Para sa Lakas ng mga Kabataan
Si Jesucristo ay para rin sa Magagandang Araw
Para sa Lakas ng mga Kabataan Setyembre 2025


Si Jesucristo ay para din sa Magagandang Araw

Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, paano tayo mananatiling nakapokus sa Tagapagligtas? Narito ang ilang ideya.

smiley face cutout laban sa araw

Isipin mo na lang na ang isang kaibigan ay nag-uukol lamang ng oras sa iyo kapag nahihirapan sila at iniiwasan ka kapag masaya sila. Magandang ugnayan ba ito? Hindi talaga.

Ginagawa ba natin iyan sa ating Tagapagligtas—hinahanap Siya sa mahihirap na panahon at kinakalimutan Siya sa magagandang panahon?

Marami tayong pinag-uusapan tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo sa ating mahihirap na panahon, marahil dahil ang lahat, sa isang pagkakataon kahit paano, ay nahaharap sa mahihirap na bagay.

Pero may ilang mga araw—linggo o taon pa nga, kung mapalad tayo—kung saan maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Minsan nalilimutan natin ang Tagapagligtas sa gayong mga panahon. Ginawa ito ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Sila ay umunlad mula sa mga pagpapala ng Diyos sa loob ng ilang panahon pero kalaunan ay nabiktima sila ng kapalaluan nang makalimutan nila ang Diyos.

Ang magagandang panahon ay hindi nangangahulugang biglang hindi na natin kailangan si Jesucristo. Ang mga panahon ng kasaganaan ang perpektong panahon para magalak kasama ng Tagapagligtas, hindi para kalimutan Siya.

Kaya paano tayo mananatiling konektado kay Jesucristo at sa ating Ama sa Langit kung ang mga pagsubok ay hindi nagpapaalala sa atin na bumaling sa Kanila?

Manatiling Mapagpakumbaba

Kapag maganda ang takbo ng mga bagay-bagay, masarap ipagdiwang ang iyong mga pagpapala at tagumpay. Pero huwag kalimutan kung sino ang gumawa ng paraan para marating mo ang kinaroroonan mo ngayon. Ganito ang sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang sermon sa Aklat ni Mormon:

“Sapagkat masdan, hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi? Hindi ba’t tayong lahat ay umaasa sa iisang Katauhan, maging sa Diyos, sa lahat ng kabuhayan na nasa atin, kapwa sa pagkain at kasuotan, at sa ginto, at sa pilak, at sa bawat uri ng lahat ng kayamanan na nasa atin?” (Mosias 4:19).

Ang pagiging mapagpakumbaba sa iyong tagumpay sa pamamagitan ng pag-alaala sa ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo ay isang mahusay na paraan upang maisama Sila sa iyong masasayang panahon.

Manatiling Nagpapasalamat

Ang pasasalamat ay isa sa mga pinakamahusay na panlaban sa pagmamataas at pagkalimot. Ang pasasalamat sa Diyos ay tutulong sa iyo na alalahanin Siya at ang lahat ng kabutihan na ginagawa Niya at ng Kanyang Anak sa iyong buhay. Epektibo ito sa magagandang panahon tulad ng sa mahihirap na panahon.

Manatiling may Kamalayan

Isa sa mga paboritong pag-atake ni Satanas ay ang gawin ka niyang “panatag, at dahan-dahan [kang] aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan” (2 Nephi 28:21). Sa madaling salita, magugustuhan niya kung nasisiyahan ka at ligtas sa iyong magagandang oras na nakalimutan mo na kung ano ang pinakamahalaga. Kaya, huwag kalimutan ang Diyos! Kapag nananatili kang may kamalayan sa mga tusong panlilinlang ng kaaway at nilalabanan mo ang mga ito kahit sa panahon ng iyong kasiyahan, maaari kang manatiling malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

dalagita

The Good Shepherd [Ang Mabuting Pastol], ni Michael Malm

Manatiling Nakasentro kay Cristo

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”

Gaano kadalas mo naiisip ang katotohanang ito tungkol sa kagalakan kapag maayos ang takbo ng buhay? Hindi lamang ito isang nakakaaliw na payo kapag nasa mahirap na sitwasyon. Totoo ito sa lahat ng oras, pati na rin sa iyong pinakamagagandang araw. Gawin ang lahat ng iyong makakaya upang magpokus kay Cristo, masama man o mabuti ang iyong sitwasyon.