Kasaysayan ng Simbahan
Kasaysayan ng Simbahan at Pag-iingat ng mga Tala


Kasaysayan ng Simbahan at Pag-iingat ng mga Tala

Mula sa mga umpisa nito, binigyang-diin ng Simbahan ang pag-iingat ng mga tala at pagsulat ng kasaysayan batay sa isang malalim na paniniwala, na binigyang-diin sa Aklat ni Mormon, na ang mga sagradong tala ay gumagabay sa matatapat at nag-iingat sa presensya ng Diyos sa kasaysayan para sa mga darating na henerasyon. Ang dedikasyon ng Simbahan sa pag-iingat ng mga tala ay nakita mula sa pagtatatag nito noong 1830, kung kailan ang isang paghahayag ay nag-utos sa mga miyembro na idokumento ang ministeryo ni Joseph Smith bilang propeta. Si Joseph mismo ay lubos na nakilahok sa pagbubuo at pag-iingat ng mga sagradong tala, partikular na sa pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon at sa pagsulat ng ilang paghahayag na natanggap niya mula sa Panginoon.

Kasabay ng paglago ng Simbahan ay lumaki rin ang pangangailangan nila para sa mga tala. Noong 1831, si John Whitmer ay itinalaga bilang Mananalaysay ng Simbahan at inatasang magsulat para kay Joseph Smith at magpanatili ng tuluy-tuloy na talaan. Noong 1832, naglunsad si Joseph ng isang mahalagang kampanya sa pag-iingat ng mga tala na kinabilangan ng kanyang kasaysayan at journal, isang koleksyon ng mga paghahayag, isang minute book o tala ng mga minuto, at isang aklat ng liham. Makalipas ang dalawang taon, tinagubilinan niya si Whitmer, na noon ay naninirahan sa Missouri, na mag-ingat ng mga listahan ng mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan doon. Noong 1835, itinalaga niya si Oliver Cowdery upang maging “tagapagtala para sa Simbahan,” na nagbunga sa isang mas sistematikong proseso para sa pag-iisyu at pangangasiwa ng mga lisensya sa pagmiministeryo. Ang lahat ng ito ay higit pa sa burukratikong pangangailangan; nagpahayag si Joseph ng panghihinayang na ang Simbahan ay hindi nag-ingat ng mas magagandang tala noong umpisa, sinasabing ang gayong tala sana ay nagkaroon ng “hindi masukat na halaga sa mga banal.”

Noong 1838, pinanibago ni Joseph ang kanyang mga pagsisikap na magsulat ng kasaysayan ng naunang bahagi ng kanyang buhay na karamihan ay batay sa kanyang paggunita. Idinikta niya ang kasaysayang ito kay George Robinson, na naglilingkod noon bilang Pangkalahatang Tagapagtala ng Simbahan at isang klerk sa Unang Panguluhan. Nahinto ang pagsisikap na iyon nang pinalayas ng mga taga-Missouri ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa estado at noong 1839 ay pumanaw si James Mulholland, ang sumunod na klerk ni Joseph. Pagdating sa Nauvoo, Illinois, nangailangan ng mga karagdagang klerk at ingat-yaman dahil sa mga sibiko at panrelihiyong aktibidad. Matapos ianunsyo ang Nauvoo Temple, itinalaga si Williard Richards bilang tagapagtala ng templo at tagasulat ni Joseph Smith, na tinutulungan ni William Clayton. Ipinagpatuloy ni Richards ang 1838 kasaysayan ni Joseph ngunit mas ginamit niya ang mga naunang nakasulat na salaysay. Pormal siyang tinawag bilang Mananalaysay ng Simbahan noong 1842 at bilang Tagapagtala ng Simbahan makalipas ang isang taon, kung kailan kumuha siya ng mga tutulong sa pagkumpleto ng kasaysayan. Ang kanilang gawain ay nakilala bilang ang Historian’s Office.

si Willard Richards

Ang Mananalaysay at Tagapagtala ng Simbahan na si Willard Richards, na nag-organisa ng Historian’s Office noong dekada ng 1840.

Nang ituro ni Joseph Smith na ang mga tala ng klerk ng mga sagradong ordenansa ay nakatala rin sa langit, ang mga pagsisikap na mag-ingat ng mga tala ay mabilis na naugnay sa pagsamba sa templo. Kalaunan, nakita ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga partikular na tala hindi lamang bilang simpleng pagkonekta sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, kundi bilang isang “pag-uugnay” sa pagitan ng langit at lupa (Doktrina at mga Tipan 128). Mabilis na lumago ang Historian’s Office bilang isa sa mga sentro ng pagkolekta, pagproseso, at pamamahagi ng impormasyon ng Simbahan at lugar ng maraming mahahalagang miting. Sa loob ng ika-20 siglo, pinangasiwaan ng Historian’s Office ang paglikha, pangangalap, at pag-iimbak ng mga tala ng Simbahan na kinabilangan ng mga seremonya sa templo, indibiduwal na ordenansa, datos ng pagkamiyembro, tala ng mga lokal na miting, opisyal na mga gawain , at sari-saring dokumento.

