Seminaries and Institutes
Lesson 18: Paghahanda para sa Araw ng Huling Paghuhukom


18

Paghahanda para sa Araw ng Huling Paghuhukom

Pambungad

Ang buhay na ito ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos. Ipinaliwanag sa Aklat ni Mormon ang nangyayari sa ating espiritu sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Matapos magbalik ang ating espiritu sa ating imortal na katawan, tayo ay tatayo sa harapan ng hukumang-luklukan ng Diyos, kung saan nakabatay sa ating ginawa at hangarin ng ating puso ang ating walang hanggang gantimpala.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Resurrection,” Ensign, Mayo 2000, 14–16.

  • D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 111–14.

  • “Pagkaunawa sa Kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli,” kabanata 37 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 305–10.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 34:32–34; 40:6–7, 11–14

Pagkatapos ng kamatayan, ang mga matwid ay pumupunta sa paraiso at ang masasama ay pumupunta sa bilangguan ng mga espiritu

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Paano kaya namumuhay nang naiiba ang mga taong hindi nakauunawa ng layunin ng kanilang buhay at hindi naniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan mula sa mga taong nakauunawa ng mga bagay na ito?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong na ito. Pagkatapos ay ipaalala sa kanila na ang Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na maunawaan ang layunin ng buhay sa lupa at nagtuturo sa atin na patuloy ang buhay pagkatapos ng kamatayan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 34:32–34 habang inaalam ng klase kung ano ang itinuro ni Amulek sa mga tao ng Ammonihas tungkol sa layunin ng buhay.

  • Anong mahahalagang doktrina tungkol sa layunin ng buhay sa mundo ang itinuro ni Amulek? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang ilang doktrina sa talatang ito, kabilang ang sumusunod: Ang buhay na ito ay panahon para tayo maghanda sa pagharap sa Diyos.)

  • Sa paanong paraan nakatutulong sa inyo ang doktrinang ito na maunawaan kung paano kayo mamumuhay sa araw-araw sa buhay na ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Naunawaan natin na naparito tayo sa lupa upang matuto, mabuhay, sumulong sa ating walang hanggang paglalakbay tungo sa pagiging perpekto. Ang ilan ay sandali lamang nabuhay sa mundo, samantalang ang iba ay nabuhay nang matagal. Ang mahalaga ay hindi kung gaano tayo katagal nabuhay, kundi kung paano tayo namuhay nang matwid” (“He Is Risen,” Ensign, Nob. 1981, 18).

  • Bakit nagbabala si Amulek sa atin na huwag nating ipagpaliban ang ating pagsisisi?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang inaalam ng klase kung bakit may panganib sa pagpapaliban:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“May panganib sa salitang, balang araw, kapag nangahulugan ito ng, ‘hindi ngayon.’ ‘Balang araw magsisisi ako.’ ‘Balang araw patatawarin ko siya.’ ‘Balang araw kakausapin ko ang kaibigan ko tungkol sa Simbahan.’ ‘Balang araw sisimulan ko nang magbayad ng ikapu.’ ‘Balang araw babalik ako sa templo.’ ‘Balang araw …’ Nililinaw ng mga banal na kasulatan ang panganib ng pagpapaliban [tingnan sa Alma 34:33–34]. … Ang araw na ito ay mahalagang kaloob ng Diyos. Ang pag-iisip ng, ‘Balang araw gagawin ko,’ ay maaaring magkait sa atin ng mga oportunidad sa buhay na ito at mga pagpapala ng kawalang-hanggan” (“Sa Araw na Ito,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 89).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 40:6–7, 11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Corianton tungkol sa mangyayari sa ating espiritu pagkamatay natin. (Makatutulong na ipaliwanag na nang gamitin ni Alma ang pariralang “labas na kadiliman,” hindi niya tinutukoy rito ang huling kalalagyan ni Satanas at ng mga yaong isinumpa. Sa halip, ang tinutukoy niya ay ang kalagayan ng masasama sa pagitan ng panahon ng kanilang kamatayan at ng kanilang pagkabuhay na mag-uli. Karaniwan nating tinutukoy ang kalagayang ito bilang bilangguan ng mga espiritu.)

