Pagbabahagi ng Kagalakan sa Kenya
Nang matagpuan ni Robert ang ebanghelyo, kinailangan niya talagang ibahagi ito sa lahat ng kakilala niya. Hindi, talaga—sa lahat.
Mga lawarang kuha nina Leslie Nilsson at Eric D. Snider
Mula nang mabinyagan noong Agosto 2024, si Robert L., 18, ng Kenya, ay nakapagdala ng mahigit 50 mga kaibigan sa simbahan—at bininyagan ang 25 sa kanila!
Iyon ang kabuuang bilang nang makausap namin siya ilang buwan na ang nakararaan. Malamang na nadagdagan na ang bilang na ito simula noon.
Si Robert, na miyembro ng Bukuru Branch sa Kisumu Kenya District, ay ipinakilala sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong unang bahagi ng 2024, nang makilala niya ang isang Amerikano na gumagawa ng humanitarian work sa Kenya.
“Hindi ko talaga inaasahan na magiging mas maganda ang buhay ko,” sabi ni Robert. “Walang pera noon ang mga magulang ko; hindi nila ako mapag-aral.” (Sa Kenya, kahit ang pampublikong paaralan ay may bayad.)
“Pero alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit.” Nagsimula akong manalangin at magbasa ng Bagong Tipan. Pagkatapos ay nakilala ko ang sponsor ko.”
Ang kanyang “sponsor” ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagpala sa buhay ni Robert sa dalawang paraan: tinulungan siya nitong makapag-aral at, higit sa lahat, ibinahagi niya ang ebanghelyo [kay Robert] (gayundin ang isa pang binatilyo na kamakailan lamang ay sumapi sa Simbahan). Nabinyagan si Robert makalipas ang mga anim na buwan.
Si Robert L. ng Kenya ay nag-imbita ng dose-dosenang mga tao sa simbahan—mga kapitbahay, kaeskwela, mga batang kasama niya sa paglalaro ng sports—lahat.
Pagbabahagi ng mga Pagpapala sa Iba
Siyempre, gusto ni Robert na ibahagi sa iba ang kanyang bagong mga pagpapala. Hindi niya kayang i-sponsor ang edukasyon o pag-aaral ng sinuman. Pero tiyak na maituturo niya sa kanila ang ebanghelyo!
Sinimulan niyang anyayahan ang mga tao sa simbahan—mga kapitbahay, kaeskwela, mga batang kasama niya sa paglalaro ng sports—lahat ng kakilala niya. “Dumating ako isang Linggo na may kasamang lima, pagkatapos sa isa pang Linggo ay 10 ang kasama ko,” sabi niya. “Pagkatapos ay ipinadala ko sa kanila ang mga missionary para maunawaan at malaman nila na totoo ang Simbahang ito at maranasan nila ang nararanasan ko.”
Hindi nagtagal ay pinili ng ilan sa mga kaibigan ni Robert na magpabinyag at hiniling na siya ang magsagawa ng ordenansa.
Ang Simbahan ay mabilis na lumalago sa Africa, at ang isa sa mga dahilan ay ang mga disipulong tulad ni Robert. Bininyagan niya ang 10 katao sa isang linggo, 11 nang sumunod na linggo, at 4 “lamang” nang sumunod na linggo.
Inanyayahan ni Robert ang mga kaibigan sa kanyang branch sa Simbahan, na nagtitipon sa isang tolda sa isang damuhan.
Mahigit isang dosena sa mga bagong binyag na kaibigang iyon ang kasama niya sa isang FSY conference sa Kenya noong nakaraang Disyembre, kabilang na ang isang kaibigan na nagbinyag sa isa sa kanyang mga kaibigan.
Nakikita mo kung paano itong nakakaganyak sa iba? Nagbabahagi ang mga nabahaginan nito!
Nadarama ang Espiritu
Sinabi ni Fredrick A., 17, na nang anyayahan siya ng kanyang kaibigang si Robert na magsimba, nadama niya nang malakas ang Espiritu kaya hindi niya ito maitatanggi.
“Nang makarating ako sa simbahan, ipinadala sa akin ang Espiritu ng Diyos,” sabi ni Fredrick. “Nang maibigay sa akin ang Aklat ni Mormon, sinimulan ko itong basahin. Kung hindi ko maintindihan, lagi kong tinatanong ang branch president ko at nagdarasal ako.”
Sina Robert (kaliwa) at Fredrick ay nanatiling magkaibigan mula nang ipakilala sa kanya ni Robert ang ebanghelyo.
Si Gift M., 18, ay isa pang kaibigan na bininyagan ni Robert. “Masaya akong maging bahagi ng tunay na Simbahan—ang tanging tunay na Simbahan sa sansinukob,” nakangiting sabi ni Gift.
Umaasa si Gift na makapagmisyon.
Marami sa mga taong inanyayahan ni Robert sa simbahan ang piniling magpabinyag, at inaanyayahan din nila ang iba na magsimba rin.
Marami pang Gagawin
Plano ni Robert na magmisyon nang full-time sa sandaling makatapos siya ng pag-aaral (tulad din nina Gift at Fredrick). Bakit niya gustong gawin iyon samantalang malinaw na alam na niya kung paano ibahagi ang ebanghelyo?
“Kailangan kong pumunta sa misyon para marami pa akong maranasan at marami pa akong matutuhan,” sabi ni Robert. “Magpapatibay ito sa aking pananampalataya at babaguhin nito ang saloobin ko. Ito ang nais ng Diyos na gawin ko.”
Hindi pa tapos si Robert sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Plano niyang magmisyon. “Ito ang nais ng Diyos na gawin ko,” sabi niya.