Seminaries and Institutes
Lesson 27: Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao


27

Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig sa Kapwa-tao

Pambungad

Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay kinakailangan ng lahat ng taong nagnanais na manirahan sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang mga katangiang ito ay kaloob ng Diyos na dumarating sa mga naghahangad nito sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Eter 12:28; Moroni 10:18–21

Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay kinakailangan para sa kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na mabilis na banggitin ang mga katangian na sa palagay nila ay mahalagang matamo habang nabubuhay sa mundong ito. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na tukuyin kung alin sa mga katangiang ito ang sa palagay nila ay pinakamahalaga upang mamana ang kaharian ng Diyos.

Ipaalala sa mga estudyante na habang tinatapos ni Moroni ang kanyang tala sa mga laminang ginto, nagsulat siya ng ilang payo sa mga makababasa nito balang araw. Bilang bahagi ng kanyang payo binigyang-diin niya ang tatlong katangian na kinakailangan sa ating kaligtasan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:18–21, at ipatukoy sa klase ang tatlong katangiang ito.

  • Sa inyong palagay, bakit ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ay lubhang kinakailangan sa ating kaligtasan?

Upang matulungan ang mga estudyante sa pagsagot sa tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:28, at ipatukoy sa klase ang doktrinang itinuro sa talatang ito.

  • Anong doktrina ang nakasaad sa talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Ang pagkakaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ang naglalapit sa atin kay Jesucristo.)

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga alituntunin at doktrina sa buong lesson na ito na tutulong sa kanila na maunawaan at mataglay nang lubos ang mahahalagang katangiang ito.

Alma 32:26–29, 37–41; Moroni 7:21, 25–28, 33

Ang pananampalataya ay nagtutulot sa atin na “[m]anangan sa bawat mabuting bagay”

Isulat sa pisara ang Pagpapalakas ng ating Pananampalataya kay Jesucristo.

Ipaalala sa mga estudyante na gumamit ng analohiya ang propetang si Alma tungkol sa isang lumalaking binhi upang ituro sa mga Zoramita kung paano magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 32:26–29. Hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang magagawa natin upang mas mapalakas o maragdagan ang ating pananampalataya.

Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang parirala na natukoy nila at ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng parirala tungkol sa paraan kung paano natin mas mapapalakas o madaragdagan ang ating pananampalataya. Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga parirala, maaari mong isulat ang mga ito sa ilalim ng heading na nasa pisara. Maaaring kasama sa mga parirala ang mga sumusunod: gigising at pupukawin ang inyong kaisipan; pagsubok sa aking mga salita; maniwala; magbibigay-puwang, na ang [salita] ay maitanim sa inyong mga puso. Kung kailangan, ipaunawa sa mga estudyante na ang salitang kaisipan ay tumutukoy sa ating kakayahang mag-isip at kumilos.

  • Sa talata 29, sa palagay ninyo bakit itinuro ni Alma na hindi pa perpekto o ganap ang ating pananampalataya matapos isagawa ang pagsubok na ito?

  • Ano pa kaya ang kinakailangan para maging perpekto o ganap ang ating pananampalataya?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa ng Alma 32:37–41, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang dapat nating gawin para magkaroon ng pananampalatayang kailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan.

  • Anong alituntunin ang itinuro ni Alma sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung aalagaan natin nang mabuti ang salita ng Diyos sa ating puso, lalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng alagaan nang mabuti ang salita? Ano ang ilan sa mga gawaing patuloy nating gagawin upang maalagaan ang salita ng Diyos at matulungang lumalalim ang pananampalataya sa ating puso?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nila aalagaan ang salita ng Diyos, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang hinahanap ng klase ang mga susi sa pangangalaga ng ating pananampalataya:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Gaano man kalaki ang pananampalataya natin ngayon sa pagsunod sa Diyos, kailangan pa rin nating patuloy na palakasin ito at sariwain ito palagi. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagpapasiya ngayon na mas mabilis na sumunod at mas determinadong magtiis. Ang pagkatutong magsimula nang maaga at magpatuloy ang mga susi sa espirituwal na paghahanda. …

“… Pinatatatag natin ang pananampalataya para makapasa sa mga pagsubok ng pagsunod sa paglipas ng panahon at sa mga pagpili natin sa araw-araw. Maaari tayong magpasiya ngayon na gawin kaagad ang anumang hilingin sa atin ng Diyos. At maaari tayong magpasiya na maging matatag sa maliliit na pagsubok ng pagsunod na nagpapatatag sa pananampalataya na tutulong sa atin sa gitna ng malalaking pagsubok, na tiyak na darating” (“Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 38, 40).

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Eyring na dapat nating gawin upang mapalakas o mapangalagaan ang ating pananampalataya?

  • Sa inyong palagay, bakit ang patuloy at araw-araw na pagsunod sa salita ng Diyos ay napakahalaga sa pagpapatatag ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nakaapekto ang mga alituntuning itinuro ni Alma sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na nagpatotoo ang propetang si Mormon tungkol sa walang-hanggang kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa patotoo ni Mormon sa Moroni 7:21, 25–28, 33 habang iniisip ng klase kung ano ang magagawa nila para mapalakas o maragdagan ang kanilang pananampalataya sa Panginoon at “makapanangan sa” mga pagpapalang binanggit ni Mormon.

Eter 12:4, 8–9; Moroni 7:40–42

Ang pag-asa ay isang angkla sa kaluluwa

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:8–9, at sa isa pang estudyante ang Moroni 7:40–42. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang katangiang mapapasaatin kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong katangian ang mapapasaatin dahil sa ating pananampalataya?

Basahin ang sumusunod na dalawang pahayag, at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pagkakaiba ng mga ito: (1) Sana hindi umulan ngayon. (2) Umaasa ako na kung magsisisi ako, mapapatawad ako sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Ano ang pagkakaiba ng dalawang pagpapahayag na ito ng pag-asa? (Ang una ay isang kahilingan na walang katiyakan para sa isang bagay na hindi makokontrol ng isang tao, at ang pangalawa ay isang pahayag na may pagtitiwala na naghikayat ng pagkilos.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pag-asa ayon sa mga banal na kasulatan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pag-asa ay … pagtitiwala na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Ito’y tiwala na kung mamumuhay tayo ayon sa mga batas ng Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta ngayon, tatanggapin natin ang hangad nating mga biyaya sa hinaharap. Ito ay paniniwala at pag-asang sasagutin ang ating mga dalangin. Makikita ito sa tiwala, magandang pananaw, sigla, at pagtitiyaga” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 22).

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Moroni 7:41 at alamin kung ano ang inaasam natin kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya kay Cristo.

  • Anong alituntunin ang itinuro ni Mormon hinggil sa pag-asa sa talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo ay nagtatamo ng pag-asa na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala tayo ay ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang pananampalataya kay Jesucristo at pag-asa ay magkaugnay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:4, at ipahanap sa klase kung paano inilarawan ni Moroni ang pag-asa.

  • Ano ang itinuturo sa atin ni Mormon tungkol sa pag-asa sa paggamit niya ng isang daungan o angkla? Paano maitutulad ang isang taong walang pananampalataya sa isang bangkang walang daungan o angkla?

Sabihin sa ilang estudyante na magpatotoo tungkol sa pag-asa na dumating sa kanilang buhay dahil sa pananampalataya kay Jesucristo.

Eter 12:33–34; Moroni 7:43–48

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:43–44, at ipatukoy sa mga estudyante kung ano ang katangiang ipinahayag ni Mormon na dapat nating taglayin kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya at pag-asa.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Kung talagang hangad nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas at Panginoon, ang matutong magmahal na tulad Niya ang dapat maging pinakamataas nating mithiin. Tinawag ni Mormon ang pag-ibig sa kapwa-tao na ‘pinakadakila sa lahat’ (Moro. 7:46)” (“Godly Characteristics of the Master,” Ensign, Nob. 1986, 47).

Upang maipaliwanag nang malinaw kung bakit ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao ay napakahalagang katangian, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:45–47. Ipaliwanag na tinutulungan tayo ng mga talatang ito na maunawaan ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng paglilista ng kung ano ang pag-ibig sa kapwa-tao at kung ano ang hindi.

  • Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagsasaad ng kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao?

  • Anong kaalaman o ideya ang maibabahagi ninyo tungkol sa mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao na nakalista sa talata 45?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:48.

  • Ano ang ipinayo ni Mormon na gawin natin kapag sinisikap nating matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mananalangin nang buong lakas ng puso at susunod kay Jesucristo, tayo ay mapupuspos ng pag-ibig sa kapwa-tao.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsisikap na matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao upang maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 12:33–34 habang inaalam ng klase ang kaugnayan ng pag-ibig sa kapwa-tao at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Ano ang kaugnayan ng pag-ibig sa kapwa-tao at ng Pagbabayad-sala?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ang mas magandang kahulugan ng ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo,’ … ay hindi ang pinagsisikapan nating gawin bilang Kristiyano ngunit bigo namang naipapakita sa ibang tao ng karamihan sa atin kundi sa halip ito ay ang lubos na pagtatagumpay ni Cristo sa naipapakita Niya sa atin. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao ay naipakita na nang minsan lang. “Ito ay naipakita nang perpekto at dalisay sa hindi nagmamaliw, tunay, at nagbabayad-salang pagmamahal ni Cristo para sa ating lahat. … Ito ay pag-ibig ni Cristo para sa atin na ‘binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.’ Nakita kay Cristo na ‘ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.’ Ito ay pag-ibig sa kapwa-tao—ang kanyang dalisay na pag-ibig para sa atin—na kung wala ito ay wala tayong kabuluhan, walang pag-asa, pinakamalungkot sa lahat ng kalalakihan at kababaihan. Ang mga taong matatagpuang mayroon ng mga pagpapala ng kanyang pagmamahal sa huling araw—ang Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, buhay na walang hanggan, walang-hanggang pangako—ay tunay na makabubuti sa kanila” (Christ and the New Covenant [1997], 336).

  • Paano kayo tinulungan ni Elder Holland na maunawaan kung bakit “ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” at kung bakit ito ang “pinakadakila” sa mga espirituwal na kaloob?

  • Ano ang maaari ninyong gawin para maibahagi sa iba ang dalisay na pag-ibig ni Jesucristo na lubos Niyang ibinigay sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Moroni 7:45 at magtakda ng mithiing manalangin at magsikap na mas lalong mapagbuti ang isa sa mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao. Patotohanan ang banal na tulong na natanggap mo habang sinisikap mo mismo na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.

Mga Babasahin ng mga Estudyante