  • Ano ang kaibhan ng kalagayan ng mabubuti at ng kalagayan ng masasama matapos ang kamatayan? (Bagama’t maaari silang gumamit ng iba-ibang salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na mag-uli, ang mga espiritu ng mabubuti ay mananahan sa paraiso at ang mga espiritu ng masasama ay mananahan sa bilangguan ng mga espiritu.)

  • Bakit mahalagang maunawaan na ang ating mga ginawa sa buhay na ito ay makakaapekto sa mararanasan natin pagkatapos ng kamatayan?

2 Nephi 9:12–13; Mosias 15:21–26; 16:6–11; Alma 11:40–45; 40:4–5, 19–24

Ang ating mga espiritu ay babalik sa ating katawan sa Pagkabuhay na Mag-uli

Ipaalala sa mga estudyante na noong magturo si Abinadi kay Haring Noe at sa kanyang mga saserdote, inilarawan niya kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos ng kamatayan. Inilarawan sa mga doktrinang itinuro niya kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos ng panahon natin sa daigdig ng mga espiritu, sa paraiso o bilangguan man ng mga espiritu. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 16:6–11 habang inaalam ng klase kung ano ang itinuro ni Abinadi.

  • Anong mga doktrina ang itinuro ni Abinadi na mangyayari sa atin matapos ang ating panahon sa daigdig ng mga espiritu? (Bigyang-diin ang mga sumusunod na katotohanan: Dahil nakalag ni Jesucristo ang mga gapos ng kamatayan, bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli at tatanggap ng imortal na katawan. Ang mabubuti ay magmamana ng walang katapusang kaligayahan, at ang masasama ay mapupunta sa walang katapusang kapahamakan.)

Sabihin sa mga estudyante na maraming propeta sa Aklat ni Mormon ang nagpatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli at nagpaliwanag kung ano ito. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage (huwag isama ang kalakip na mga buod) at bigyan ang bawat estudyante ng isa mga scripture passage na babasahin nila. Tiyaking lahat ng scripture passage ay nai-assign. Sabihin sa klase na tahimik na basahin ang kanilang scripture passage, at maghanap ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

2 Nephi 9:12–13 (Palalayain ng paraiso ang mabubuting espiritu, at palalayain ng bilangguan ng mga espiritu ang masasamang espiritu. Ang mga espiritu ay ibabalik sa kani-kanyang katawan at magiging imortal.)

Mosias 15:21–26 (Ang mabubuti ay babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli, at gayon din ang mga yaong nangamatay nang walang nalalaman at ang maliliit na bata. Ang masasama ay walang bahagi sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.)

Alma 11:40–45 (Lahat ng tao, masasama at mabubuti, ay magsasama muli ang kanilang espiritu at katawan sa perpektong anyo nito at tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa.)

Alma 40:4–5, 19–24 (Mayroong panahon sa pagitan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli kapag ang mga espiritu ay nagpunta sa daigdig ng mga espiritu. Pagkatapos niyon, mayroong isang panahong itinakda para sa mga espiritu ng lahat ng tao na sila ay ibabalik sa kanilang perpektong katawan at tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan.)

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli mula sa scripture passage na naka-assign sa kanila. Maaari mong isulat sa pisara ang ilan sa kanilang mga ideya sa tabi ng tugmang scripture passage. Kung kinakailangan, magtanong ng isa o higit pang mga tanong gaya ng mga sumusunod upang mapalalim ang pagkaunawa ng mga estudyante sa mga scripture passage na ito:

  • Paano mapalalakas ng mga katotohanang ito ang inyong paniniwala na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay totoo at mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano makatutulong sa atin sa buhay na ito ang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Tinukoy ni Apostol Pedro ang katotohanan na ang Diyos Ama, sa Kanyang masaganang awa, ‘ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay’ (I Ped. 1:3; tingnan din sa I Tes. 4:13–18).

Ang ‘buhay na pag-asa’ na ibinibigay sa atin ng pagkabuhay na mag-uli ay ang matibay na pananalig natin na hindi natatapos ang ating buhay sa kamatayan kundi ito ay kinakailangang hakbang lamang sa itinakdang pagbabagong-kalagayan mula sa pagiging mortal tungo sa kawalang-kamatayan. Binabago ng pag-asang ito ang buong pananaw hinggil sa mortal na buhay. …

“Nagdudulot sa atin ng lakas at magandang pananaw ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin, katulad ng mga kakulangan sa pisikal, mental, o emosyonal na kasama natin sa pagsilang o natamo sa mortal na buhay na ito. Dahil sa pagkabuhay na mag-uli, batid natin na pansamantala lamang ang mga kakulangang ito!

“Ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli ay nagbibigay sa atin ng matinding dahilan upang sundin ang mga kautusan ng Diyos sa buhay natin sa mundong ito. …

“Ang tiyak na kaalaman natin hinggil sa pagkabuhay na mag-uli tungo sa kawalang kamatayan ay nagbibigay rin sa atin ng lakas ng loob upang harapin ang sarili nating kamatayan—kahit na ang tinatawag nating maagang kamatayan. …

“Tinutulungan din tayo ng katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli na makayanan ang pagkahiwalay sa ating mga mahal sa buhay na dulot ng kamatayan. … Lahat tayo ay dapat papurihan ang Diyos para sa tiyak na pagkabuhay mag-uli na naging dahilan upang maging pansamantala lamang ang paghihiwalay sa buhay na ito at nagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas na magpatuloy” (“Resurrection,” Ensign, Mayo 2000, 15–16).

  • Kailan nagbigay sa inyo ng lakas o naghikayat sa inyo na mamuhay nang mas matwid ang katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli?

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Alma 5:15–21; 7:21–25; 41:2–6

Paghahanda para sa Huling Paghuhukom

Ipaliwanag na hinikayat ni Alma ang mga miyembro ng Simbahan sa Zarahemla na maghanda para sa Huling Paghuhukom sa pagsasabi sa kanila na isipin ang kanilang sarili na nakatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 5:15–21. Sabihin sa klase na alamin ang sinabi ni Alma na pag-isipan ng mga nakikinig sa kanya.

  • Alin sa mga tanong ni Alma ang pinakamakahulugan sa inyo, at bakit?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa patotoo ni Alma sa talata 21 tungkol sa dapat nating gawin upang maligtas? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Hindi tayo maliligtas kung hindi tayo nalinis sa pamamagitan ng mapagtubos na dugo ni Jesucristo.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Wala akong alam na mas mahalaga o kailangan sa pagkakataong ito kundi ang mangaral ng pagsisisi, maging sa mga Banal sa mga Huling Araw, at hinihiling ko sa kanila … na pakinggang mabuti ang mga salitang ito ng ating Manunubos. Ngayon ay tiniyak na niya na walang maruming bagay na makakapasok sa kanyang kinaroroonan. Yaon lamang nakapagpatunay na sila ay tapat at hinugasan ang kanilang mga kasuotan ng kanyang dugo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pagsisisi—wala nang iba pang makatatagpo sa kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 103).

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Alma 7:21–25, at sabihin sa kanila na alamin at markahan ang mga katangiang dapat nating hangaring taglayin upang ang ating mga kasuotan ay matagpuang walang bahid-dungis.

  • Anong mga katangian ang natukoy ninyo sa mga talatang ito na mahalaga para sa atin na taglayin sa paghahanda natin upang mahatulan ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ang kanilang mga kilos at hangarin ng kanilang puso ay naghahanda sa kanila sa pagharap sa Diyos sa Huling Paghuhukom. Hikayatin silang gawin ang anumang mga pagbabago na kinakailangan upang maging masaya ang Araw ng Paghuhukom.

Mga Babasahin ng mga Estudyante