Seminaries and Institutes
Lesson 6: Ang Aklat ni Mormon ay Isinulat para sa Ating Panahon


6

Ang Aklat ni Mormon ay Isinulat para sa Ating Panahon

Pambungad

Ang Aklat ni Mormon at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay bahagi ng “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” na ginawa ng Diyos sa mga huling araw (2 Nephi 25:17). Dahil ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo, mahalaga ang ginagampanan nito sa pagdaig sa apostasiya at pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo. Binibigyang-diin ng lesson na ito ang mga sagradong talaang ito na isinulat ng mga inspiradong manunulat na nakita ang ating panahon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 88–90.

  • “Punuin ang Daigdig at ang Ating Buhay ng Aklat ni Mormon,” kabanata 10 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 159–69.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 27:6, 29–30, 35; 3 Nephi 29:1–2; Moises 7:62; Joseph Smith—Kasaysayan 1:34

Ang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw

Ipaliwanag sa mga estudyante na nakatala sa Aklat ni Mormon ang mga propesiya na magkakaroon ng kasamaan at apostasiya sa mundo sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 27:1, 4–5). Nakatala rin sa Aklat ni Mormon ang solusyon ng Panginoon sa mga problemang ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 27:6, 29–30, 35 habang inaalam ng klase ang solusyon ng Panginoon.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang gagawin ng Panginoon sa mga huling araw upang mahadlangan ang kasamaan at apostasiya?

  • Paano nagbibigay ang Aklat ni Mormon ng solusyon sa kasamaan sa mga huling araw?

Sabihin sa mga estudyante na nagtala si Mormon ng isang propesiya tungkol sa karagdagang gagawin ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na mapag-aralan ang 3 Nephi 29:1–2 at alamin ang propesiyang iyon. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “ang mga salitang ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon.

  • Anong mahalagang gawain ang magsisimula sa paglabas ng Aklat ni Mormon? (Ang pagtitipon ng Israel.)

Ipaliwanag na inilarawan ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang mahalagang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Panunumbalik ng ebanghelyo at sa pagsisimula ng gawain ng Panginoon sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“[Ang Aklat ni Mormon] ay inilathala ilang araw lamang bago maorganisa ang Simbahan. Ang mga Banal ay binigyan ng Aklat ni Mormon na babasahin nila bago sila bigyan ng mga paghahayag na kinapapalooban ng mahahalagang doktrina tulad ng tatlong antas ng kaluwalhatian, selestiyal na kasal, o gawain para sa mga patay. Dumating ito bago maorganisa ang mga korum sa priesthood at ang Simbahan. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito kung gaano kahalaga sa Panginoon ang sagradong gawaing ito?” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4).

  • Sa inyong palagay, bakit nasundan ang paglabas ng Aklat ni Mormon ng maraming iba pang mahahalagang pangyayari ng Panunumbalik at napakahalaga sa gawain ng Panginoon na tipunin ang Israel at madaig ang kasamaan sa mga huling araw?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nilalaman ng Aklat ni Mormon.

  • Ano ang nilalaman ng Aklat ni Mormon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng pahayag ni Moroni na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng “kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo”?

Upang makatulong sa pagsagot ng tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson at ipabasa ito sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Ipinahayag mismo ng Panginoon na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng ‘kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo’ (D at T 20:9). Hindi ibig sabihin niyan na naglalaman ito ng lahat ng turo, lahat ng doktrina na ipinahayag. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At ang mga ito ay itinuturo nang malinaw at simple” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 153).

  • Ano ang ilan sa “mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan” na nakapaloob sa Aklat ni Mormon? (Kasama sa mga doktrinang ito ang Pagbabayad-sala, pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo.)

Ipaliwanag na itinuro ng Panginoon sa propetang si Enoc ang tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 7:62. (Maaari mong isulat sa pisara na ang tinutukoy sa “kabutihan ang [ipinadala] mula sa langit” ay ang mga paghahayag na naging dahilan ng Panunumbalik at ang tinutukoy sa “katotohanan ay [ipinadala] sa lupa” ay ang Aklat ni Mormon. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga kahulugang ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan o gumawa ng note sa kanilang mga electronic scripture.)

  • Ayon sa talatang ito, paano gagamitin ang Aklat ni Mormon sa mga huling araw? (Tutulong sa pagtitipon sa Simbahan ng mga hinirang ng Diyos mula sa apat na sulok ng mundo.)

  • Kailan ninyo nakita na nakatulong ang Aklat ni Mormon para maniwala ang isang tao sa ebanghelyo at sumapi sa Simbahan ng Panginoon?

  • Ano ang ilang paraan na “[mapapangyari natin na] umabot sa mundo” ang kabutihan at ang mensahe ng Aklat ni Mormon “gaya nang isang baha”?

