Mga Palatandaan ng Ikalawang Pagparito: Walang Dahilan para Matakot
May ilang mabibigat na bagay na ipinropesiya bago ang muling pagdating ng Tagapagligtas. Pero may mabubuting dahilan ka para hindi ka matakot.
He Comes Again to Rule and Reign [Paparito Siyang Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary RL Sauer
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay muling paparito. Malinaw niyang itinuro ang katotohanang ito (tingnan sa Mateo 24). Nais malaman ng maraming tao kung kailan ito mangyayari, pero sinabi ni Jesus, “tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36).
Gayunman, ang Panginoon ay naghayag pa ng ibang palatandaan na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Marami sa mga ito ang kapana-panabik at kahanga-hanga, tulad ng Panunumbalik ng ebanghelyo, paglabas ng Aklat ni Mormon, at pagtitipon ng Israel.
Ngunit pagkatapos ay may … iba pang mga palatandaan. Halimbawa:
-
Mga digmaan, mga alingawngaw ng mga digmaan, at malaking kaguluhan.
-
Mga tanda sa kalangitan (kabilang ang araw, buwan, at mga bituin) at sa lupa (kabilang ang mga apoy, mga bagyo, unos, at mga singaw ng usok).
Ang lahat ng iyon ay parang nakakatakot. Sa katunayan, sinabi ng Tagapagligtas na sa mga huling araw, manghihina ang maraming tao dahil sa takot.
Ngayon, marahil ay tinitingnan mo ang mga problema sa buong mundo, pati na rin ang mga personal na pagsubok na kinakaharap mo, at parang ang dami ng mga ito at nakakabalisa. Marahil ay iniisip mo kung ano ang dapat mong asahan kung ang mga bagay-bagay ay magiging lalong nakakatakot at mas mahirap bago sumapit ang Ikalawang Pagparito.
Pero hindi ito ang paraan na nais ni Jesucristo sa iyo—na isa sa Kanyang mga disipulo—na asahan sa Kanyang pagbabalik.
Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Disipulo
Sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa mga huling araw, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Huwag kayong mabagabag.” Bakit? Sapagkat, “sa panahong ang mga bagay na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad” (Doktrina at mga Tipan 45:35).
Sinabi sa atin ni Jesucristo na “huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 50:41) at “magalak” (Doktrina at mga Tipan 61:36). Kaya sa halip na magpokus sa mga kalamidad na darating, pinakamainam na ibahin ang ating pokus.
Narito ang tatlong mahahalagang paraan na maaari kang “hindi matakot,” asahan ang maluwalhating Ikalawang Pagparito, at sabihin, kasama si Juan na Tagapaghayag, “Pumarito ka, Panginoong Jesus” (Apocalipsis 22:20).
1. Umasa sa Propeta
Nagbabala ang Tagapagligtas na magkakaroon ng maraming huwad na Cristo at mga bulaang propeta bago ang Kanyang pagparito na manlilinlang sa maraming tao. Sa ating paligid, may malalakas, nakalilito, at negatibong mga tinig na nagtatangkang iligaw tayo. Sa mga huling araw, “sasalantahin [ni Satanas] ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti” (2 Nephi 28:20). Maging ang mga hinirang ay mahahatak palayo sa katotohanan.
Ngunit napakalaki ng tulong na ibinigay sa atin ng Panginoon. Tinawag Niya ang mga propeta para pagpalain at gabayan tayo. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay hindi tayo ililigaw at hindi tayo maaaring iligaw. Sinabi ng Tagapagligtas, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (Doktrina at mga Tipan 1:38). Maaari mong hilingin sa Ama sa Langit ang Espiritu Santo na kumpirmahin ang mga katotohanang itinuturo nito, tulad ng mga turo kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pinakamainam ay darating pa, … dahil muling paparito ang Tagapagligtas!” At: “Siya ay naghahanda na muling pumarito. Nawa ay maghanda rin tayo na tanggapin Siya.”
At kapag sinusunod ninyo ang kanilang mga turo “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5), makikita ninyo kung paano nila pinagpapala ang inyong buhay.
Sinabi ni Elder Allen D. Haynie ng Pitumpu: “Noong bata pa ako, natakot ako sa mga propesiyang [tungkol] sa mga huling araw kaya ipinagdasal ko na huwag mangyari ang Ikalawang Pagparito habang nabubuhay ako. … Ngunit ngayo’y kabaligtaran na ang ipinagdarasal ko, …
“… Hindi tayo kailangang mangamba. Ang doktrina at mga alituntuning kailangan nating sundin para espirituwal na maligtas at pisikal na makapagtiis ay matatagpuan sa mga salita ng isang buhay na propeta.”
Kapag sinusunod ninyo ang patnubay ng mga propeta at apostol, ang inyong mga pangamba o takot ay magbibigay-daan sa pananampalataya, pag-asa, at kagalakan.
2. Tumayo sa mga Banal na Lugar
Sinabi ng Tagapagligtas na sa gitna ng mga kalamidad ng mga huling araw, “ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (Doktrina at mga Tipan 45:32). Kabilang sa mga banal na lugar na ito ang ating mga tahanan, meetinghouse, at templo.
Tungkol sa mga templo, itinuro ni Pangulong Nelson na “Ang pinakaligtas na kasiguruhan natin ay ang patuloy na maging karapat-dapat sa pagpasok sa Kanyang banal na bahay.” At ang “Panginoon. Ang dagdag na oras sa templo ay tutulong sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito.”
Eventide [Gabi], ni Yongsung Kim
3. Ihanda ang Mundo
Ang isang papel na ginagampanan ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw ay ang pagtulong sa paghahanda ng mundo para sa Kanyang pagparito. Makakatulong ka sa pamamagitan ng pakikilahok sa Kanyang gawain.
Maaari mong ibahagi ang ebanghelyo sa iba at tumulong na ihatid ang liwanag at katotohanan ng Diyos sa mga “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 123:12).
Maaari ka ring magsagawa ng mga binyag sa templo para sa mga nasa kabilang panig ng tabing na nabuhay at “nangamatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo, na kanilang tatanggapin sana ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili” (Doktrina at mga Tipan 137:7).
Sa napakaraming negatibong bagay sa mundo, maaari kang maging ilaw sa iba at makatulong na maghatid ng kagalingan sa mundo. Makakatulong ka sa paghahanda ng mga taong lalapitan ng Tagapagligtas na magiging handang tumanggap sa Kanya.
Iyon ay isang malaking responsibilidad at isang bagay na napakagandang asamin.