Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Doktrina at mga Tipan 95; 103; 107
Mga Nakatagong Kayamanan
Pag-aralan nang husto ang mga banal na kasulatan. Sulit ito.
Magiliw na Ipinapaalala sa Atin ng Panginoon ang mga Utos na Hindi Natin Pinansin.
Sa Doktrina at mga Tipan 95, medyo nadismaya ang Panginoon sa mga Banal. Nauna na Niyang iniutos sa kanila na magtayo ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:119)—pero makalipas ang limang buwan, wala silang ginawa tungkol dito.
Tila hindi ito maiisip ngayon. Ang pagtatayo ng mga templo ay pangunahing pokus para sa atin! Pero hindi gaanong inihayag ng Panginoon ang tungkol sa mga templo noong 1833. Hindi lubos na pinahalagahan ng mga Banal ang kahalagahan ng mga ito.
Kaya ano ang ginawa ng Panginoon? Ibinigay Niya ang detalye kung bakit gusto Niyang magtayo sila ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 95:8–17). Nilinaw Niya ang sinabi Niya dati, na nagbibigay ng mga bagong pananaw at binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatayo ng templo.
Ang Kasalanan ay Nagdudulot ng Pagkastigo, pero Nangangako pa rin ang Panginoon ng mga Pagpapala.
Noong 1834, nagtataka ang mga Banal kung bakit hinayaan ng Panginoon na pahirapan sila ng kanilang mga kaaway at palayasin sila sa kanilang sariling lupain. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, nagbigay ng dalawang sagot ang Panginoon.
Una, sinabi ng Panginoon na kung minsan ay hinahayaan Niya ang masasama na gumawa ng masasamang bagay “upang kanilang punuin ang sukatan ng kanilang mga kasamaan” (Doktrina at mga Tipan 103:3). Ganito ang sabi ni Alma: “Pinahihintulutan Niyang magawa [ang masasamang bagay], … upang ang kahatulang gagawin Niya sa kanila sa kanyang kapootan ay maging makatarungan” (Alma 14:11).
Ang isa pang dahilan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na dahilan ng kanilang mga problema ay marahil mas mahirap marinig: “Nang ang mga yaong tumatawag sa kanilang sarili alinsunod sa aking pangalan ay maparusahan sa maikling panahon … sapagkat hindi sila nakinig nang lubos sa mga panuntunan at kautusan na aking ibinigay sa kanila” (Doktrina at mga Tipan 103:4).
Hindi ito nangangahulugan na sinang-ayunan ng Diyos ang masasama at iligal na gawain ng kanilang mga kaaway. Hindi Niya “hinikayat” ang mga mandurumog na salakayin ang mga Banal; hinayaan Niya silang gamitin ang kanilang kalayaan at hindi Siya nakialam para pigilan sila.
Pero nangako pa rin ang Panginoon na kung susunod ang mga Banal, “sila ay hindi kailanman titigil na manaig” (Doktrina at mga Tipan 103:7).
Bakit Ipinangalan ang Priesthood kay Melquisedec?
Marahil ay nagtataka ka kung bakit ang mas mataas na priesthood ay ipinangalan kay Melquisedec. Ipinaliwanag ito ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith:
“Bago sa [kapanahunan ni Melquisedec] ito ay tinatawag na ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Pero bilang paggalang o pagpipitagan sa pangalan ng Kataas-taasang Katauhan, upang maiwasan ang madalas na pag-ulit ng kanyang pangalan, sila, ang simbahan, noong unang panahon, ay tinawag ang pagkasaserdoteng yaon alinsunod kay Melquisedec, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec” (Doktrina at mga Tipan 107:3–4).
Isipin kung gaano kadalas natin banggitin ang “Melchizedek Priesthood” sa mga miting ng Simbahan at hindi pormal na mga talakayan. Ngayon isipin na, sa halip na “Melquisedec,” sinasabi natin ang “Anak ng Diyos” sa bawat pagkakataon. Magsisimula itong maging tila kawalan ng galang. Nais ng Panginoon na iwasan iyan.