Seminaries and Institutes
Lesson 13: Ang Tipan sa Binyag, ang Sabbath at ang Sakramento


13

Ang Tipan sa Binyag, ang Sabbath at ang Sakramento

Pambungad

Sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag, ang mga sumusunod kay Jesucristo ay nakikipagtipan na tataglayin nila ang Kanyang pangalan. Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante na itinuturo ng Aklat ni Mormon na dapat sama-samang nagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo sa araw ng Sabbath at tamasain ang sagradong pribilehiyo na tumanggap ng sakramento. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag at inaanyayahan na mapasaatin ang Espiritu Santo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • L. Tom Perry, “Ang Sabbath at ang Sakramento,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 6–9.

  • Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 129–32.

  • Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 17–20.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 18:8–10; 25:23–24

Taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo

Sabihin sa ilang estudyante na ilarawan ang isang mahalagang bagay na naaalala nila tungkol sa kanilang binyag—halimbawa, ang serbisyo sa binyag, ang mismong ordenansa, o naisip at nadama nila noon. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipan nang mabuti kung gaano nila katapat na natutupad ang kanilang mga tipan sa binyag.

Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni Alma ang tungkol sa tipan sa binyag sa mga Tubig ng Mormon, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 18:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang tipan na ipinangako nating tutuparin nang binyagan tayo.

Sa pisara, isulat ang sumusunod:

Nang binyagan tayo, nakipagtipan tayo na …

  • Ano ang tipan na ipinangako nating tutuparin nang binyagan tayo? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ilista ang kanilang mga sagot sa pisara para makumpleto ang pahayag na doktrina: Nang binyagan tayo, nakipagtipan tayo na papasanin ang mga pasanin ng isa’t isa, tatayo bilang mga saksi ng Diyos, paglilingkuran Siya, at susundin ang Kanyang mga kautusan.)

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng kasunod na talata sa pagpapaliwanag na matapos sumama si Alma at ang kanyang mga tao sa mga mananampalataya sa Zarahemla, si Alma ay nagtatag ng maraming kongregasyon ng mga mananampalataya. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 25:23–24, at sabihin sa klase na maghanap ng mga karadagang kaalaman tungkol sa ating tipan sa binyag. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Paano napagpala ang mga tao nang magpabinyag sila at sumapi sa Simbahan ng Diyos? (Tulungan ang mga estudyante na makita ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinaglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at namuhay nang matwid, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa atin.)

  • Nang namuhay kayo ayon sa inyong mga tipan sa binyag, paano naapektuhan ang inyong buhay nang ibuhos sa inyo ng Panginoon ang Espiritu?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano mapapalakas ng kanilang mga tipan sa binyag ang pangako nilang maging mga disipulo ni Jesucristo sa kanilang mga desisyon at kilos.

Exodo 31:13, 16–17; Mosias 18:17, 23–25; Moroni 6:4–6

Pagsamba sa araw ng Sabbath

Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay naglalarawan ng ilan sa mga paraan sa pagtupad ng tipan sa binyag ng mga miyembro ng Simbahan.

Sabihin sa kalahati ng mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 18:17, 23–25 at sa natitirang kalahati ang Moroni 6:4–6. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan ng mga ginagawa sa pagsamba na sinusunod ng mga disipulo ni Cristo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit madalas na nagtitipun-tipon ang mga miyembro? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag naging miyembro tayo ng Simbahan ni Cristo, iniuutos sa atin na igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat tayong madalas na nagtitipun-tipon upang mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mag-ayuno, magdasal, palakasin ang isa’t isa at tumanggap ng sakramento.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Karamihan sa mga tao ay hindi pumupunta sa simbahan para lamang alamin ang ilang bagong impormasyon sa ebanghelyo o makita ang mga dati nang kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Gusto nila, sa madaling salita, na mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).

  • Paano nakatutulong sa inyo ang pagtitipun-tipon kasama ang mga miyembro ng Simbahan sa araw ng Sabbath na madama ninyo na “[n]apalakas [kayo] ng mga kapangyarihan ng langit”?

  • Ano ang ginagawa ninyo sa Simbahan para mas mapalapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at masamba Sila nang mabuti?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung bakit iniutos sa mga miyembro ng Simbahan na igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal, sabihin sa kanila na basahin ang Exodo 31:13, 16–17 at i-cross-reference ito sa Mosias 18:23.

  • Ano ang kahulugan ng ang araw ng Sabbath ay “tanda” sa pagitan natin at sa Panginoon?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

“Paano natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat gawin at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 130).

