Mga Tanong at mga Sagot
“Ang mabubuti kong kaibigan ay gumagawa ng mga pasiya na hindi komportable para sa akin. Ano ang gagawin ko?”
“Sabihin sa mga kaibigan mo ang tungkol sa nadarama mo. Ang landas tungo sa mas malusog na relasyon ay nagbubukas kapag nakikipag-usap tayo. Minsan mahirap dahil sa tingin natin ay maaaring magalit ang mga kaibigan natin, pero may solusyon: gawin ang gagawin ni Cristo at kumilos nang may habag.”
Luna R., 19, São Paulo, Brazil
“Kung minsan ang mga kaibigan ay gumagawa ng mga pagpili dahil sa pamimilit ng barkada. Kung kakausapin ko ang mga kaibigan ko tungkol sa kanilang mga pagpili, makakatulong ako sa kanila na matuto silang managot sa mga layunin at pinahahalagahan nila. May mga pagkakataon na hindi tayo magkasundo sa kung ano ang mabuti o mahalaga, pero dapat nating igalang ang opinyon at kalayaan ng isa’t isa.”
Maggie J., 18, Texas, USA
“Siguro hindi ka komportable dahil sinasabi sa iyo ng Espiritu Santo na hindi tama ang ginagawa nila. Anyayahan mo silang gumawa ng ibang bagay.”
Lorenzo M., 12, Quezon City, Philippines
“Maaari mo silang akayin tungo sa landas ng Diyos o maghanap ng iba pang mga kaibigan na magiging mabubuting impluwensya. Manalangin para malaman kung anong desisyon ang gagawin. Magtiwala sa paghatol ng iyong Ama sa Langit, at gagabayan ka Niya.”
Haiden W., 15, Washington, USA
“Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para maging mabuting halimbawa. Ipagdarasal ko rin sila dahil alam ko na ang liwanag ay laging nangingibabaw sa kadiliman.”
Isaac M., 19, Lualaba, Democratic Republic of the Congo
“Maging tuwiran at matapang na tulad ni Moroni. Kalaunan lahat tayo ay magkakaroon ng mga kaibigan na gagawa ng masasamang desisyon, at kakailanganin natin ang tulong ng Ama sa Langit para malampasan ito. Tuwing umaga ay nagdarasal ako para maisuot ang baluti ng Diyos, at malaki ang naitutulong nito sa akin!”
Asa F., 15, Utah, USA
“Mahalin mo sila at hayaang lumiwanag ang iyong ilaw. Sisimulang igalang ng mga tao ang iyong mga desisyon. Kami ng pamilya ko lang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa aming paaralan, at napansin ko na tumitigil ang mga tao sa pagmumura sa paligid namin dahil alam nilang iba kami.”
Penelope W., 13, Central Region, Portugal