Hindi Niya Alam na Kailangan Ko Ito
Noong panahon na nahihirapan ako, isang kaibigan sa seminary ang sumunod sa isang pahiwatig.
Larawang kuha ni Melanie Miza
May kinakaharap ako noon na ilang personal na isyu. Isang araw ay hindi maganda ang pakiramdam ko, at ayaw ko talagang pumunta sa seminary. Pero naisip ko, “Huling taon ko na ito, at kailangan kong samantalahin ito.”
Kaya nagpunta ako, at napag-usapan namin kung paano nakikilala ni Jesucristo ang bawat isa sa atin sa pangalan. Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan 18:10: “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.” Nagsimula akong maging emosyonal nang i-highlight ko ang talata. Kapag emosyonal ako, naiiyak ako nang husto, kaya ayaw ko nang basahin ulit ito sa klase.
Kalaunan ay nagtanong ang guro, “Sa ano ka pinaka-interesado, at bakit?” Ayokong magsalita, pero binanggit ng isang kaibigan ko ang talata na iyon. Pinatotohanan niya na hindi tayo pababayaan ng Diyos, na kung minsan ay malilimutan natin, pero kilala Niya tayo at nandiyan Siya para sa atin.
Nang marinig ko iyan, parang kinakausap ako ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kaibigan ko. Parang sinasabi Niya na, “Huwag kang tumalikod sa akin—narito ako.”
Maya-maya pa ay pinahid ko ang luha sa mukha ko at lumapit sa akin ang kaibigan ko. Sabi niya, “Hindi sana ako magbabahagi, pero nadama ko na kailangan kong mag-share dahil makakatulong ito sa isang tao. Hindi ko alam na ikaw pala ang taong iyon.” Lalo pa nitong pinatunayan sa akin na iniisip ako ng Ama sa Langit.
Pagkatapos ng seminary, umuwi ako at nagdasal. Karaniwan, nagpapasalamat ako at humihingi ng mga bagay-bagay. Pero ang panalanging iyon—sa palagay ko iyon ang pinaka-mapagpasalamat na panalangin na nabigkas ko. Naramdaman ko ang Espiritu sa aking silid, at nadama ko na kasama ko roon ang Ama sa Langit.
Ang awtor ay naninirahan sa Sacatepéquez, Guatemala.