Sabihin sa mga estudyante na mangakong gumawa ng isang bagay na magpupuno sa kanilang puso, sa kanilang tahanan, at sa mundo gaya ng isang “baha” ng mensahe ng Aklat ni Mormon sa darating na linggo.

3 Nephi 21:9–11

Mapaglalabanan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon ang oposisyon

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon nang ipinagtanggol nila ang Aklat ni Mormon o ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo laban sa oposisyon o sumasalungat dito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 21:9–11. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na tinukoy ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “tagapaglingkod” sa mga talatang ito ay si Propetang Joseph Smith (tingnan sa Christ and the New Covenant [1997], 287–88).

  • Paano naaakma si Propetang Joseph Smith sa paglalarawang matatagpuan sa mga talatang ito?

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ipapakita ng Tagapagligtas sa mga taong sumasalungat kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon sa mga huling araw? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang karunungan ng Diyos ay higit na dakila at nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo.)

  • Paano tumutulong ang Aklat ni Mormon na maipakita na “ang karunungan [ng Diyos] ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo”?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Sa [mahigit 180] taon ang aklat na ito ay sinuri at kinutya, itinatwa at pinag-aralan upang pabulaanan, tinuligsa at pinagwatak-watak na hindi pa ginawa marahil sa alinmang aklat sa kasaysayan ng relihiyon. At ito ay nananatili pa ring naririto. Ang mga bigo at kadalasang hangal na mga teoriya tungkol sa pinagmulan nito ay lumabas, inulit-ulit, at naglaho. … Wala ni isa man sa masasabing walang kabuluhang pahayag sa aklat ang nakapasa sa pagsubok dahil walang ibang pahayag maliban sa ibinigay ni Joseph, ang bata at di nakapag-aral na tagapagsalin nito. Dito’y sang-ayon ako sa aking lolo sa tuhod na nagsabing, ‘Walang masamang tao na makasusulat ng ganitong aklat, at walang mabuting lalaking makasusulat nito, maliban na ito ay tunay at inutusan siya ng Diyos na gawin ito’ (“Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 89).

  • Sa inyong palagay, bakit maraming oposisyon o pagsalungat sa Aklat ni Mormon?

  • Anong mga karanasan ang nagturo sa inyo na mapaglalabanan ng Aklat ni Mormon ang mga sumasalungat dito?

  • Ano ang nadama ninyo at ano ang natutuhan ninyo kapag tinuturuan ninyo ang ibang tao tungkol sa Aklat ni Mormon o ipinagtatanggol ang katotohanan nito?

Mormon 8:1–5, 26–35

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon

Ipaalala sa mga estudyante na nasaksihan ni Moroni ang pagkalipol ng kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mormon 8:1–5 at pag-isipan kung ano ang maaaring ipinagawa kay Moroni para maprotektahan ang mga laminang ginto.

  • Isipin kunwari na kayo si Moroni. Ano ang ilang dahilan kung bakit gugustuhin ninyong mabasa ng ibang tao ang inyong talaan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mormon 8:26–35, at alamin ang ipinropesiya ni Moroni tungkol sa mga kalagayan sa panahong ilalabas ang Aklat ni Mormon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Paano inilarawan ni Moroni ang panahon kapag ilalabas na ang Aklat ni Mormon? (Ito ay panahon ng apostasiya at kasamaan.)

  • Anong konklusyon ang maiisip ninyo batay sa talata 35? (Maaari mong ipaliwanag na bukod pa kay Moroni, ang iba pang mga propeta kabilang sina Nephi, Jacob, at Mormon ay nagpahayag na nagsusulat sila para sa mga henerasyong darating. Maaari mong ipa-cross-reference sa mga estudyante ang talata 35 sa 2 Nephi 25:21–22 at Mormon 7:1.)

  • Bakit mahalagang malaman na batid ni Moroni at ng iba pang manunulat ng Aklat ni Mormon ang mga problemang nararanasan natin ngayon? (Habang tinatalakay ninyo ang tanong na ito, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Ang mga turo sa Aklat ni Mormon ay napakahalaga sa atin ngayon dahil alam ng mga manunulat ang mga problemang mararansan natin.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang Aklat ni Mormon … ay isinulat para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasa kamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. Sumulat si Mormon noong malapit nang magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli niya ang mga talaan na maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin.

“Bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon. … Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?’” (Mga Turo: Ezra Taft Benson, 163).

  • Paano maaaring magpabago sa paraan ng pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon ang pag-alaala na isinulat ito para sa ating panahon?

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa kung paano sila nabigyan ng Aklat ni Mormon ng patnubay, lakas, mga sagot sa mga tanong, o solusyon sa mga problema.

Mga Babasahin ng mga Estudyante