Seminaries and Institutes
Lesson 5: Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


5

Ang Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Pambungad

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ang pinakadakilang pangyayari sa lahat—ay nagbigay-daan para sa lahat ng tao na mapatawad sa kasalanan at manirahan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa buong kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, lahat ay mabubuhay na mag-uli at makababalik sa kinaroroonan ng Diyos upang hatulan. Dahil kinakailangan sa Pagbabayad-sala na magdusa si Jesucristo sa di-mabilang na paraan, lubos ang pagkahabag at pagdamay Niya sa bawat isa sa atin.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Boyd K. Packer, “Ang Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 75–78.

  • D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 109–12.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 3:5–11; Alma 34:8–12

Tanging si Jesucristo lamang ang makagagawa ng walang hanggang Pagbabayad-sala

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Nais kong talakayin ngayon ang tungkol sa pinakadakilang pangyayari sa buong kasaysayan. Ang natatanging pangyayaring iyon ay ang hindi matutumbasang Pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ito ang pinakamatinding pangyayari sa lahat na hindi kayang arukin ng sinumang tao” (“The Atonement: Our Greatest Hope,” Ensign, Nob. 2001, 18).

Sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 34:8–12 habang minamarkahan ng iba pa sa klase ang mga salita at parirala na naglalarawan kung bakit ang Pagbabayad-sala ang pinakadakila sa lahat ng pangyayari sa buong kasaysayan ng mundo.

  • Bakit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakila sa lahat ng pangyayaring naganap sa buong mundo? (Bigyang-diin ang katotohanang ito: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan, na naging dahilan para matamo ng buong sangkatauhan ang kaligtasan.)

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Kailangan ang isang walang hanggang pagbabayad-sala upang matubos sina Adan, Eva, at ang lahat ng kanilang inapo. … Ayon sa walang hanggang batas, ang pagbabayad-salang iyon ay nangangailangan ng personal na pagsasakripisyo ng isang imortal na nilalang na hindi saklaw ng kamatayan. Gayunman Siya ay dapat mamatay at buhayin muli ang Kanyang sariling katawan. Ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa nito. Mula sa Kanyang mortal na ina ay namana Niya ang katangiang mamatay. Mula sa Kanyang Ama natamo Niya ang kapangyarihang madaig ang kamatayan” (“Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34).

  • Bakit si Jesucristo lamang ang makatutubos sa lahat ng tao? (Siya ay isang imortal na hindi saklaw ng kamatayan.)

  • Bakit walang katapusan at walang hanggan ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay walang katapusan—walang wakas. Ito rin ay walang katapusan dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang katapusang kamatayan. Ito ay walang katapusan dahil sa Kanyang napakatinding pagdurusa. … Walang hanggan ang sinasaklaw nito—kailangang gawin ito nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang sa walang katapusang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang katapusang bilang ng mga daigdig na Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan at hindi masusukat ng anumang panukat ng tao o mauunawaan ng sinumang tao” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35).

Ipaliwanag na sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na isang anghel ang nagpahayag sa kanya ng isang mensahe ng “masayang balita ng dakilang kagalakan” na magiging dahilan upang “mapuspos ng kagalakan” ang mga tao (Mosias 3:2–4). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 3:5–11 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase, na hinahanap ang “masayang balita” na inilarawan ni Haring Benjamin.

  • Anong mga mensahe sa mga talatang ito ang sa palagay ninyo ay naging dahilan para mapuspos ng kagalakan ang mga tao ni Haring Benjamin? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin na dahil kay Jesucristo nagkaroon ng kaligtasan.)

  • Anong mga salita o parirala ang naglalarawan sa ibinayad ni Jesucristo para sa ating kaligtasan?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder James E. Talmage

“Ang pagdurusa ni Cristo sa halamanan ay hindi masasayod ng isipan ng tao, kapwa ang tindi at sanhi nito. … Nahirapan Siya at dumaing sa pasakit na hindi kayang isipin o maunawaan ng sinumang nilalang na nabuhay sa mundo. Hindi lamang paghihirap ng katawan, ni pagdadalamhati ng isipan, ang naging sanhi ng pagdurusa Niya nang gayon katindi kung kaya’t nilabasan ng dugo ang bawat butas ng Kanyang balat; kundi iyon ay isang napakatinding espirituwal na pagdurusa at pagdadalamhati ng kaluluwa na tanging Diyos lamang ang may kakayahang dumanas niyon. Walang sinumang tao, gaano man kalakas ang kanyang katawan o katatag ang kanyang isipan, ang makatitiis sa gayong pagdurusa” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 613).

  • Ano ang naisip at nadama ninyo habang pinagninilayan ninyo ang napakatinding pagdurusa ni Jesucristo para sa atin?

2 Nephi 9:6–12, 20–22

Nadaig ni Jesucristo ang pisikal at espirituwal na kamatayan

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang mangyayari kung walang Pagbabayad-sala. Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan kung ano ang kalagayan ng sangkatauhan kung walang Pagbabayad-sala, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 9:6–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang magiging tadhana natin kung walang Pagbabayad-sala.

  • Ayon sa propetang si Jacob, ano ang mangyayari sa ating katawan kung walang Pagbabayad-sala? Ano ang mangyayari sa ating espiritu?

Ipaalala sa mga estudyante na ang pangunahing mensahe ng ebanghelyo ay dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo hindi natin kailangang maranasan ang kakila-kilabot na tadhanang ito.

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 9:10–12, 20–22 habang inaalam ng klase ang paraan kung paano tayo maliligtas mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan.

  • Ano ang paraang inilaan sa atin para makatakas tayo mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan? (Tulungan ang mga estudyante na ibuod ang doktrinang ito: Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nadaig ni Jesucristo ang mga epekto ng pisikal at espirituwal na kamatayan.)

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga pagpapala ng Pagkabuhay na Mag-uli? (Ang ating katawan at espiritu ay muling magsasama nang walang hanggan. Ibabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos para hatulan.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, nadaig ni Jesucristo ang lahat ng aspeto ng Pagkahulog. Ang pisikal na kamatayan ay magiging pansamantala, at maging ang espirituwal na kamatayan ay may katapusan, dahil lahat ay babalik sa kinaroroonan ng Diyos, kahit pansamantala lamang, para mahatulan” (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 112).

  • Kailan ninyo nadamang magpasalamat na nadaig ni Jesucristo ang pisikal at espirituwal na kamatayan?

Mosias 3:11, 16; 15:7–9; Alma 7:11–13; Moroni 8:8–12; Doktrina at mga Tipan 137:7–9

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay nagkakaloob ng pagtubos sa lahat ng tao

Ipaalala sa mga estudyante na bukod sa pagliligtas sa buong sangkatauhan mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan na dulot ng Pagkahulog, maililigtas tayo ni Jesucristo mula sa kamatayang espirituwal na dulot ng ating sariling mga kasalanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 15:7–9 habang inaalam ng klase kung ano ang ginawa ni Cristo para matubos tayo mula sa ating mga kasalanan.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa ginawa ni Cristo para matubos tayo mula sa ating mga kasalanan? (Bigyang-diin ang doktrinang ito: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, nakalag ni Jesucristo ang mga gapos ng kamatayan at inako ang ating mga kasamaan, tinugon ang mga hinihingi ng katarungan at nagtamo ng kapangyarihan para mamagitan para sa atin.)

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang mamagitan? (Ang ibig sabihin ng mamagitan ay pumapagitan sa dalawang tao o partido upang matulungan silang magkasundo. Sa bagay na ito, si Jesus ang namamagitan sa atin at sa Diyos upang mabuo ang nasirang ugnayan na sanhi ng ating mga kasalanan.)

Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano iniligtas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang maliliit na bata at ang mga taong namatay nang hindi natanggap ang ebanghelyo o nabinyagan.

Ipabasa nang tahimik sa kalahati ng klase ang Mosias 3:16 at i-cross-reference ito sa Moroni 8:8–12. Ipabasa nang tahimik sa natitirang kalahati ng klase ang Mosias 3:11 at i-cross-reference ito sa Doktrina at mga Tipan 137:7–9.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kaligtasan ng mga batang namatay bago mabinyagan?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kaligtasan ng mga taong “nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos”? (Mosias 3:11).

Sabihin sa mga estudyante na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ang Tagapagligtas ay nagkaroon ng lubos na pagkahabag sa atin upang maunawaaan at matulungan tayo sa mga pagsubok ng mortalidad. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 7:11–13, at hanapin ang mga salitang naglalarawan sa mga pagsubok at hamong naranasan ni Jesucristo sa buhay na ito bilang bahagi ng Pagbabayad-sala. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang natuklasan, ilista sa pisara ang mga sumusunod na salita: mga pasakit, hirap, tukso, sakit, kamatayan, kahinaan (kakulangan o kawalan ng kakayahan), at kasalanan. Ituro ang pariralang “lahat ng uri” sa Alma 7:11, at sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng iba’t ibang kalagayang nakalista sa pisara.

Ipaliwanag na ang pariralang “dadalhin niya” ay inulit nang ilang beses sa mga talata 11–13. (Paalala: Ang pagtukoy sa mga parirala o pahayag na pauli-ulit na binanggit ay isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na maaari mong bigyang-diin dito. Ang pagpansin sa mga parirala o pahayag na pauli-ulit na binanggit sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mahahalagang bagay na dapat matutuhan.)

  • Ayon sa mga talata 11–12, bakit “dadalhin” ni Jesucristo ang ating mga pasakit, karamdaman, kahinaan, at iba pang mga kalagayan na nakalista sa pisara? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning ito: Pinasan ng Tagapagligtas ang ating mga pasakit, karamdaman, at kahinaan upang matulungan Niya tayo kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok ng mortalidad.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Nagpapatotoo ako na iniaangat tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas di lamang mula sa ating mga pasanin na kasalanan, kundi pati na rin sa ating mga kabiguan at kalungkutan, mga dalamhati at kawalang-pag-asa [tingnan sa Alma 7:11–12]. Mula pa noon, ang pagtitiwala sa gayong tulong ay nagbibigay sa atin ng dahilan at paraan para magbago, isang dahilan para magsisi sa mga pagkakasala at sikaping maligtas” (“Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 70–71).

  • Paano nakakaapekto sa inyong mga ikinikilos at walang hanggang pananaw ang pagtitiwala sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Paano makatutulong ang pag-unawa sa mga katotohanang nasa Alma 7:11–13 kapag dumaranas kayo ng pagsubok?

Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay (sabihin sa kanila na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakasagrado o napakapersonal).

Sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang maaari nilang gawin para mas maipamuhay ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa kanilang sariling buhay. Sabihin sa kanila na kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila.

Mga Babasahin ng mga Estudyante