  • Paano makatutulong sa ating sarili ang pagtatanong ng “Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?” para mapili natin ang mas mabuting gawin sa araw ng Sabbath?

  • Sa inyong palagay, paano nakakaapekto sa iba pang araw ng linggo ang inyong pagsisikap na panatilihing banal ang araw ng Sabbath?

Sabihin sa mga estudyante na suriin ang sarili nilang pagsisikap na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Sabihin sa kanila na pakaisipin kung ang kanilang iniisip at ginagawa ay nagpapakita ng tapat na pagsamba sa Ama sa araw na iyon. Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng isang mithiin na mas pagbutihin ang kanilang pagsamba sa araw ng Sabbath.

3 Nephi 18:1–11; 20:3–9; Moroni 4:3; 5:2

Pagtanggap ng sakramento

Sa pisara, isulat ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol (mula sa “Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 39):

“Ang pagtanggap ng sakramento ay nagbibigay sa atin ng sagradong sandali sa isang banal na lugar.” (Elder L. Tom Perry.)

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang ideyang ito na “sagradong sandali” at “isang banal na lugar” sa ating isipan at kilos kapag tumatanggap tayo ng sakramento?

Ipaalala sa mga estudyante na pinasimulan ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang sakramento nang dalawin Niya ang mga Nephita sa lupaing Masagana. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 18:1–11 habang inaalam ng klase kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa layunin ng sakramento.

  • Anong alituntunin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa layunin ng sakramento? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag tumatanggap tayo ng sakramento at laging inaalala si Jesucristo, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.)

  • Ano ang ginagawa ninyo upang maalaala ang Tagapagligtas habang tumatanggap ng sakramento at sa iba pang mga araw ng linggo?

Ipaalala sa mga estudyante na itinala ni Moroni ang mga salitang ginamit ng mga disipulo ni Jesucristo kapag nagbabasbas ng sakramento. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang mga panalangin para sa sakramento sa Moroni 4:3 at 5:2 at salungguhitan ang mga pariralang nauugnay sa alituntuning nakasulat sa pisara.

  • Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin “lagi siyang aalalahanin”? (Moroni 4:3; 5:2).

Ipaalala sa mga estudyante na noong dalawin ni Jesus ang mga Nephita sa araw matapos Niyang pasimulan ang sakramento, muli Niyang pinangasiwaan ang ordenansa sa kanila. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 20:3–9. Sabihin sa klase na alamin ang iba pang mga pagpapala na nagmumula sa pagtanggap ng sakramento.

  • Ano ang ibig sabihin ng ang ating kaluluwa “ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog”?

  • Sa paanong paraan natutugunan ng pagtanggap ng sakramento ang inyong espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw?

  • Paano maaaring makatulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento nang may pagpapakumbaba at pasasalamat para mas lagi nating maalaala ang Tagapagligtas sa buong linggo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang pag-uugali sa sacrament meeting habang binabasa nang malakas ng isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Sa sakrament miting—lalo na sa oras ng pagbibigay ng sakramento—kailangang ituon natin ang pansin sa pagsamba at iwasang gumawa pa ng iba lalo na ng mga pagkilos na makagagambala sa pagsamba ng iba. … Ang sacrament meeting ay hindi oras ng pagbabasa ng mga libro o magasin. Mga kabataan, hindi ito oras ng pabulong na pakikipag-usap sa cell phone o pagte-text sa mga taong nasa ibang lugar. Kapag tayo at tumatanggap ng sakramento, gumagawa tayo ng sagradong tipan na palagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas. Napakalungkot makita ang mga taong hayagang lumalabag sa tipang iyon sa mismong miting na pinaggagawaan nila ng tipang ito” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 18–19).

Habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante at ang mga pahiwatig ng Espiritu, maaari mong basahin ang Marcos 14:37 sa kanila at ipaliwanag na ang isang pagsasabuhay ng talatang ito ay isantabi natin ang lahat ng nakagagambala at bigyan ng buong pansin ang Panginoon tuwing Linggo kapag sumasamba tayo sa sacrament meeting.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para magkaroon ng mas sagradong karanasan kapag tumatanggap ng sakramento. Itanong kung mayroon sa kanila na gustong magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng araw ng Sabbath at ng sakramento. Ibahagi ang iyong patotoo na pagpapalain tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu kapag tinupad natin ang ating mga tipan sa binyag at nagsisikap na laging aalalahanin Siya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante