Seminaries and Institutes
Lesson 17: Ang Kapangyarihan ng Salita


17

Ang Kapangyarihan ng Salita

Pambungad

Ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay nagsikap nang husto para magawa at maingatan ang banal na kasulatan na magpapala sa atin sa ating panahon. Sa lesson na ito, ipapaalala sa mga estudyante na kapag pinag-aralan at sinunod nila ang mga salita ng mga propeta, makatatanggap sila ng lakas na madaig si Satanas, makayanan ang buhay sa mortalidad, at matamo kalaunan ang buhay na walang hanggan.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Richard G. Scott, “Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6–8.

  • D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 32–35.

  • “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” kabanata 8 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 133–45.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 3:19–20; 5:21–22; Omni 1:14–17; Mosias 1:3–5; Alma 37:3–4, 8

Ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang katanungan niya:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Malaki ang utang-na-loob natin sa matatapat na nagtala at nagpreserba ng salita sa paglipas ng panahon, kadalasang may kaakibat na malaking pagpapagal at sakripisyo—sina Moises, Isaias, Abraham, Juan, Pablo, Nephi, Mormon, Joseph Smith, at marami pang iba. Ano ang nalaman nila tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan na kailangan din nating malaman?” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 32).

  • Ano sa palagay ninyo ang nalaman ng mga manunulat na ito tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan na kailangan din nating malaman?

Ipaalala sa mga estudyante na iniutos ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 3:19–20 at 5:21–22 habang inaalam ng klase ang mga dahilan kung bakit napakahalaga ng mga laminang tanso kay Lehi at sa kanyang pamilya.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit napakahalaga ng mga banal na kasulatan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita at kautusan ng Diyos na ipinahayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.)

Upang mapatibay ang katotohanang ito, ipaalala sa mga estudyante na makaraan ang maraming taon matapos dumating ang pamilya ni Lehi sa lupang pangako, nakilala ng kanilang mga inapo ang mga tao ni Zarahemla (ang mga Mulekita), na naglakbay mula sa Jerusalem mga ilang panahon matapos dumating sa lupang pangako ang pamilya ni Lehi.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Omni 1:14–17 at Mosias 1:3–5 at pansinin ang pagkakaiba ng mga taong mayroong mga banal na kasulatan (mga Nephita) at ng mga taong walang mga banal na kasulatan (mga Mulekita). (Paunawa: Upang matutuhan ang tungkol sa kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na “paghahambing” o pagkukumpara, tingnan sa Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], 22.)

  • Ano ang mga nangyari sa mga Mulekita dahil wala silang mga banal na kasulatan? (Tingnan din sa 1 Nephi 4:13.)

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa mga Nephita dahil mayroon silang mga banal na kasulatan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 37:3–4, 8 habang inaalam ng klase ang mga pagpapala na natanggap ng mga Nephita mula sa mga laminang tanso.

  • Ayon sa talata 8, ano ang ilan sa mga pagpapalang natanggap ng mga Nephita mula sa mga laminang tanso?

  • Sa inyong palagay, ano ang kahulugan ng sinabi ni Alma na “pinalawak ng mga [banal na kasulatan] ang kaalaman ng mga taong ito”?

Upang makatulong na maipaliwanag ang kahulugan ng pariralang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson habang naghahanap ang klase ng karagdagang kaalaman kung paano pinalalawak ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Pinalalawak ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman sa pagtulong sa atin tuwina na alalahanin ang Panginoon at ang ating kaugnayan sa Kanya at sa Ama. Ipinaaalala nito sa atin ang alam natin noon sa ating buhay bago ang buhay rito sa lupa. At pinalalawak niyan ang ating kaalaman sa iba pang bagay sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin tungkol sa mga panahon, mga tao, at pangyayari na hindi natin personal na naranasan. …

“Pinalalawak din ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman sa pagtulong sa atin na hindi malimutan ang natutuhan natin at ng mga naunang henerasyon. Ang mga taong wala o nagbabale-wala sa nakatalang salita ng Diyos ay tumitigil na maniwala sa Kanya kalaunan at nalilimutan ang layunin ng kanilang pag-iral” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 33).

  • Ano ang ilang paraan na nagpapalawak ng ating kaalaman ang mga banal na kasulatan?

  • Anong mga doktrina, alituntunin, o kuwento sa mga banal na kasulatan ang nagpalawak ng inyong kaalaman tungkol sa Panginoon at sa inyong pakikipag-ugnayan sa Kanya?

1 Nephi 8:21–24, 29–30; 15:23–24; 2 Nephi 3:12; 32:3; 33:4–5; Jacob 2:8; 7:10–11; Alma 5:10–13; 31:5; 37:2, 8–10; Helaman 3:29–30; 15:7–8

Ang salita ng Diyos ay may hatid na mga pagpapala

Sabihin sa isang estudyante na ibuod nang maikli ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8). Pagkatapos ay itanong sa klase kung ano ang sinasagisag ng gabay na bakal at kung bakit napakahalagang bahagi nito sa pangitain. Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 8:21–24, 29–30.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 15:23–24 at hanapin ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong mahigpit na kumakapit sa salita ng Diyos. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mahigpit na kakapit” sa salita ng Diyos?

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung mahigpit tayong kakapit sa salita ng Diyos, hindi tayo kailanman masasawi sa espirituwal at hindi tayo madaraig ng kaaway.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Gusto kong imungkahi na ang paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal ay nangangailangan, nang husto, ng mapanalangin, palagian, at masigasig na paggamit ng mga banal na kasulatan bilang tiyak na pinagmumulan ng inihayag na katotohanan at maaasahang gabay sa paglalakbay sa makipot at makitid na landas tungo sa punungkahoy ng buhay—maging sa Panginoong Jesucristo” (“Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay,” Liahona, Okt. 2011, 36).

Ipaliwanag na itinuro ng ilang propeta sa Aklat ni Mormon ang mga karagdagang pagpapala na dumarating sa mga taong kumakapit nang mahigpit sa salita ng Diyos. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. Sabihin sa bawat estudyante na pag-aralan ang isa o dalawang scripture reference para malaman ang mga pagpapalang dumarating sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay ipasulat sa mga estudyante ang mga pagpapalang natukoy nila sa pisara sa tabi ng tugmang scripture reference:

2 Nephi 3:12

2 Nephi 32:3

2 Nephi 33:4–5

Jacob 2:8

Jacob 7:10–11

Alma 5:10–13

Alma 31:5

Alma 37:2, 8–10

Helaman 3:29–30

Helaman 15:7–8

  • Kailan ninyo naranasan ang isa sa mga pagpapalang ito?

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano ang maaaring magawa ng isang young single adult sa araw-araw na buhay upang makakapit nang mahigpit sa gabay na bakal.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ang paggamit nila ng mga banal na kasulatan ay maaaring ilarawan bilang mahigpit na pagkapit sa gabay na bakal.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at isulat ang mga partikular na bagay na magagawa nila para mas makakapit nang mahigpit sa gabay na bakal at mas lubos na matanggap ang mga pagpapalang ito.

Alma 37:38–46

Ang salita ng Diyos ay humahantong sa buhay na walang hanggan

Ipaalala sa mga estudyante na tumanggap ang propetang si Lehi ng isang kasangkapan mula sa Panginoon na tinatawag na Liahona. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 37:38–42 habang inaalam ng klase kung paano nakatulong ang Liahona sa pamilya ni Lehi.

  • Paano nakatulong ang Liahona sa pamilya ni Lehi?

  • Ano ang kailangang gawin ng pamilya ni Lehi para gumana ang Liahona? (Gumana lamang ang aguhon o kompas nang sundin nila ang mga tagubilin nito at nanampalataya at nagsikap. Tingnan din sa 1 Nephi 16:28.)

Ipaliwanag na itinuro ni Alma na ang paggamit ng Liahona ay “halimbawa” at “anino”—ibig sabihin ay simbolo—kung paano natin dapat gamitin ang salita ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 37:43–46 habang tinutukoy ng mga estudyante ang ginawang paghambing ni Alma sa Liahona at sa mga salita ni Cristo.

  • Anong alituntunin hinggil sa mga salita ni Cristo ang itinuro ni Alma sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung bibigyang-pansin natin ang mga salita ni Cristo, tayo ay ituturo sa tuwid na daan patungo sa buhay na walang hanggan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang salitang kung sa mga talata 45–46. Sabihin sa mga estudyante na ang pagtukoy sa sanhi at epekto ay mahalagang kasanayan na mas magpapabuti sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ituro sa “tuwid na daan” patungo sa buhay na walang hanggan?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin para hindi lamang pagbabasa ng mga salita ni Cristo ang magawa natin at magsimulang “[mag]bigay-pansin” sa mga ito?

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, at sabihin sa mga estudyante na basahin at pag-isipan ang mga katanungan ni Elder Bednar.

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang palagiang pag-inom ng tubig na buhay ay higit na mainam kaysa paminsan-minsang pag-inom.

“Araw-araw ba kayong nagbabasa, nag-aaral, at nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan sa paraang nakakapit tayo nang mahigpit sa gabay na bakal … ? Patuloy ba tayong sumusulong patungo sa bukal ng tubig na buhay—nagtitiwala sa salita ng Diyos? Ito ay mahahalagang tanong para pag-isipan ng bawat isa sa atin nang may panalangin” (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 7, lds.org/broadcasts).

Itanong kung may estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang patotoo kung paano nakatulong sa kanila ang salita ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pag-isipan ang mga katanungan ni Elder Bednar, at sabihin sa kanila na gawin ang mga ideya at impresyong natanggap nila sa oras ng lesson upang maging mas epektibo at makabuluhan ang pag-aaral nila ng mga salita ng Diyos.

Mga Babasahin ng mga Estudyante