Seminaries and Institutes
Lesson 1: Ang Aklat ni Mormon ay Isa Pang Tipan ni Jesucristo


1

Ang Aklat ni Mormon ay Isa Pang Tipan ni Jesucristo

Pambungad

Makikilala ng mga taong nag-aaral ng mga turo at doktrina ng Aklat ni Mormon na si Jesus ang Cristo. Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante na ang mga pangunahing may-akda ng aklat ay mga saksing nakakita sa Anak ng Diyos at ang mga salita nila ay makatutulong na mapalalim ang ating pag-unawa at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Gordon B. Hinckley, “Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 3–6.

  • “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” kabanata 9 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 147–57.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 13:40; 2 Nephi 25:17–18; Alma 33:22–23

Ang Aklat ni Mormon ay isang tipan ni Jesucristo

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44) at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad sa Aklat ni Mormon).

  • Alin sa mga sinabi ng Propeta tungkol sa Aklat ni Mormon ang mayroon kayong patotoo, at bakit?

  • Sa pahayag na ito ng Propeta, paano kayo lalong nahikayat na pag-aralan ang Aklat ni Mormon?

Sabihin sa mga estudyante na markahan ang pahayag na ito sa sarili nilang banal na kasulatan sa ikaanim na talata sa pambungad sa Aklat ni Mormon, at imungkahi na isulat nila sa tabi nito ang mga cross-reference na 1 Nephi 13:40 at 2 Nephi 25:17–18. (Paalala: Ang cross-referencing ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong piliing bigyang-diin sa buong kursong ito. Kapag napahusay ng mga estudyante ang kanilang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, sila ay mas magiging matatag sa espirtuwal.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 13:40 at 2 Nephi 25:17–18 habang inaalam ng iba pa sa klase ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang isa sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Inilabas ng Diyos ang Aklat ni Mormon sa mga huling araw upang hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo. [Tingnan din sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.])

  • Paano nahihikayat ng Aklat ni Mormon ang mga tao na si Jesus ang Cristo?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang tahimik sa mga estudyante:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Karamihan sa mga Kristiyano sa mundo ngayon ay hindi tinatanggap ang pagiging Diyos o kabanalan ng Tagapagligtas. Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, ang Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Itinuturo nang malinaw at di-mapag-aalinlanganan ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa katotohanan ng lahat ng iyon. Nagbibigay rin ito ng pinakakumpletong paliwanag tungkol sa doktrina ng Pagbabayad-sala. Tunay ngang ang banal at inspiradong aklat na ito ay saligang bato sa pagpapatotoo sa mundo na si Jesus ang Cristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 152).

  • Ano ang ilang katotohanan sa buhay at ministeryo ni Jesucristo na pinagtitibay o pinatototohanan sa Aklat ni Mormon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Maraming beses ko nang nabasa ang [Aklat ni Mormon]. Marami na rin akong nabasa na isinulat tungkol dito. Ang ilang may-akda ay nakatuon sa mga kuwento nito, sa mga tao nito, o maiikling kasaysayan nito. Ang iba ay napapaisip sa wikang ginamit nito o sa mga tala nito tungkol sa mga sandata, heograpiya, mga hayop, mga paraan sa pagtatayo ng mga gusali, o mga sistemang ginamit sa pagtimbang at pagsukat.

“Nakasisiya mang malaman ang mga bagay na ito, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay pinaka-kapaki-pakinabang kapag ang isang tao ay nagtuon sa pangunahing layunin nito—ang patotohanan si Jesucristo. Kung ikukumpara, ang lahat ng iba pang bagay ay kaugnay lamang nito.

“Kapag binasa ninyo ang Aklat ni Mormon, pagtuunan ang pangunahing katauhan sa aklat—mula sa unang kabanata nito hanggang sa huli—ang Panginoong Jesucristo, Anak ng Buhay na Diyos” (“A Testimony of the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1999, 69).

  • Sa lahat ng mensahe ng Aklat ni Mormon, bakit pinakamahalaga sa inyong palagay na pagtuunan ang mensahe tungkol kay Jesucristo?

Ipaliwanag sa mga estudyante na matapos turuan ng propetang si Alma ang mga Zoramita tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas (tingnan sa Alma 33:22), inanyayahan niya ang mga nakikinig sa kanya na itanim ang salita ng Diyos sa kanilang puso upang lumaki ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 33:22–23 at alamin ang mga katotohanang sinabi ni Alma na dapat “itanim” ng mga nagbabasa sa kanilang puso.

  • Ano ang mensahe na gusto ni Alma na itanim ng mga nakikinig sa kanya sa kanilang puso?

  • Ano ang ipinangako ni Alma na mangyayari kung itatanim at aalagaan ang mga paniniwalang ito tungkol kay Jesucristo? (Ang kanilang patotoo ay lalago “tungo sa buhay na walang hanggan”; gagaan ang kanilang mga pasanin.)

  • Paano nakatulong ang pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon para matanggap ang mga pagpapalang sinabi ni Alma?

1 Nephi 6:4; 2 Nephi 11:2–3; Jacob 1:7–8; Mormon 1:15; 3:20–22; Eter 12:38–39, 41

Ang mga may-akda ng Aklat ni Mormon ay mga saksing nakakita kay Jesucristo

Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay halos isinulat ng apat na pangunahing may-akda: Nephi, Jacob, Mormon, at Moroni. (Hindi kasama ang mga aklat nina Enos, Jarom, at Omni.)

Isulat ang sumusunod na chart sa pisara. Upang matulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol sa apat na pangunahing manunulat na ito, sabihin sa kanila na pumili at basahin nang tahimik ang isa sa mga sumusunod na scripture passage. Sabihin sa kanila na alamin kung paano naging karapat-dapat ang manunulat upang maging isang malakas na saksi ni Jesucristo.

Manunulat

Karanasan

1. Nephi

2 Nephi 11:2

2. Jacob

2 Nephi 11:3

3. Mormon

Mormon 1:15

4. Moroni

Eter 12:38–39

Hayaang magbahagi ang mga estudyante ng nalaman nila mula sa bawat isa sa apat na scripture passage. Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit mahalagang maunawaan na ang mga pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay mga saksing nakakita kay Jesucristo? (Habang tinatalakay ninyo ang tanong na ito, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon, malalaman natin ang tungkol kay Jesucristo at ang Kanyang misyon mula sa mga taong nakakita at nakakilala sa Kanya. Maaari mo ring ipaliwanag na ang nagsalin ng Aklat ni Mormon na si Joseph Smith ay isa ring saksi na nakakita kay Jesucristo.)

Magdagdag ng ikatlong column sa chart na nasa pisara, tulad nito:

Manunulat

Karanasan

Layunin

1. Nephi

2 Nephi 11:2

1 Nephi 6:4

2. Jacob

2 Nephi 11:3

Jacob 1:7–8

3. Mormon

Mormon 1:15

Mormon 3:20–22

4. Moroni

Eter 12:38–39

Eter 12:41

Sabihin sa bawat estudyante na basahin nang tahimik ang isa sa mga scripture passage sa ikatlong column, at alamin ang mga dahilan kung bakit itinala ng bawat manunulat ang kanyang mensahe.

  • Bakit itinala ng mga manunulat ng Aklat ni Mormon ang kanilang mga mensahe?

  • Sa inyong palagay, bakit napakasigasig ng mga manunulat na ito sa pag-aanyaya sa mga tao na lumapit kay Cristo?

  • Paano naaangkop sa sarili ninyo mismo ang kanilang paanyaya na lumapit kay Cristo? Ano ang naisip at nadama ninyo habang pinag-iisipan ninyo ang mga paanyayang ito?

2 Nephi 33:1–2, 4–5, 10–11

Ang Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na maniwala kay Jesucristo

Ipaliwanag na bagama’t nabago ang buhay ng napakaraming tao sa pamamagitan ng kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon, ang iba ay nakadarama ng pag-aalinlangan tungkol sa katotohanan at katunayan nito.

  • Ano ang maipapayo ninyo sa isang tao para mapalakas ang kanyang patotoo o magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 33:1–2 habang tinutukoy ng iba pa sa klase ang kapangyarihan na nagdadala ng mensahe ng Aklat ni Mormon sa puso ng isang tao.

  • Anong kapangyarihan ang sinabi ni Nephi na nagdadala ng kanyang mensahe sa puso ng isang tao? (Ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

  • Ano ang sinabi ni Nephi na hahadlang sa ilang tao sa pagtanggap ng Espiritu Santo?

Sabihin sa mga estudyante na ipahayag at talakayin ang alituntuning itinuro sa mga scripture verse na ito. (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Madadala ng Espiritu Santo ang mensahe ng Aklat ni Mormon sa ating mga puso kung hindi natin patitigasin ang ating puso laban sa Espiritu Santo. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-aralan ang 2 Nephi 33:4–5, na inaalam ang iba pang mga pagpapala na matatanggap natin mula sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder L. Whitney Clayton

“Kailangan nating piliing buksan ang ating puso sa banal na katotohanan tungkol sa Tagapagligtas. … Hindi tayo pinipilit ng Diyos na maniwala. Sa halip ay inaanyayahan Niya tayong maniwala sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga buhay na propeta at apostol para turuan tayo, sa pagbibigay ng mga banal na kasulatan, at paghihikayat sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. … Ang desisyong maniwala ang pinakamahalagang pagpiling ginagawa natin. Nakakaapekto ito sa lahat ng iba pa nating desisyon” (“Piliing Maniwala,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 38).

  • Paano nakakaapekto sa lahat ng iba pa nating desisyon ang pagtanggap sa paanyaya ng mga manunulat ng Aklat ni Mormon na maniwala kay Jesucristo?

Patuloy na ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 33:10–11 habang inaalam ng iba pa sa klase kung paano ipinaliwanag ni Nephi ang kaugnayan ng paniniwala sa kanyang mga salita at paniniwala kay Jesucristo.

  • Ayon kay Nephi, ano ang kaugnayan ng paniniwala sa kanyang mga salita at paniniwala kay Jesucristo?

  • Ano ang sinabi ni Nephi na mangyayari “sa huling araw” sa mga hindi tumanggap ng kanyang mga salita?

Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo kung paano sila natulungan ng Aklat ni Mormon na mas mapalapit kay Jesucristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante