Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pinangangalagaan Ako ng Diyos
Para sa Lakas ng mga Kabataan Setyembre 2025


Digital Only: Mga Tinig ng Kabataan

Pinangangalagaan Ako ng Diyos

kabataang lalaki

Larawang kuha ni Christina Smith

Bigla akong nakaranas ng depresyon ilang linggo matapos kong matanggap ang aking mission call. Wala akong kasigla-sigla, walang motibasyon, at ang pinaka-nakakatakot sa lahat, galit ako. Galit sa aking pamilya, mga kaibigan, sa Diyos, at sa aking sarili. Dahil sa nararamdaman ko, hindi ko naabot ang mga mithiin na itinakda ko para sa aking sarili.

Pakiramdam ko parang hindi patas sa akin ang Diyos. Kadalasan sa buhay ko, masaya ako kapag napaglilingkuran ko ang aking mga kaibigan at pamilya. Lagi akong umiisip ng mga paraan na mapasaya at mapagbuti ang buhay nila. Isa pa, naipangako ko na ilaan ang susunod na dalawang taon ng buhay ko na patuloy na gawin ang bagay pa ring iyon. Sa isip ko, halos buong buhay ko puro paglilingkod na ang ginagawa ko, pero hindi man lang ipinaramdam ng Diyos kahit sa isang tao na kumustahin ako. Parang wala Siyang malasakit sa akin.

Siyempre, hindi totoo iyan. Mahal ako Diyos nang higit pa sa kaya kong maunawaan. Ibinibigay Niya ang lahat ng kailangan ko. Binigyan Niya ako ng mabubuting gawi para hindi ako malayo sa ebanghelyo, isang kahanga-hangang pamilya na mabait at mapagmahal at mapagsuporta ngunit pinaparamdam sa akin na kailangang may baguhin ako sa sarili ko para sa ikabubuti ko, at biniyayaan Niya ako ng mababait na kaibigan na (alam man nila o hindi) ay nagbigay sa akin ng lakas na kailangan ko para magpatuloy.

Bagama’t hindi ko talaga ito natanto noong nasa kalagitnaan ako ng aking pagsubok, alam kong pinangangalagaan ako ng Diyos. Sa pagtanggap ko ng aking endowment sa templo, natanto ko na pinangangalagaan pala ako ng Diyos mula pa sa simula—nang literal! Bawat bahagi ng plano ay binuo upang madama ko sa huli, ang ganap na selestiyal na kagalakan. Ang pinakatampok na aspeto ng planong ito ay ang sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak, isang kaloob na napakaperpekto kaya’t di kailanman matutumbasan.

Lubos akong napapasalamat sa Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa aking Tagapagligtas at sa sakripisyong ginawa Niya upang makalaya ako mula sa mga pasakit na nadarama ko sa mundong ito. Si Jesucristo ay buhay, at nais Niyang mabuhay rin tayo!

Nathan M., edad 18, Utah, USA

Mahilig kumanta, umarte, tumakbo, magbisikleta, at magbuhat.