Seminaries and Institutes
Lesson 26: Pagkatapos ng Pagsubok sa Pananampalataya


26

Pagkatapos ng Pagsubok sa Pananampalataya

Pambungad

Sa lesson na ito, matututuhan ng mga estudyante mula sa Aklat ni Mormon na dahil sa pananampalataya kay Jesucristo nakagagawa ang Diyos ng mga himala para sa atin. Inihahanda rin tayo ng pananampalataya na matanggap ang mga espirituwal na patotoo sa katotohanan.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Robert D. Hales, “Hangaring Makilala ang Diyos, na Ating Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 29–32.

  • David A. Bednar, “Humingi nang May Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 94–97.

  • Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 13–14.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 27:23; 3 Nephi 17:5–9, 20–24; Mormon 9:9, 18–20

Ang pananampalataya ay sinusundan ng mga himala

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang halimbawa sa banal na kasulatan ng mga himalang ginawa ng Diyos para sa Kanyang mga anak ayon sa kanilang pananampalataya sa Kanya. (Kasama sa mga halimbawa ang pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit at pagbuhay sa patay, paghati ni Moises sa Dagat na Pula, at paghipo ni Cristo sa mga bato para magbigay ng liwanag sa mga gabara ng mga Jaredita.)

  • Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang taong hindi naniniwala na patuloy na gumawa ng mga himala ngayon ang Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 27:23 at sa isa pang estudyante ang Mormon 9:9, 18–20. Sabihin sa klase na alamin kung bakit patuloy pa ring nangyayari ang mga himala ngayon.

  • Ayon sa mga talatang ito, bakit makatitiyak tayo na nangyayari ang mga himala sa mundo ngayon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Dahil ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, Siya ay patuloy na gumagawa ng mga himala ayon sa pananampalataya ng Kanyang mga anak.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniuutos ng Panginoon na manampalataya muna tayo bago Siya gumawa ng mga himala?

Upang mailarawan ang kaugnayan ng pananampalataya at mga himala sa banal na kasulatan, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 17:5–9. Sabihin sa klase na alamin kung ano tinukoy ni Cristo na sapat na bago Siya gumawa ng mga himala para sa mga tao.

  • Ayon sa talata 8, ano ang nagtulot sa Tagapagligtas para mapagaling ang mga may karamdaman at naghihirap?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 17:20–24.

  • Ano ang iba pang mga sagradong pangyayari na naranasan ng mga tao dahil sa kanilang pananampalataya?

  • Dahil ninanais ni Cristo na gawin ang mga himalang ito, paano lalong lumalakas ang ating pananampalataya na matutulungan Niya tayo sa ating mga pangangailangan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Sister Sydney S. Reynolds, dating tagapayo sa Primary general presidency:

Larawan
Sydney S. Reynolds

“Kasinghalaga ng ‘makapangyarihang himalang ito’ ay ang mas maliliit na mga ‘pansariling himala’ na nagtuturo sa atin na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon. Dumarating ito habang kinikilala at pinakikinggan natin ang mga [pahiwatig] ng Espiritu sa ating buhay. …

“Naniniwala ako na lahat tayo ay makapagpapatotoo sa maliliit na himalang ito. May kilala tayong mga batang nananalangin na tulungan silang makita ang isang nawawalang bagay at nakikita ito. May kilala tayong mga kabataan na nag-iipon ng lakas na tumayo bilang saksi ng Diyos at nadama ang Kanyang tulong. May mga kaibigan tayo na nagbabayad ng ikapu sa kahuli-hulihang salapi nila at pagkatapos, sa pamamagitan ng himala, ay natatagpuan ang kanilang sarili na nakabayad ng panustos sa eskwela, o ng upa, o kahit paano ay nagkaroon ng pagkain para sa kanilang mag-anak. Makapagbabahagi tayo ng mga panalanging tinugunan, at mga basbas ng pagkasaserdote na nakapagbigay ng tapang, kaaliwan, o kagalingan mula sa sakit. Makikilala natin ang pagtulong ng Panginoon sa ating buhay dahil sa mga himalang ito na nangyayari sa araw-araw” (“Diyos ng mga Himala,” Liahona, Hulyo 2001, 12).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na naranasan nila o ng isang taong kilala nila ang mga himala ng Diyos sa kanilang buhay. Kung hindi napakasagrado o napakapersonal, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila na nagpatunay sa kanila na ang Diyos ay Diyos pa rin ng mga himala.

Eter 3:6–13, 17–20; 4:13–15; 12:6–7, 12, 19, 31

Inihahanda tayo ng pananampalataya na tumanggap ng mga espirituwal na patotoo

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang katotohanan ng ebanghelyo na hangad nilang makatanggap sila ng espirituwal na patunay o mas malakas na patotoo tungkol dito. Ipaliwanag na pinipili ng ilang tao na hindi maniwala o mamuhay ayon sa isang alituntunin ng ebanghelyo hangga’t hindi sila nakakakita ng katibayan na totoo ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 12:6, at alamin kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa proseso ng pagtanggap ng espirituwal na patunay.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Eter 12:6 tungkol sa pagtanggap ng espirituwal na patunay? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Bago tayo makatanggap ng espirituwal na patunay, kailangan muna nating manampalataya kay Jesucristo.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “pagsubok sa inyong pananampalataya”?

Ipaliwanag na ang pagkakaroon ng pagsubok sa pananampalataya ay hindi palaging nangangahulugan ng pagdaranas ng paghihirap. Ipakita at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, tungkol sa payo ni Moroni sa Eter 12:6:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Mabisa ninyong magagamit ang pananampalataya sa pagsunod sa alituntuning itinuro ni Moroni: ‘… wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya’ [Eter 12:6; idinagdag ang italics]. Sa tuwing susubukin ninyo ang inyong pananampalataya, at gagawa ng mabuti, tatanggap kayo ng patunay ng Espiritu” (Richard G. Scott, “Ang Nagtataguyod na Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Oras ng Kawalang Katiyakan at Pagsubok,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 76–77).

Larawan
Bonnie L. Oscarson

“Sa mundo natin kung saan gusto nating masiyahan palagi, madalas tayong umasang magantimpalaan nang hindi ito pinaghihirapan. Naniniwala ako na sinasabi sa atin ni Moroni na kung kikilos muna tayo at mananalig sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo, matatanggap natin ang patunay na ito ay totoo. Nangyayari ang tunay na pagbabalik-loob sa patuloy na pamumuhay ng mga doktrinang alam ninyong totoo at pagsunod sa mga utos, araw-araw, buwan-buwan” (Bonnie L. Oscarson, “Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 77).

  • Paano naiiba ang paraan ng pagtanggap ng patunay sa katotohanan na inilarawan nina Elder Scott at Sister Oscarson mula sa paraan ng mga taong gusto muna ng katibayan bago sila maniwala o sumunod?

  • Kailan at paano ninyo nalaman na totoo ang alituntuning ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 12:7, 12, 19, at 31. Hikayatin ang klase na pansinin ang mga pariralang “matapos silang magkaroon ng pananampalataya” at “hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya” sa mga talatang ito (maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang mga banal na kasulatan).

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang inilaan ng Panginoon sa mga taong ito matapos na sila ay manampalataya? Anong uri ng mga espirituwal na patunay sa katotohanan ang natanggap ninyo dahil sa inyong pananampalataya?

Magpatotoo na tulad ng mga himala, ang mga espirituwal na patunay ay hindi darating kung hindi muna tayo mananampalataya. Upang mabigyang-diin ang bagay na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Sa paghahanap ninyo ng espirituwal na kaalaman, may isang ‘lukso ng pananampalataya,’ sabi nga ng mga pilosopo. Ito ang sandaling narating na ninyo ang dulo ng liwanag at napunta kayo sa kadiliman para matuklasan na sa isa o dalawang hakbang lamang ay may liwanag na sa daan” (“Ang Paghahangad sa Espirituwal na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2007, 18).

Sabihin sa isang estudyante na ilarawan ang mga problemang naranasan ng kapatid ni Jared nang gumawa siya ng mga gabara upang madala ang kanyang pamilya sa lupang pangako at ipabuod kung ano ang ginawa niya upang malutas ang mga problemang ito (tingnan sa Eter 2:16–25; 3:1–5).

  • Paano nanampalataya ang kapatid ni Jared kay Jesucristo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 3:6–13, 17–20.

  • Paano pinagpala ng Panginoon ang kapatid ni Jared dahil sa pananampalataya nito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na alamin ang mga katangian ng pananampalataya ng kapatid ni Jared:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pinakamatinding pananampalataya, ang pananampalatayang nakapagpapalipat ng bundok, ang pananampalatayang tulad ng sa kapatid ni Jared, ay nauna munang naipakita bago nagkaroon ng himala at kaalaman. Kinailangan niyang maniwala bago pa man magsalita ang Diyos. Kinailangan niyang kumilos bago pa man niya natiyak na makakaya niyang tapusin ang ipinapagawa sa kanya. Kinailangan niyang mangakong tatapusin niya ang gawain bago pa man niya ito simulan. Ang pananampalataya ay pagsang-ayon nang walang pasubali—at agad-agad—anuman ang kundisyong hingin ng Diyos ngayon o sa hinaharap” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 18–19).

  • Paano ninyo ibubuod ang paliwanag ni Elder Holland tungkol sa pananampalataya ng kapatid ni Jared?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga gawaing magagawa natin para maipakita ang ating pananampalataya sa Panginoon?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-aralan ang Eter 4:13–15 at tukuyin kung ano ang sinabi ni Moroni na dapat nating gawin para tumanggap ng kaalaman at paghahayag mula sa Espiritu.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pupunitin ang tabing na yaon ng kawalang-paniniwala”? Paano nauugnay ang paggawa nito sa proseso ng pagsampalataya? (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pupunitin ay sisirain o hahatiin sa dalawa at ang tabing ay tumutukoy sa isang bagay na tumatakip.)

  • Ano ang ipinayo ni Moroni na gawin natin upang “[mapunit] ang tabing na yaon ng kawalang-paniniwala”?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Hindi naghayag ng anuman ang Diyos kay Joseph, maliban sa ipapaalam Niya sa Labindalawa, at maging ang pinakaabang Banal ay malalaman ang lahat ng bagay ayon sa bilis ng kakayahan niyang unawain ito, sapagkat darating ang araw na hindi na kailangang sabihin pa ng tao sa kanyang kapwa, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat [Siya] … mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila [tingnan sa Jeremias 31:34]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 313).

  • Paano kayo matutulungan ng pahayag na ito ni Propetang Joseph Smith na maunawaan ang inyong potensyal na tumanggap ng paghahayag?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga pagsubok sa pananampalataya na nararanasan nila sa kasalukuyan, at sabihin sa kanila na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para mapalakas at magamit ang kanilang pananampalataya. Ibahagi ang iyong patotoo na ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng patunay sa katotohanan sa mga taong matapat na sumusunod sa Kanya kapag sila ay nanampalataya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante