Para sa Lakas ng mga Kabataan
Sino ang Pinakikinggan Ninyo?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Setyembre 2025


Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol

Sino ang Pinakikinggan Ninyo?

Kapag patuloy kayong nakikinig sa mga tinig ng katotohanan, mananatiling ligtas kayo sa espirituwal na paraan.

Mula sa isang talumpati sa pagsisimula na ibinigay sa Brigham young University—Idaho noong Abril 7, 2022

Wala pang panahon sa kasaysayan ng mundo na maitutulad sa panahon nating ito.

Ang mensahe ko para sa inyo ay na madalas na pagnilayan ang tanong na ito: “Sino ang pinakikinggan ko?"

Ang sagot sa tanong na ito ay huhubog sa inyong hinaharap at sa inyong walang-hanggang tadhana. Sinabi ni Apostol Pablo, "Napakaraming uri ng mga wika sa mundo."

Maiimpluwensyahan ba kayo ng marangal, nakahihikayat, mabuti, maalam, at espirituwal na sensitibong mga tinig, o mas maiimpluwensyahan ba kayo ng negatibo, mapagreklamo, mapagpuri, mapangutya, at makamundong mga tinig?

Ang mga tinig na ito ay pinalakas na ngayon ng internet at social media. Huwag hayaang pangingibabawan ng mga hindi gaanong mahahalagang tinig ng teknolohiya ang mga tinig na napakahalaga sa inyong walang-hanggang kapakanan.

Dalangin ko na gamitin ninyo ang kapangyarihan ng iyong kalayaang pumili, disiplina, at mahalagang oras para pakinggan ang mga tinig na pinakamahalaga. Tutulungan kayo nito na mahigitan pa ang inyong pagkatao ngayon. Alam ko na nais ninyong maging habambuhay na tagasunod ng Tagapagligtas. Maaari ba akong magmungkahi ng ilang mahahalagang tinig na dapat manatiling aktibo sa inyong isipan at sa inyong espiritu?

Mga Propeta at mga Apostol

“Makinig sa mga tunay na nagmamahal sa inyo at tapat sa pagnanais na magkaroon kayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos. Ang mga salitang binibigkas sa mga pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, kung pakikinggan at susundin, ay mananatiling magsesentro sa inyo sa landas ng kabutihan at kaligayahan. Ang tagubilin na natatanggap natin mula sa Panginoon sa pangkalahatang kumperensya ang kailangan nating malaman at gawin ngayon. Makinig sa mga salita ng propeta at mga apostol ng Panginoon.

Sinabi ng Panginoon hinggil sa Kanyang propeta: “Dahil dito, … kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita, …Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig. … [at] sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti." Sino ang mas makabubuti sa inyo na pakinggan?

Kung nakikinig kayo sa propeta ng Diyos at sinusunod ang kanyang payo, magkakaroon kayo ng mas malaking kakayahang magawa ang gawain ninyo sa buhay. Nagsasabi siya ng totoo. Sinasalita niya ang tinig ng Panginoon.

Yaong mga Nagmamahal sa Inyo at Puno ng Pananampalataya

Iminumungkahi ko rin na makinig kayo sa mga taong higit na nagmamahal sa inyo at puno ng pananampalataya. Makinig sa pamilya at mga kaibigan na puno ng pananampalataya at nagmamalasakit sa inyong buhay sa kawalang-hanggan.

Ang isang taong nagkaroon ng malaking impluwensya sa aking buhay ay ang aking lola na si Mary Evans Keller. Namuhay siya nang simple sa Preston, Idaho, walang gaanong luho kumpara sa tinatamasa ng marami. Nakaranas siya ng kabiguan at kalungkutan sa kanyang buhay. Sumulat siya sa akin noong nasa misyon ako: "Neil, laging panatilihin ang iyong kahanga-hangang patotoo. Walang anumang bagay sa mundong ito ang magbibigay sa iyo ng higit na kagalakan at tulong sa kabila ng panghihina ng loob at pagkabalisa na kung minsan ay maaaring dumating sa iyong buhay."

Nakinig ako sa lola ko. Nagtiwala ako sa kanya. Alam kong mahal niya ako, at ang kanyang mga salita ang nagbigay sa akin ng lakas.

Ang Banal na Espiritu

Makinig sa tinig ng Banal na Espiritu. Ang tinig ng Espiritu Santo ay dumarating kapag may pananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo at kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan. Ito ay isang napakahalagang kaloob na ipinangako sa lahat ng nabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at determinadong sundin ang Tagapagligtas. Ang tinig ng Espiritu ay mahinahon at magiliw. Ipinangako ng Panginoon na bawat isa sa atin ay maliliwanagan kapag "[nakikinig tayo] sa tinig ng Espiritu."

Kilala ko ang tinig na ito. Ipinapaalala ko sa inyo ang babala ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan.” Kung hindi rin ninyo hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng ebanghelyo, pinahihina ninyo ang inyong sarili laban sa mga pilosopiya na maaaring kaganyak-ganyak ngunit hindi totoo. Kahit ang pinakamatatapat na Banal ay maaaring malihis dahil sa walang humpay na panunukso ng mundo.”

Sa iba pang okasyon, ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at [nakapagpapanatag, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”

si Jesucristo habang nagtuturo

Ang Tagapagligtas

Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyo ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanya. Nakikinig kayo sa kanya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita at pagsasapuso ng Kanyang mga kautusan.

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya, tanggapin ang Kanyang walang kapantay na kapangyarihan at kaluwalhatian, at madama ang Kanyang pagmamahal. Iniuutos Niya sa ating sundin ang Kanyang mga kautusan at matagpuan ang kaligayahan at kagalakan sa ating paglalakbay sa mundo. “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.” “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Pakinggan ang mga salita ng Tagapagligtas. Maniwala kayo sa Kanyang mga salita. Makinig araw-araw habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan. Manalangin sa Ama sa pangalan ni Cristo. Sumunod sa Kanya. Binabasbasan ko kayo na kapag naniniwala kayo at sinusunod ninyo ang mga kautusan, mahihikayat kayong makinig sa tinig ng Tagapagligtas.

Sa magagandang araw na darating, kayo ay magiging ilaw at lakas sa patuloy na pagbabago ng mundong ito. Ipinapangako ko sa inyo na kapag patuloy kayong nakinig sa mga tinig ng katotohanan, mananatili kayong ligtas sa espirituwal at magiging higit pa sa kung sino kayo ngayon.