Para sa Lakas ng mga Kabataan
3 Paraan ng mga Propeta at Apostol sa Pagtuturo ng tungkol kay Cristo
Para sa Lakas ng mga Kabataan Setyembre 2025


Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 107

3 Paraan ng mga Propeta at Apostol sa Pagtuturo tungkol kay Cristo

Habang naghahanda kayo para sa pangkalahatang kumperensya, alamin kung paano kumikilos ang mga propeta at apostol bilang mga espesyal na saksi ng Tagapagligtas.

Mga Apostol sa Rome Italy Temple

Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay tinawag para maging “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23). Sila ang Kanyang mga tagapagsalita at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Pinatototohanan at pinatutunayan nila sa mundo na buhay si Jesucristo at Siya ang ating Tagapagligtas. Bilang buod, nais nilang tulungan tayong madagdagan ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Paano nila ginagawa iyon? Habang naghahanda kayo para sa pangkalahatang kumperensya, tingnan ang ilan sa mga paraan na magagabayan kayo ng propeta at mga apostol patungo sa Tagapagligtas.

1. Pagtuturo ng Kanyang Ebanghelyo

Itinuro ni Jesucristo na nagsasalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta "na parang mula sa [Kanyang] sariling bibig" (Doktrina at mga Tipan 21:5). Nangangahulugan iyon na itinuturo nila ang Kanyang ebanghelyo at ipinahahatid ang mga mensaheng kailangan Niyang marinig natin.

Halimbawa, sa nakaraang kumperensya, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo na makabalik sa Ama sa Langit:

"Kung tutuusin, ang pinakamalakas na tulong ng Diyos sa buhay na ito ay ang Kanyang paglalaan ng Tagapagligtas, na si Jesucristo, na siyang magdurusa para magbayad-sala at magpatawad sa mga kasalanang pinagsisihan. Ang puno ng awa at luwalhating Pagbabayad-salang iyon ang nagpapaliwanag kung bakit ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo."

Ang mga alituntuning itinuro ng mga propeta at apostol ay tumutulong na palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Sa pangkalahatang kumperensya, pag-isipan ang mga mensaheng ito. Paano kayo inilalapit ng mga ito sa Tagapagligtas? Manalangin upang malaman na ang Kanyang mga Apostol ay nagtuturo ng katotohanan.

2. Pagpapatotoo na Siya ay buhay.

Bilang mga espesyal na saksi ni Jesucristo, pinatototohanan ng mga propeta at apostol na Siya ay buhay at Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Isipin ang makapangyarihang patotoong ito mula kay Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

"Ako ay saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon na parang naroon ako nang gabing iyon kasama ang dalawang disipulo sa bahay sa nayon ng Emaus. Alam kong Siya ay buhay.

"Ito ang Kanyang totoong Simbahan—ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal. …

"Nagpapatotoo ako bilang saksi sa nabuhay na mag-uli na Tagapagligtas at ating Manunubos."

Sa pangkalahatang kumperensya, pagtuunan ang mga patotoong ito. Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga ito? Paano ninyo mapapalakas ang inyong sariling patotoo tungkol kay Jesucristo? Kapag binibigyang-pansin ninyo ang mga piniling saksi ng Tagapagligtas, pinatutunayan sa inyo ng Espiritu Santo na totoo ang kanilang mga patotoo tungkol sa buhay na Cristo.

3. Pagbibigay ng mga Paanyaya

Tulad ng isang binhi na hindi lalago kung hindi ito dinidiligan at inaalagaan, ang ating mga patotoo ay hindi lalago kung hindi natin ito aalagaan. Kapag inaanyayahan tayo ng mga propeta at apostol na kumilos, nag-aalok sila ng mga inspiradong paraan para palakasin ang ating patotoo, palalimin ang ating kaugnayan kay Jesucristo, at tanggapin ang ipinangakong mga pagpapala ng Tagapagligtas.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025, ilan lamang ito sa mga paanyayang ginawa:

  • Lumago sa tiwala sa sarili sa harap ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng inyong pag-ibig sa kapwa-tao at kabanalan.

  • Magbigay ng "pantay na oras, hindi libreng oras" kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Ipagbunyi ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo nang mas may layunin sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay.

  • Pagnilayan nang mas madalas at mas tapat ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Hanapin ang mga paanyaya na tulad nito habang nakikinig kayo sa pangkalahatang kumperensya. Ibinigay ang mga ito lalo na sa atin para sa mga panahong ito! Ang pagtanggap at pagtalima sa mga ito ay isang napakagandang paraan upang mapalapit kay Jesucristo at manatiling ligtas sa espirituwal sa mga huling araw.

Itinuro minsan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang huwarang matagal nang itinakda ng Diyos sa pagtuturo ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na pagpapalain Niya ang bawat propeta at pagpapalain Niya ang mga nangangailangan ng payo ng propeta.” Kapag naghahanda kayo at nakikinig sa mga inspiradong mensahe ng mga hinirang na propeta ng Diyos, mas madarama ninyo ang pagmamahal ng inyong Tagapagligtas at mauunawaan ninyo kung paano Siya sundin.