilbing isa sa mga pinakamalaking ahensya ng pribadong pag-aampon sa Estados Unidos. Ang mga Banal sa mga Huling Araw at iba pa ay nakatanggap ng karagdagang suporta sa pamamagitan ng mga referral mula sa mga bishop, partikular na para sa propesyonal na pagpapayo, mga addiction recovery program, mga klase sa pagiging magulang, at istrukturadong pagpapaabot ng tulong sa mga nakakulong na indibiduwal. Pagsapit ng taong 2000, ang organisasyon ay nagkaroon ng 6 na tanggapan sa Canada, Great Britain, Australia, at New Zealand, pati na rin ang 57 tanggapan sa Estados Unidos. Bagama’t itinigil na nito ang pagiging ahensya ng pag-aampon noong 2014, pagsapit ng 2023, ang Family Services ay nagpatuloy na sumuporta sa mga pag-aampon sa pamamagitan ng paggabay sa proseso sa mga magulang na nais mag-ampon.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Programang Pangkapakanan, Relief Society, Amy Brown Lyman, Great Depression, Mga Babaeng Pioneer at Medisina

  1. Tingnan sa Mga Paksa: Ang Female Relief Society ng Nauvoo, Relief Society, Mga Babaeng Pioneer at Medisina, Paggaling, Ikapu; “Report of Deseret Hospital Dedication, July 17, 1882,” sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 497–506; “F. R. Society Reports,” Woman’s Exponent (Salt Lake City), Okt. 1, 1872, 66–67.

  2. Tingnan sa mga Paksa: Pagtitipid, Sina John at Leah Widtsoe.

  3. Thomas G. Alexander, “Between Revivalism and the Social Gospel: The Latter-day Saint Social Advisory Committee, 1916–1922,” BYU Studies, tomo 23, blg. 1 (1983), 25.

  4. Tingnan sa Paksa: Amy Brown Lyman.

  5. Tingnan sa Paksa: Unang Digmaang Pandaigdig; Dave Hall, “Relief Society Educational and Social Welfare Work, 1900–29,” sa David J. Whittaker at Arnold K. Garr, mga pat., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 361–71.

  6. Ryan Morgenegg, “New Adoption Policies,” Church News, Hunyo 29, 2014, 15.

  7. Tingnan sa mga Paksa: Mga Welfare Program, Great Depression.

  8. Tingnan sa Paksa: Indian Student Placement Program; John P. Livingstone, “Historical Highlights of LDS Family Services,” sa Scott C. Esplin at Kenneth L. Alford, mga pat., Salt Lake City: The Place Which God Prepared (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 286–89.

  9. “LDS Social Services Re-named LDS Family Services,” Church News, Nob. 27, 1999, 6; “Church Agency Is Ready, Willing and Able to Help,” Church News, Peb. 26, 2000, 5; “Adoption Consultation and Referrals,” Family Services, providentliving.ChurchofJesusChrist.org.