Ang Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak at Ikaw
Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay magtatatlumpung taon na sa buwang ito. Tingnan kung paano nito mapagpapala ang inyong pamilya ngayon.
Mga paglalarawan ni Irtaxe López de Munáin
Eksaktong 30 taon na ang nakalipas, noong Setyembre 1995, inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na nagsasabing “ang pamilya ang sentro ng plano ng Manlilikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”
Si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay isang apostol noong panahong iyon. Sinabi niya, “Pinatototohanan ko ang katotohanan [ng] pagpapahayag tungkol sa pamilya, … Ituro ito, ipamuhay ito, at ikaw ay pagpapalain.”
Ang pagpapahayag ng pamilya ay nagpala sa mga pamilya sa iba’t ibang panig ng mundo sa loob ng 30 taon—at patuloy itong magpapala sa mundo.
Mga Tip para sa Malalakas at Masasayang Pamilya
Sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, nagpatotoo ang propeta at apostol na “ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”
Kabilang dito ang “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, habag, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”
Ang paggamit sa mga turo na ito ay maaaring magpala sa iyong pamilya sa kamangha-manghang paraan. Halimbawa, maaaring:
-
Maghikayat ng pagdarasal ng pamilya. Ang panalangin ay tiyak na tumutulong sa mga pamilya na maging mas matatag. Kung ang panalangin ay hindi nakaugalian sa inyong pamilya, hikayatin silang subukan ito. Ang sama-samang pananalangin ay makapagdudulot ng kapayapaan, pag-ibig, at pagkakasundo.
-
Magpakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng iyong mga salita at kilos. Sabihin sa iyong pamilya kung gaano mo sila kamahal—kahit inaakala mo na alam na nila ito. Gumamit ng magiliw at nakahihikayat na mga salita. Inaanyayahan nito ang Espiritu sa inyong tahanan.
Ang paglilingkod sa iyong pamilya ay isa pang napakahusay na paraan para maipakita ang pagmamahal. Isaalang-alang ang paggawa ng mga lihim na pabor para sa iyong mga kapatid o tumulong sa mga gawaing bahay nang hindi na inuutusan pang gawin ito.
-
Gumugol ng oras na magkakasama at nagkakasayahan. Binanggit sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ang “mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan” bilang paraan upang matulungan ang mga pamilya na maging matatag at masaya. Maaari kayong magbisikleta sa parke, maghanda at magbigayan ng pagkain, maglakad-lakad, o maglaro ng sports o board game nang magkasama. Ang listahan ay maaaring magpatuloy, pero ang paggugol ng oras na magkasama ay magpapaalala sa inyo na ang pamilya ang pinakamahalaga.
-
Maglingkod nang magkakasama. Magiging mas malapit ang inyong pamilya sa pamamagitan ng paglilingkod nang sama-sama. Maaaring ito ay simpleng paghahanda ng paboritong pagkain para sa isang taong nangangailangan o pagpala ng niyebe sa driveway ng kapitbahay.
Makatutulong ang Tagapagligtas sa paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan at mga hamon sa loob ng pamilya sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapatawad, at pananampalataya. Kapag sinusunod natin at umaasa tayo kay Jesucristo, lalong lumalaki ang pagmamahal at paggalang na nadarama natin sa ating pamilya.
Maraming iba pang mga paraan para magawang matatag at masaya ang mga pamilya at mapalapit sa isa’t isa.
Ano pa ang maaari mong gawin?
Mga Katotohanan sa Ngayon at sa Tuwina
Walang perpektong pamilya. Ang ilan ay nahaharap sa malalaking hamon. Maaari mong tingnan ang sitwasyon ng inyong pamilya at isipin kung paano pagpapalain ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ang inyong pamilya. Pero puno ito ng mga walang-hanggang katotohanan na magpapala sa inyong pamilya—anuman ang mangyari.