Kasaysayan ng Simbahan
Cooperative Movement


“Cooperative Movement,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Cooperative Movement”

Cooperative Movement

Matapos ang Digmaang Sibil ng Amerika noong dekada ng 1860, ang mga negosyong matatagpuan sa silangang Estados Unidos ay nagtuon ng kanilang atensyon sa lumalagong merkado sa Kanluran. Nag-alala sina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan na sasamantalahin ng mga tagabangko at negosyante ang ekonomiya ng Utah, magpapasok sa mga merkado ng maraming inangkat na produkto, lubhang patataasin ang mga presyo, at magiging banta sa ilang lokal na tagagawa.

Hinangad ni Brigham Young na itatag ang ekonomiya ng Utah batay sa mga inihayag na alituntunin ng paglalaan, pangangasiwa, at ang mga obligasyon sa tipan ng mga Banal sa isa’t isa.1 Naniniwala siya na ang mga alituntuning ito ay magbibigay ng moral na pundasyon para sa palitan at paggawa, at nag-aalangan siya sa paghahangad ng tubo dahil madalas itong humantong sa pagpapayaman ng iilan lamang. Nakikinita kung paanong ang mabilis na paglago ng sistema ng riles ng tren ay magdadala ng mas maraming negosyo mula sa labas patungo sa mga lokal na komunidad, hinikayat ni Brigham ang mga Banal noong 1865 na makipagnegosyo lamang sa mga kapwa miyembro ng Simbahan. Umasa siyang matitiyak nito na ang lokal na ekonomiya ng mga Banal ay mananatiling kayang tustusan ang sarili nito at matutugunan ang mga pangangailangan ng mga maralita.

Gayunman, ang pangangailangan para sa mga inaangkat na kalakal ay nagpatuloy at umunlad ang mga mangangalakal na hindi Banal sa mga Huling Araw. Noong 1867 ay muling nagtipon ang Paaralan ng mga Propeta upang isaalang-alang ang mga bagong patakaran sa ekonomiya.2 Bumuo ang Paaralan ng isang plano: maaaring bumuo ang mga Banal ng mga eksklusibong kasunduang kooperatiba sa pagitan ng mga tagagawa at mangangalakal. Ang gayong sistemang kooperatiba, naisip nila, ay maaaring magprotekta sa mga lokal na ekonomiya mula sa mga pang-aabuso ng mga negosyante sa labas at bawasan ang di pagkakapantay-pantay ng mga miyembro ng Simbahan.3

Sa Lunsod ng Salt Lake noong 1868, binuo nina Brigham Young at iba pang mga lokal na negosyante ang Zion’s Cooperative Mercantile Institution (ZCMI). Bukod sa pagbebenta ng mga damit at mga gamit sa bahay sa mga Banal sa mga Huling Araw, nagbenta rin ang tindahan sa ibang establisimiyentong kooperatiba ng mga pakyawang kalakal. Lumago ang network sa ilang namamakyaw at daan-daang mas maliliit na tindahan sa kabuuan ng mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ilang negosyante ang nagreklamo ng kawalang patas sa paunang tagumpay ng mga kooperatibang tindahan, nakikipagtalo na ginawang monopolyo ni Brigham Young ang malayang merkado sa pamamagitan ng kontrol sa relihiyon.4 Gayunpaman, ilang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw ang nais magkaroon ng mas malaking kooperasyong pang-ekonomiya at bumuo ng mga “nagkakaisang orden” noong dekada ng 1870 batay sa paglalaan ng komunidad, lokal na produksyon, at paglayo mula sa mas malalaking merkado.5

Larawan
Main Street sa Lunsod ng Salt Lake

Mga institusyong pangangalakal at kooperatiba sa kahabaan ng Main Street, Lunsod ng Salt Lake.

Unti-unting nabawasan ang network ng kooperatiba noong dekada ng 1870 sa ilalim ng mga pamimilit mula sa batas laban sa poligamya noong dekada ng 1880 at pagbagsak ng ekonomiya noong dekada ng 1890.6 Gayunman, pinanatili ng mga lider ng Simbahan ang maraming dating kooperatiba bilang mga negosyo, kung saan pinakatanyag ang ZCMI. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ang parehong mga pangunahing alituntunin ng pagkalinga sa mga maralita na humikayat sa kilusang kooperatiba ay nagbigay-inspirasyon sa matagumpay na programang pangkapakanan o welfare program. Nagpanatili ang Simbahan ng malaking kontrol sa ZCMI hanggang 1999, nang ito ay ipinagbili sa isang malaking department store.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Nagkakaisang Orden, United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”), Paglalaan at Pangangasiwa, Paaralan ng mga Propeta, Mga Pamayanan ng mga Pioneer

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Paglalaan at Pangangasiwa.

  2. Tingnan sa Paksa: Paaralan ng mga Propeta.

  3. Nabuo ang mga kooperatiba at alyansa ng mga magsasaka sa iba pang mga estado at teritoryo batay sa isang katulad na huwaran at katulad na mga suliranin na gaya ng sa Utah cooperative network; tingnan sa Thomas A. Woods, Knights of the Plow: Oliver H. Kelley and the Origins of the Grange in Republican Ideology (Ames: Iowa State University Press, 1991).

  4. Tingnan sa Paksa: Mga Godbeite.

  5. Tingnan sa Paksa: Mga Nagkakaisang Orden.

  6. Tingnan sa Paksa: Batas Laban sa Poligamya.