Seminaries and Institutes
Lesson 3: Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala


3

Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala

Pambungad

Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay isang paraan na maipapakita natin ang ating pasasalamat para sa Kanyang napakagagandang pagpapala. Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa ng pagsunod. Tumitindi ang ating pagnanais na maging masunurin kapag nag-iibayo ang ating pagmamahal sa Diyos. Dahil sa pagsunod sa mga kautusan, naibibigay ng Diyos ang tulong na kailangan natin kapag sinisikap nating magawa ang mahihirap na gawain.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 89–92.

  • Robert D. Hales, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 35–38.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 2:2–4, 9–13, 16, 19–20; Mosias 2:20–24, 41

Sa pamamagitan ng pagsunod, naipapakita natin ang ating pasasalamat sa Diyos at natatanggap ang Kanyang pinakadakilang mga pagpapala

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Paano natin mababayaran ang utang natin sa Tagapagligtas? Binayaran Niya ang utang na hindi Kanya upang palayain tayo sa utang na hinding-hindi natin mababayaran. Dahil sa Kanya, mabubuhay tayo nang walang hanggan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, mapapalis ang ating mga kasalanan, na magpaparanas sa atin ng pinakadakila sa mga handog ng Diyos: ang buhay na walang hanggan.

“May presyo ba ang gayong handog? Matutumbasan ba natin ang handog na iyon?” (“Mga Pagkakautang sa Lupa at sa Langit,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 43).

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para talakayin ang mga posibleng sagot sa huling tanong ni Elder Wirthlin. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga alituntunin at doktrina sa lesson na tutulong para masagot ang tanong na ito.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 2:20–24. Sabihin sa kanila na alamin ang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa kung paano natin dapat ituring ang ating sarili kaugnay sa Diyos.

  • Sa inyong palagay, bakit itinuro ni Haring Benjamin na anuman ang gawin natin, tayo pa rin ay “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” ng Diyos?

  • Bagama’t hindi natin kailanman mababayaran ang ating pagkakautang sa Diyos, ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito na maaari nating gawin para maipakita ang ating pasasalamat para sa lahat ng ginawa Niya para sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag kinikilala natin ang ating walang hanggang pagkakautang sa Diyos, ninanais nating maglingkod sa Kanya at sundin ang Kanyang mga kautusan.)

Sabihin sa mga estudyante na isa sa pinaka-kahanga-hangang tala sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagsunod sa Diyos ay matatagpuan simula ng Aklat ni Mormon, kung saan nakatala kung paano tumugon ang propetang si Lehi at ang kanyang pamilya nang iniutos sa kanila ng Diyos sa gawin ang isang napakahirap na bagay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:2–4.

  • Bakit mahirap para sa pamilya ni Lehi na sundin ang utos ng Diyos na lisanin ang Jerusalem?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 1 Nephi 2:9–13, 16, at alamin ang pagkakaiba ng ugali nina Laman at Lemuel sa ugali ni Nephi sa pagtugon sa utos na ito. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay maghihikayat sa mga estudyante na magamit ang mahalagang kasanayan na paghahambing sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.)

  • Anong mga salita at parirala ang naglalarawan sa tugon o ginawa nina Laman at Lemuel? (Matitigas ang kanilang leeg, sila ay bumulung-bulong, at hindi nila alam ang mga pakikitungo ng Diyos.)

  • Paano tumugon si Nephi sa utos na lisanin ang Jerusalem? (Siya ay mapagkumbaba; ninais niyang malaman ang mga bagay ng Diyos; naniwala siya sa mga sinabi ng kanyang ama, na isang propeta; at nagdasal siya.)

  • Bakit naiiba sa kanyang mga kapatid ang pagtugon ni Nephi sa mga sinabi ng kanyang ama?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipang mabuti kung sila ba ay parang mas katulad nina Laman at Lemuel o tulad ni Nephi kapag inutusan sila ng Panginoon o ng mga lider ng Kanyang Simbahan na gawin ang isang bagay na mahirap.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 2:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang pangako ng Panginoon kay Nephi.

  • Anong pahayag sa mga talatang ito ang buod ng ipinangako ng Panginoon kay Nephi? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang mga kautusan, uunlad tayo sa lupain. Maaari mong ipaliwanag na isa ito sa mga tema na madalas ulit-ulitin sa Aklat ni Mormon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante, sa pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon, na alamin ang maraming paraan ng pag-uulit-ulit ng tema na ito.)

  • Anong mga katangian ang pinuri ng Panginoon kay Nephi? Sa inyong palagay, bakit mahalagang magkaroon tayo ng mga katangiang ito sa ating pakikipag-ugnayan sa Panginoon?

  • Bagama’t ang pagsunod ay hindi palaging nagdudulot ng temporal na pag-unlad, anong mga pagpapala ang maaari nating matamo bunga ng pagsunod natin sa Panginoon? (Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa ang Mosias 2:41.)

2 Nephi 31:6–10, 15–16; Mosias 15:7; 3 Nephi 11:11; 12:19–20, 48

Ang pagtulad sa halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas ay tumutulong sa atin na mapalapit sa Kanya at sa Ama

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Sa lahat ng aral na natututuhan natin mula sa buhay ng Tagapagligtas, wala nang mas malinaw at makapangyarihan pa kaysa sa aral tungkol sa pagsunod” (“Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 35).

  • Anong mga halimbawa sa buhay ng Tagapagligtas ang nagpapakita ng Kanyang pagsunod?

Upang matulungan ang mga estudyante na matalakay pa ang tanong na ito, sabihin sa kanila na basahin ang Mosias 15:7 at 3 Nephi 11:11, at alamin kung ano ang handang gawin ni Jesus upang masunod ang Kanyang Ama.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 31:6–10, 15–16 habang inaalam ng iba pang mga estudyante sa klase kung ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa kahalagahan ng pagsunod at ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas? Ano ang matututuhan natin mula sa Kanyang halimbawa tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsunod sa Kanyang Ama, tayo ay mananatili sa makitid na landas na patungo sa kaligtasan.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Ang pagsunod na husto sa espirituwalidad ay ang ‘pagsunod ng Tagapagligtas.’ Hinihikayat ito ng tunay na pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak. … Ang pagmamahal natin sa Tagapagligtas ang susi sa pagsunod na tulad ng Tagapagligtas” (“Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” 36–37).

  • Bakit ang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo “ang susi” sa pagsunod sa mga kautusan?

Ipaliwanag na itinuro ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa mga Nephita ang tungkol sa mga layunin ng pagsunod sa mga kautusan. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang 3 Nephi 12:19–20, 48 para matuklasan ang mga layuning ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga dahilan ang sinabi ng Tagapagligtas kung bakit tayo binigyan ng mga kautusan? (Dapat natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag lumapit tayo kay Cristo at sinunod ang Kanyang mga kautusan, tayo ay magiging higit na katulad Niya at ng ating Ama sa Langit, at tayo ay maliligtas.)

  • Sa paanong paraan nakatulong sa inyo ang pagsunod sa paglapit sa Tagapagligtas?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin upang maging mas masunurin sa mga kautusan ng Ama sa Langit upang sila ay maging higit na katulad Niya at ng Kanyang Anak.

1 Nephi 3:4–7, 15–16; 4:1–2; 7:12; 17:1–31; 18:1–4

Ang Panginoon ay nagbibigay ng tulong sa mga masunurin

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tila nahirapan silang sundin ang isang kautusan ng Diyos o gawin ang isang tungkulin o gawain na tila mahirap. Ipaalala sa mga estudyante na si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay naharap sa panganib at posibleng kamatayan nang iutos sa kanila ng Diyos na bumalik sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 3:4–7 at tukuyin ang isang alituntunin na natutuhan nila mula sa halimbawa ni Nephi na maaaring mas magpalakas sa kanilang sariling kakayahan na maging masunurin.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa tugon ni Nephi sa isang mahirap na utos mula sa Diyos? (Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin kapag natukoy ito ng mga estudyante: Kung sisikapin nating sundin ang iniuutos ng Panginoon, Siya ay maghahanda ng paraan para maisakatuparan natin ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara at bigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-aralan ito, inaalam kung paano tumugon si Nephi nang pagsikapan niyang gawin mahihirap na bagay na iniutos sa kanya: 1 Nephi 3:15–16; 4:1–2; 7:12. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na inilarawan ni Nephi kalaunan ang ilang paraan kung paano tinutulungan ng Panginoon ang mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 17:1–4 at tukuyin ang mga paraan na tinutulungan tayo ng Panginoon. Sabihin din sa mga estudyante na markahan ang parirala ni Nephi na “at sa gayon nakikita natin,” na ginamit sa buong Aklat ni Mormon upang ihanda ang mga nagbabasa na pagtuunan ng pansin ang mga salitang kasunod nito.

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita:

Palulusugin

Palalakasin

Naglalaan ng paraan

Sabihin sa mga estudynate na mag-ukol ng ilang minuto na basahin nang mabilis ang 1 Nephi 17:5–31; 18:1–4, at maghanap ng mga halimbawa kung paano pinalusog, pinalakas, o nilaanan ng paraan ng Panginoon ang pamilya ni Lehi.

  • Sa paanong paraan pinalusog o pinalakas ng Panginoon ang pamilya ni Lehi? Paano Siya naglaan ng paraan para matulungan sila?

  • Anong mga pagpapala na ibinigay ng Panginoon sa pamilya ni Lehi ang kahalintulad ng mga pagpapalang kinakailangan natin ngayon?

  • Kailan ninyo naranasan ang tulong ng Panginoon sa isa sa mga ganitong paraan habang sinisikap ninyong sumunod sa Kanya?

Ipaalala sa mga estudyante na hinihingi ng Panginoon ang ating pagsunod upang mabigyan Niya tayo ng maraming pagpapala sa ating pagsisikap na maging katulad Niya. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):

Larawan
Pangulong Harold B. Lee

“Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan ng Diyos ay yaong pinakamahirap ninyong masunod ngayon. … Gawin iyan nang wasto, at pagkatapos ay simulan ninyo ang susunod na pinakamahirap ninyong masunod. Iyan ang paraan ng pagpapakabanal sa inyong sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 36).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang kautusan na nahihirapan sila na sundin. Hikayatin silang gumawa ng plano na maging mas masunurin upang mas lubos na maging karapat-dapat sa pagtanggap ng tulong ng Panginoon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante