Globalisasyon
Mula sa umpisa, ang mga unang miyembro ng Simbahan, kabilang na si Joseph Smith, ay umasa na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay aabot sa buong mundo. Nakatanggap si Joseph ng paghahayag noong 1831 na nangangakong ang ebanghelyo ay “lalaganap … hanggang sa mga dulo ng mundo,” na malawak at masigasig na hinangad ng mga Banal sa mga Huling Araw na maisakatuparan sa kanilang mga pagsisikap na mangaral sa at tipunin ang Sion. Sa buong kasaysayan nito, ang Simbahan ay lumago at naging pandaigdigang pananampalataya, isang prosesong hinubog ng mas malaking makasaysayang kalakaran gayundin ng patnubay ng mga lider ng Simbahan at tapat na paglilingkod ng mga miyembro nito.
Ang mga simula at unang paglago ng Simbahan ay sumabay sa pandaigdigang paglobo ng populasyon at paglawak ng paglalakbay, pandarayuhan, komunikasyon, industriya, at karunungang bumasa at sumulat sa buong mundo. Sa pagpasok ng ika-20 na siglo, naabot ng mga estado at kolonya ng Europa, Amerika, at Asya ang kanilang heograpikong hangganan, inaangkin bilang teritoryo ang halos lahat ng lupain sa mundo at iginigiit ang kapangyarihan ng pamahalaan sa kanilang mga residente. Ang mga tao sa mundo ay nagkaroon ng higit na koneksyon sa isa’t isa sa kabila ng malalawak na distansya at sa iba’t ibang paraan. Ang ilang pangmalawakang kaganapan ay nagbunga ng mga kondisyon na naranasan ng malaking bahagi ng populasyon ng mundo noong ika-20 at ika-21 na mga siglo, tulad ng dalawang Digmaang Pandaigdig at isang pinahabang proseso ng dekolonisasyon kung saan ang mga dating kolonyal na pamahalaan ay pinalitan ng mga lokal na opisyal na pinili ng mga mamamayan nito. Sa pamamagitan ng gawaing misyonero, pandarayuhan, at patuloy na ministeryo, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga panahong ito ay nagtaguyod ng kanilang sariling pandaigdigang komunidad.
Hindi lahat ng bahagi ng mundo ay maaaring maabot ng mga unang missionary na Banal sa mga Huling Araw o ng kanilang mensahe. Ang mga miyembro ng Simbahan ay lumapit sa kanilang mga kapamilya at kakilala sa pamamagitan ng mga personal na ugnayan, na unang sumaklaw sa kanilang mga lupang tinubuan o mga landas na alam nila dahil sa kanilang mga trabaho tulad ng paglilingkod sa militar, negosyo, at turismo. Ang mga unang rehiyon na nagbukas sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Estados Unidos, Canada, Kapuluan ng Britanya, kontinental na Europa, at mga Pulo sa Pasipiko. Mula sa mga lugar na ito ay lumawak ang mga personal na ugnayan habang ibinabahagi ng mga bagong miyembro at ng kanilang mga pamilya at kapitbahay ang ebanghelyo. Nang simulang hikayatin ng mga lider ng Simbahan noong dekada ng 1890 ang mga bagong binyag na huwag mandarayuhan sa Kanlurang bahagi ng Hilagang Amerika kundi sa halip ay palakasin ang mga stake sa kanilang lupang tinubuan, nagkaroon ng mga itinatag na kongregasyon sa Hilagang Amerika, Europa, at Oceania.
Ang mga pandaigdigang kondisyon at pagpapabuti sa paglalakbay sa mga unang bahagi ng dekada ng 1900 ay nagtulot sa lumalaking bilang ng mga kandidato sa pagiging missionary na palawakin ang kanilang pangangaral sa ibang bansa, na naghatid ng mga bagong pamamaraan ng pagbuo ng mga misyon, district, at branch. Nagsikap ang mga missionary noong dekada ng 1920 na palakasin nang husto ang mga district upang mapangasiwaan ng mga lokal na miyembro ang kanilang mga kongregasyon. Sa pagdami ng bilang ng mga miyembro, hinati ang mga unit ng Simbahan upang umangkop sa mga ito, kung kaya’t dumami ang bilang ng mga ward at stake sa buong mundo. Ipinagpatuloy ng mga Apostol ang kanilang natatanging tungkulin na “buksan ang pintuan ng kaharian ng langit sa lahat ng bansa” sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga opisyal ng pamahalaan upang makakuha ng pahintulot na itatag ang Simbahan sa mga bagong bansa. Noong dekada ng 1940, may apatnapung misyon sa Europa, Hilaga at Timog Amerika, mga Pulo sa Pasipiko, at mga bahagi ng Asya.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga sundalo ay tumulong na ipakilala o muling itatag ang Simbahan sa mga bansa kung saan sila itinalaga, partikular na sa Japan, Korea, Pilipinas, Vietnam, at Thailand. Si Pangulong David O. McKay, na bilang isang bata pang Apostol ay nasaksihan mismo ang mga hamon na kinakaharap ng mga miyembro sa labas ng Hilagang Amerika, ay nangasiwa sa pangmalawakang programa ng pagtatayo ng mga chapel at templo upang mas masuportahan ang mga kongregasyon sa buong mundo. Sa pagitan ng 1945 at 1955, 630 meetinghouse ang naitayo, na karamihan ay mga lokal na Banal sa mga Huling Araw ang gumawa. Habang nagsisimulang dumami ang mga stake sa ibang bansa, kalaunang sumunod ang mga templo. Sa pagitan ng 1955 at 1985, labingwalong templo ang itinayo sa labas ng Estados Unidos sa Europa, Oceania, Gitna at Timog Amerika, silangang Asya, at katimugang Africa. Bumilis ang pagtatayo ng templo sa ika-21 siglo, na may daan-daang bukas na templo sa iba’t ibang bahagi ng mundo pagdating ng taong 2024.
Ang mabilis na pagtaas ng bilang ng pandarayuhang tumatawid sa hangganan at pagpapabuti ng paglalakbay sa pagitan ng dekada ng 1990 at unang bahagi ng dekada ng 2000 ay nagpabago sa gawaing misyonero sa buong mundo. Ang mga media sa pagbobrodkast at teknolohiya sa pagsi-stream sa internet ay nagpalawak sa mga pamamaraan ng komunikasyon ng Simbahan sa mas maraming wika kaysa dati. Ang Translation Department ay lumago at naging isang pangunahing operasyon, tumutulong na maghatid ng mga banal na kasulatan, seremonya sa templo, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at lathalain sa madla ng buong simbahan na may iba’t ibang wika. Pagsapit ng dekada ng 2020, karaniwang sinisimulan ang mga programa, inisyatibo, at materyal na iniisip ang pandaigdigang ugnayan ng mga miyembro ng Simbahan.
Mga Kaugnay na Paksa: Pag-unlad ng Simbahan, Pag-unlad ng Gawaing Misyonero, Mga Servicemember Branch, Mga Ugnayan ng Magkaibang Relihiyon, Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika, Mga Ward at Stake