Ang mga Mananalaysay at Tagapagtala ng Simbahan kabilang na sina George A. Smith at Wilford Woodruff, at mga miyembro ng kawani kabilang na sina Larinda Weihe at B. H. Roberts, ay nangolekta, nag-ingat, at naglathala ng mga makasaysayang sanggunian at salaysay na naging mahalaga sa mga miyembro ng Simbahan. Ang Katuwang na Mananalaysay ng Simbahan na si Andrew Jenson ay naglakbay sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang humanap ng mga tala na nilikha ng mga missionary at lokal na miyembro. Magkakasama, ang kanilang mga pagsisikap ay nakabuo ng isang matibay na artsibo na patuloy na lumalawak ang laki at kapakinabangan. Sa paglago ng pangangailangan sa pag-iingat ng mga tala, ang Historian’s Office ay lumipat sa Church Administration Building noong 1918, nag-aangkop ng mga bagong pamamaraan mula sa ibang artsibo sa paglipas ng panahon. Pagsapit ng 1972, ang pangunahing artsibo ay inilipat sa Church Office Building, kung saan gumamit ito ng mga makabagong teknolohiya ng microfilming, photocopying, at digitization upang higit na mapahusay ang pag-iingat ng mga tala.

Ang mga makasaysayang salaysay na isinulat nina B. H. Roberts, Susa Young Gates, Joseph Fielding Smith, at Gordon B. Hinckley ay humubog sa pag-unawa ng Simbahan sa kasaysayan nito sa loob ng maraming dekada. Sa pag-unlad ng ika-20 siglo, ang kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ginawang pokus ng akademikong pag-aaral ng lumalaking bilang ng mga propesyonal na mananalaysay, at nagtulungan ang mga artsibero at mananalaysay upang makatuklas at makapagpalawak ng access sa mga sanggunian kung saan mauunawaan ang kasaysayan ng Simbahan. Ang mga bagong pamamaraan sa pag-aaral ng kasaysayan ay nagpakilala ng mas maraming sanggunian ukol sa nakaraan ng Simbahan, nagbalik-tanaw sa ilang bahagi na may bagong sanggunian at maingat na pamamaraan, at nagpalawak ng mga pag-aaral upang makabilang ang kasaysayan ng kababaihan, mga grupong minorya, at higit na pandaigdigang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Church History Library

Ang Church History Library ay naglalaman ng pangunahing artsibo ng Simbahan sa Salt Lake City, Utah.

Tumulin ang bilis ng pagbabago ng artsibo sa unang bahagi ng ika-21 siglo. Ang Church History Library, na itinayo noong 2009, ay naglalaman ng milyun-milyong orihinal na dokumento, larawan, audio-visual recording, at iba pang materyal na artepakto. Ang Church History Department, ang kahalili ng Historian’s Office, ay patuloy na nagpalawak ng mga pagsisikap upang mag-ingat at maglathala ng kasaysayan ng Simbahan. Ang mga proyekto nito ay kinabilangan ng mga programa sa mga makasaysayang lugar, ng Joseph Smith Papers Project, ng maraming tomo na makasaysayang salaysay na pinamagatang Mga Banal, at ng isang pandaigdigang proyekto sa pangangalap upang mangolekta ng mga makasaysayang sanggunian mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Noong 2012, binuksan ng Simbahan ang mga unang sentro nito para sa pag-iingat ng mga tala, na gumana bilang desentralisadong artsibo na lokal na nangongolekta ng mga makasaysayang artepakto. Pagsapit ng 2022, mahigit 25 sentro para sa pag-iingat ng mga tala ang itinayo sa mga ligtas na pasilidad sa buong mundo.

Mga Kaugnay na Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan, Punong-tanggapan ng Simbahan, Susa Young Gates, B. H. Roberts, Joseph Fielding Smith

  1. Joseph Smith’s Historical Enterprise,” JosephSmithPapers.org; “Record of the Twelve, 14 February–28 August 1835,” 1, JosephSmithPapers.org.

  2. Joseph Smith’s Historical Enterprise”; “Introduction to History, 1838–1856 (Manuscript History of the Church),” JosephSmithPapers.org.

  3. Tingnan sa Robin Scott Jensen, “‘Archives of the Better World’: The Nineteenth-Century Historian’s Office and Mormonism’s Archival Flexibility” (PhD dis., University of Utah, 2019).

  4. Tingnan sa Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan.

  5. Tingnan sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 tomo. (Salt Lake City: Deseret News Press, 1930); Joseph Fielding Smith, Essentials in Church History (Salt Lake City: Deseret News Press, 1922); Gordon B. Hinckley, Truth Restored: A Short History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1969); tingnan din sa Paksa: Susa Young Gates; Ronald W. Walker, David J. Whittaker, at James B. Allen, Mormon History (Urbana: University of Illinois Press, 2001), 31–96; Keith A. Erekson ethttps://history.churchofjesuschrist.org/blog/what-is-a-records-preservation-centeral., “What We Will Do Now That New Mormon History Is Old: A Roundtable,” Journal of Mormon History, tomo 35, blg. 3 (Tag-init 2009), 190–233.

  6. Matthew K. Heiss, “What Is a Records Preservation Center?,” history.ChurchofJesusChrist.org/blog/what-is-a-records-preservation-center.