Seminaries and Institutes
Lesson 8: Ang Kaligtasan ay Dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo


8

Ang Kaligtasan ay Dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo

Pambungad

Ang mga pagsisikap natin na sundin si Jesucristo at ang Kanyang mga kautusan ay mahalaga ngunit hindi sapat para maging karapat-dapat tayo sa kaligtasan. Ang kaligtasan ay naging posible lamang sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo. Tinutulungan tayo ng doktrina ni Cristo na maunawaan na sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, matututuhan natin ang ebanghelyo, matatanggap ang mga ordenansa, at magpapatuloy sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 107–10.

  • L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 44–46.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 2:6–9; 25:23; Mosias 4:6–8

Ang kaligtasan ay naging posible dahil kay Jesucristo

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder L. Tom Perry

“Maraming tao ang [nagtatanong], ‘Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? Saan tayo pupunta?’ Hindi tayo ipinadala ng ating Ama sa Langit dito sa lupa nang walang layunin, nang walang dahilan. Naglaan Siya ng plano na dapat nating sundin. Siya ang may-akda ng planong iyon. [Ginawa] ito para sa pag-unlad ng tao at sa huli’y para sa kaligtasan at kadakilaan” (“Ang Plano ng Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 69–70).

  • Kapag nalaman ng mga tao na hindi sila pinabayaan ng Diyos na mamuhay nang mag-isa sa buhay na ito kundi naglaan ng plano para sa kanilang kaligtasan, ano sa palagay ninyo ang mararamdaman nila?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 2:6–9, at alamin ang sinabi ng propetang si Lehi kung bakit naging posible ang kaligtasan.

  • Ayon kay Lehi, ano ang naging dahilan kung bakit naging posible ang kaligtasan sa plano ng Diyos? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na kahulugan ng maligtas o tumanggap ng kaligtasan: “Ang kaligtasan sa tunay at lubos na kahulugan nito ay kasingkahulugan ng kadakilaan o buhay na walang hanggan at nakabatay sa pagtatamo ng mana sa pinakamataas sa tatlong kalangitan sa loob ng kahariang selestiyal. Bagama’t may iilang eksepsyon, ito ang kaligtasan na sinasabi ng mga banal na kasulatan” [Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, 2nd ed. (1966), 670].)

  • Ano ang ibig sabihin ng sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo? (Ang kabutihan ni Jesucristo ay ang Kanyang mabubuting gawa, lalo na ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang awa ay tumutukoy sa habag at pagtitiis na ibinibigay Niya sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan. Ang biyaya ay tumutukoy sa tulong na ipinagkakaloob Niya sa atin sa pamamagitan ng awa, pagmamahal, kabaitan, at ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan na nagtutulot sa atin na matanggap ang buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nating magawa ang lahat ng ating pinakamahusay na magagawa. Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya.”)

Upang mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante tungkol sa doktrinang ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.

“Ngunit may pag-asa pa.

“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.

“Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan [tingnan sa Alma 42:15]” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108).

  • Bakit hindi sapat ang kabutihan ng tao para matugunan ang “mga hinihingi ng katarungan” at magtamo ng buhay na walang hanggan? (Bagama’t maaaring sa paglipas ng mga panahon ay matutuhan nating sundin nang perpekto ang mga kautusan, walang sinuman ang nabuhay nang perpekto maliban sa Tagapagligtas [tingnan sa Mga Taga Roma 3:23]. Bagama’t maaaring hindi na tayo nagkakasala, hindi natin mabubura ang pinsala o kasalanang nagawa natin noon. Iyan ang dahilan kung bakit kinakailangan ang Pagbabayad-sala at biyaya.)

Ipaalala sa mga estudyante na bagama’t maliligtas tayo sa pamamagitan lamang ng kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo, itinuro ng mga propeta sa Aklat ni Mormon kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:6–8, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Haring Benjamin na dapat nating gawin upang matanggap ang kaligtasan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Ayon kay Haring Benjamin, ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang kaligtasan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala? (Alamin ang tungkol sa Diyos at sa Pagbabayad-sala, magtiwala sa Diyos, masigasig na sundin ang mga kautusan, at manatiling tapat hanggang sa wakas ng ating buhay.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 25:23.

  • Anong doktrina ang itinuro ni Nephi hinggil sa ating kaligtasan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng biyaya sa kabila ng lahat ng ating magagawa. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo magiging banal at magiging katulad ng ating Ama sa Langit.)

Upang matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Kabilang ‘sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ ang lahat ng pinakamahusay nating magagawa. Kabilang dito ang pagsunod sa kanyang mga kautusan.

“Kabilang ‘sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ ang pagmamahal sa ating kapwa at pagdarasal para sa mga taong itinuturing tayo na kaaway nila. Ibig sabihin nito ay pagbibigay ng kasuotan sa hubad, pagpapakain sa nagugutom, pagbisita sa maysakit, at ‘[pag]tulong sa kanila na nangangailangan ng [ating] tulong’ (Mosias 4:16)—naaalaala na kung ano ang ginawa natin sa isa sa mga pinakaaba sa mga anak ng Diyos, ay ginagawa natin sa kanya.

“Ang ‘sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ ay nangangahulugang namumuhay tayo nang dalisay, malinis, lubos na matapat sa lahat ng ating ginagawa at tinatrato ang ibang tao sa paraan na gusto nating tratuhin tayo ng ibang tao” (“Redemption through Christ after All We Can Do,” Liahona, Dis. 1988, 5).

  • Sa anong mga paraan ninyo naranasan ang biyaya ng Tagapagligtas na tinutulungan kayong magawa ang isang bagay na higit pa sa inyong sariling kakayahan nang gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya para lumapit sa Kanya?

Gamitin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang tanong na ito bago sila sumagot:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Bilang mga miyembro ng Simbahan, nakikiisa tayo kay Nephi, na nagsabing, ‘Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.’ (2 Nephi 25:23.) …

“Sa pamamagitan ng biyaya, naisagawa ng Tagapagligtas ang kanyang nagbabayad-salang sakripisyo upang makamtan ng buong sangkatauhan ang imortalidad.

“Sa pamamagitan ng kanyang biyaya, at sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanyang Pagbabayad-sala at pagsisisi sa ating mga kasalanan, tatanggap tayo ng lakas na magawa ang mga kinakailangang gawin na hindi natin kayang gawin nang mag-isa.

“Sa pamamagitan ng kanyang biyaya natatanggap natin ang kaloob na mga pagpapala at espirituwal na lakas na maaaring sa huli ay maghahantong sa atin sa buhay na walang hanggan kung magtitiis tayo hanggang wakas.

“Sa pamamagitan ng kanyang biyaya tayo ay nagiging higit na katulad ng kanyang banal na pagkatao” (“Redemption through Christ after All We Can Do,” 4–5).

  • Ano sa palagay ninyo ang maaari nating gawin para maipakita ang ating pasasalamat para sa mga ginawa ni Jesucristo?

Magpatotoo na sa pamamagitan lamang ng biyaya na ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo maaari nating madaig ang mga epekto ng Pagkahulog nina Adan at Eva, magtamo ng kapatawaran ng mga kasalanan, madaig ang mga kahinaan at sumulong tungo sa pagiging perpekto. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para matanggap ang mga pagpapala ng biyaya ng Panginoon.

2 Nephi 31:2, 10–21; 3 Nephi 11:31–40; 3 Nephi 27:13–22

Ang Doktrina ni Cristo

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference:

2 Nephi 31:2, 10–21

3 Nephi 11:31–40

3 Nephi 27:13–22

Hatiin sa tatlong grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang 2 Nephi 31:2, 10–21, sa pangalawang grupo ang 3 Nephi 11:31–40, at sa pangatlong grupo ang 3 Nephi 27:13–22. Bago magsimula ang mga estudyante, ipaliwanag na ang mga scripture passage na ito ay naglalaman ng mga katagang “doktrina ni Cristo,” “aking doktrina,” o “aking ebanghelyo.” Ipaliwanag na ang doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo ay binubuo ng nagawa ni Jesucristo at ng patuloy na ginagawa Niya para makalapit tayo sa Ama. Naglalaman din ito ng dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa bawat grupo na tukuyin at markahan kung ano ang itinuturo ng mga naka-assign na scripture passage sa kanila tungkol sa doktrina ni Cristo—kung ano ang ginawa ni Cristo at ano ang kailangan nating gawin.

Matapos ang ilang minutong pag-aaral ng mga estudyante sa kanilang scripture passage, sabihin sa kanila na ilista sa pisara ang nalaman nila sa tabi ng bawat scripture reference. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ginawa ni Jesucristo para makalapit tayo sa Ama?

  • Ano ang ilan sa mga bagay na dapat nating gawin para matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo? (Kailangan nating sumampalataya, magsisi, magpabinyag, tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, magtiis hanggang wakas, at tanggapin at sundin ang personal na paghahayag.)

  • Paano ninyo maibubuod ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag namumuhay tayo ayon sa doktrina ni Cristo, matatamo natin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala at makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.)

Ayon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod upang matulungan sila na mas masuri pa ang mga scripture passage na binasa nila:

  • Ano ang isang parirala sa 2 Nephi 31:20 na may partikular na kahulugan sa inyo, at kung paano ito nakatutulong sa inyo na matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala?

  • Tulad ng itinuro sa 2 Nephi 31:13–14, 17, ano ang ibig sabihin ng mabinyagan “ng apoy”? (Ang isang tao ay tumatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at paglilinis na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

  • Ayon sa 3 Nephi 11:39–40, bakit napakahalaga para sa bawat tao na tanggapin ang doktrina ni Cristo? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang scripture passage na ito sa Helaman 5:12.)

  • Ayon sa 3 Nephi 27:14–16, ano ang nangyayari sa atin kapag namumuhay tayo ayon sa doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo?

Tapusin ang lesson sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero. Sabihin sa mga estudyante na basahin ito at alamin kung paano sila mapagpapala sa buong buhay nila ng pamumuhay ayon sa doktrina ni Cristo.

“Magsisimulang sumunod ang mga indibiduwal at pamilya kay Cristo kapag nagpakita sila ng pananampalataya sa kanila at nagsisi ng kanilang mga kasalanan. Nakakatanggap sila ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng binyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo mula sa taong may awtoridad mula sa Diyos na magsagawa ng mga ordenansang ito. Pagkatapos ay makapagtitiis sila hanggang wakas o, sa madaling salita, habambuhay silang patuloy na mananampalataya kay Jesucristo, magsisisi, at magpapanibago ng kanilang mga tipan. Hindi ito mga hakbang na minsan lang nilang daranasin sa buhay nila; sa halip, kapag inulit-ulit ito ang mga hakbang na ito ay lalong nagiging kapaki-pakinabang na pattern ng pamumuhay. Sa katunayan, ito lang ang paraan ng pamumuhay na maghahatid ng kapayapaan ng budhi at paraan para makabalik ang mga anak ng Ama sa Langit sa Kanyang piling” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 7).

  • Sa paanong paraan ang pamumuhay ayon sa doktrina ni Cristo ay “lalong nagiging kapaki-pakinabang na pattern ng pamumuhay” para sa inyo?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung gaano sila namumuhay nang mabuti ayon sa doktrina ni Cristo. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin nang mas mabuti para matamo ang mga pagpapala ng pamumuhay ayon sa doktrina ni Cristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante