Paano Kung Nahihirapan Akong Makipagkaibigan?
Ngayong taon nang lumipat ako sa bagong paaralan, umiyak ako nang husto dahil ayaw kong iwanan ang mga dati kong kaibigan. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na magugustuhan ang bago kong paaralan at para bang magtataksil ako sa mga dati kong kaibigan kung magkakaroon ako ng mga bagong kaibigan.
Sa buong linggo ay nakasimangot ako. Hindi ako nakipag-usap kahit kanino. May ilang mga babae na nagtangkang makipag-usap sa akin, pero ayaw kong makipagkaibigan sa kanila.
Isang araw, natanto ko na ayaw kong mapag-isa. Nakita ko na kailangan kong maging mas bukas. Habang nanonood ako ng isang serye sa telebisyon tungkol kay Jesucristo, nabigyan ako ng inspirasyon na isipin kung paano Siya nakipagkaibigan. Kahit hindi nalugod sa Kanya ang lahat, pero para sa karamihan ng mga tao, binago Niya ang kanilang buhay.
Dahil sa halimbawa ni Cristo, nagpasiya akong subukang magkaroon ng mga bagong kaibigan, kahit na may pangamba ako. Natakot ako dahil nahihiya ako at nag-alala ako na baka pagtawanan ako ng mga tao. Pero naisip ko, “Mayroon kang Ama sa Langit na tutulong sa iyo. Kahit na tanggihan ka ng lahat, nandiyan pa rin Siya.”
Ngayon sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko na ang nag-iisang Kaibigan na hindi ako iniwan noong panahong iyon ay ang Tagapagligtas. Dahil sa hirap na pinagdaanan ko, lalo akong napalapit sa Kanya. Mahal na mahal Niya tayo kaya ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa atin. At ibinigay Niya sa atin ang mga banal na kasulatan upang malaman natin kung paano maging katulad Niya. Maaari kang umasa palagi na si Jesucristo ay iyong Kaibigan.
Rebeca C., edad 13, Ceará, Brazil
Mahilig siyang maglaro ng volleyball, magbasa, at magdrowing.