Seminaries and Institutes
Lesson 20: Pagpapalakas ng Ating Pananampalataya at Patotoo


20

Pagpapalakas ng Ating Pananampalataya at Patotoo

Pambungad

Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay ng lakas at espirituwal na proteksyon sa mga anak ng Diyos. Ang Aklat ni Mormon ay naglalarawan ng mga halimbawa ng mga asal at pag-uugali na maaaring humantong sa kawalan ng paniniwala ng mga tao. Nagbabala ang mga propeta sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga asal at pag-uugaling ito at nagturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapatibay at magpapalakas sa ating pananampalataya at patotoo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21.

  • L. Whitney Clayton, “Piliing Maniwala,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 36–39.

  • Larry S. Kacher, “Huwag Lapastanganin ang mga Bagay na Banal,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 104–6.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 1:10–11; 9:28; Mosias 2:36–37; 26:1–4; Alma 12:9–11; 31:8–11; 46:7–8; Helaman 4:11–13; 13:24–26; Mormon 9:7–8

Mga asal at pag-uugali na nagpapahina ng pananampalataya at patotoo

Ipakita ang sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito nang maikli:

  • Paano posibleng mawala ang pananampalataya at patotoo ng mga taong nakatamo ng mga pagpapala ng ebanghelyo?

Ipaalala sa mga estudyante na nagbabala ang propetang si Lehi na balang araw ay mawawalan ng pananampalataya ang kanyang mga inapo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 1:10–11, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang epekto kalaunan ng kawalan ng paniniwala ng mga inapo ni Lehi. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang pariralang “manghina sa kawalang-paniniwala” ay nangangahulugang manghina sa espirituwal dahil sa kawalan ng paniniwala.)

  • Ano ang naging epekto kalaunan ng kawalan ng paniniwala sa mga inapo ni Lehi?

Ipaliwanag na bagama’t maraming bagay ang naging sanhi ng pagkawasak ng sibilisasyon ng mga Nephita, ang pinakaugat ng pagbagsak ng mga Nephita ay ang kawalan nila ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Dahil dito, ang mga manunulat ng Aklat ni Mormon ay paulit-ulit na nagbabala tungkol sa mga asal at pag-uugali na nagpapahina ng pananampalataya sa Panginoon at patuloy na nagturo kung paano magkaroon at magpalakas ng patotoo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 26:1–4 at hikayatin ang klase na hanapin ang mga asal at pag-uugali na nagpahina sa pananampalataya ng ilang indibiduwal sa panahon ng pamumuno ni Haring Mosias.

Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng isang alituntunin na itinuro sa mga talatang ito tungkol sa mangyayari sa mga tao na pinipili ang hindi maniwala at kumilos ayon sa katotohanan. Isa sa mga alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod: Kapag pinipili ng mga tao na hindi maniwala at hindi kumilos ayon sa mga katotohanang itinuro sa kanila, nagiging matigas ang kanilang puso at hindi nila matatamo ang mga pagpapala ng pananampalataya at patotoo.

  • Kapag pinipili ng mga tao na hindi maniwala at kumilos ayon sa mga katotohanang itinuro sa kanila, bakit kaya nagiging matigas ang kanilang puso sa Espiritu?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga karagdagang asal at pag-uugali na maaaring humantong sa pagkawala ng pananampalataya at patotoo, isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage. Bigyan ang bawat estudyante ng isa o dalawang scripture passage na babasahin, at tiyakin na bawat scripture passage ay naibigay. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila at hanapin ang mga asal o pag-uugali na maaaring humantong sa pagkawala ng pananampalataya at patotoo ng mga tao.

2 Nephi 9:28

Mosias 2:36–37

Alma 12:9–11

Alma 31:8–11

Alma 46:7–8

Helaman 4:11–13

Helaman 13:24–26

Mormon 9:7–8

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga asal o pag-uugali na natukoy nila at ipaliwanag kung paano nagpapahina ang mga ito ng pananampalataya at patotoo. Ibuod sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa tabi ng kaugnay na mga scripture passage.

  • Alin sa mga asal o pag-uugaling ito ang sa palagay ninyo ay pinakamapanganib para sa mga young adult na miyembro ng Simbahan ngayon? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang asal o pag-uugali na nakalista sa pisara at ipaliwanag kung ano ang magagawa natin para maiwasan ang ganitong asal o pag-uugali.

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipang mabuti kung alin sa mga asal o pag-uugaling ito ang nagbanta sa kanilang sariling pananampalataya at patotoo at kung ano ang magagawa nila para mapalakas ang kanilang sarili.

2 Nephi 28:21–23; Mormon 5:16–18

Ang mga bunga ng pagkawala ng pananampalataya at patotoo

Ipaalala sa mga estudyante na noong pamunuan ng propetang si Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita, nakita niya ang kasamaan at kawalang-pag-asa ng kanyang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mormon 5:16–18, at alamin ang paglalarawan ni Mormon sa espirituwal na kalagayan ng kanyang mga tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mamuhay nang “walang Cristo at Diyos sa daigdig”?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga salita ni Mormon tungkol sa mga taong nawalan ng pananampalataya sa Panginoon at tumatangging magsisi? (Bagama’t maaari silang gumamit ng iba-ibang salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung hahayaan natin ang ating sarili na mawalan ng pananampalataya at hindi tayo magsisisi, ang Espiritu ay lalayo sa atin at mawawalan tayo ng patnubay ng Panginoon.)

  • Ayon sa talata 18, ano ang babala ni Mormon na mangyayari sa pagkawala ng patnubay ng Panginoon?

Ipaliwanag na itinuro ni Nephi na ang pagkawala ng Espiritu at pagiging bihag ng diyablo ay kadalasang dahan-dahan at unti-unti. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 28:21–23, at sabihin sa klase na tukuyin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa unti-unting pagkawala ng espirituwalidad.

  • Anong mga pag-uugali ang tinukoy ni Nephi na maaaring humantong sa pagkawala ng espirituwalidad ng isang tao?

  • Sa inyong palagay, bakit lalong mapanganib ang mga pag-uugaling ito sa ating pananampalataya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Kung paano ibinigay ang katotohanan nang taludtod sa taludtod at ang liwanag ay unti-unting nagliliwanag kapag sumusunod tayo, gayon din, kapag sumuway tayo, ang ating patotoo sa katotohanan ay naglalaho nang halos hindi natin namamalayan, nang unti-unti, at ang kadiliman ay dahan-dahang lumulukob kung kaya’t madali para mga palalo na ipagkaila na may nababago.

“Narinig ko ang tungkol sa isang palalong lalaki na unti-unting lumayo sa Simbahan. Sa simula huminto siya sa pagtuturo sa kanyang klase sa Sunday School, at pagkatapos ay hindi na dumalo sa mga miting ng Simbahan, at hindi na nagbayad ng ikapu paminsan-minsan. … Hindi niya nakita ang pagbabago sa kanyang sarili, ngunit nakita ko iyon. Ang ningning sa kanyang mga mata at maging ang liwanag sa kanyang mukha ay parang lumamlam. Hindi niya naramdaman, dahil tila ang isa sa mga epekto ng pagsuway sa Diyos ay ang pagiging manhid sa espirituwal at hindi namalayan na malayo na siya sa Diyos. Hindi lamang unti-unting nawawala ang kanyang patotoo sa katotohanan, kundi pati na ang mga bagay na alam niyang katotohanan ay nagsimulang maging kamangmangan sa kanya” (“A Life Founded in Light and Truth” [Brigham Young University devotional, Ago. 15, 2000], 3, speeches.byu.edu).

  • Sa inyong palagay, ano ang ilang indikasyon na nagsisimulang mawalan ng pananampalataya at patotoo ang isang tao?

1 Nephi 15:7–11; 2 Nephi 25:28–29; Mosias 4:11–12; 15:11; Helaman 15:7–8

Pagpapalakas ng pananampalataya at patotoo

Ipakita at ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Sa kalikasan, ang mga punong lumalaki sa mahanging kapaligiran ay mas matibay. Kapag hinahampas ng hangin ang batang puno, may mga puwersa sa loob ng puno na gumagawa ng dalawang bagay. Una, pinasisigla nito ang mga ugat para mas mabilis itong lumago at gumapang. Ikalawa, ang mga puwersa sa puno ay nagsisimulang lumikha ng selula na nagpapakapal sa katawan at mga sanga nito para mas makayanan ang lakas ng hangin. Ang mas matitibay na ugat at sangang ito ay pinoprotektahan ang puno mula sa mga hangin na siguradong babalik.

“Kayo ay lalong mas mahalaga sa Diyos kaysa sa isang puno. Kayo ay Kanyang anak na lalaki o babae. Ginawa Niyang malakas at matibay ang inyong espiritu laban sa mga pagsubok sa buhay. Ang mga buhawi sa inyong kabataan, tulad ng hanging humahampas sa isang batang puno, ay magpapaibayo sa inyong espirituwal na lakas, at inihahanda kayo sa darating na mga taon” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18).

  • Ano ang maaari nating gawin upang magtamo ng espirituwal na lakas at makayanan ang mga pagsubok sa ating pananampalataya at patotoo?

Ipaalala sa mga estudyante na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga alituntunin ng ebanghelyo na makagagabay sa mga tao na nagsisikap na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya at mas malakas na patotoo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 25:28–29 at ipaliwanag na ibinubuod ng mga talatang ito ang napakagandang sermon na ibinigay ni Nephi sa kanyang mga tao tungkol sa paraan kung paano maligtas. Sabihin sa mga miyembro ng klase na alamin ang itinuro ni Nephi na pinakamahalagang desisyon na gagawin natin sa ating buhay.

  • Ano ang itinuro ni Nephi na pinakamahalagang desisyon na gagawin natin sa ating buhay? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung pipiliin nating maniwala kay Jesucristo at sasambahin Siya nang ating buong kakayahan, pag-iisip, at lakas, mananatiling malakas ang ating espirituwalidad at hindi tayo itataboy.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu at ipabasa ito sa isang estudyante:

Larawan
Elder L. Whitney Clayton

“Ang mga propeta sa iba’t ibang panahon ay naghikayat at nanawagan pa na maniwala tayo kay Cristo. … Ang desisyong maniwala ang pinakamahalagang pagpiling ginagawa natin. Nakakaapekto ito sa lahat ng iba pa nating desisyon. …

“Ang paniniwala at patotoo at pananampalataya ay hindi mga alituntunin na wala ka nang gagawin. Hindi ito basta nangyayari sa atin. Ang paniniwala ay isang bagay na pinipili nating gawin—inaasam natin ito, pinagsisikapan natin ito, at nagsasakripisyo tayo para dito. Hindi tayo maniniwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ni mananalangin o magbabayad ng ikapu nang hindi sinasadya. Sadyang pinipili nating maniwala, tulad ng pagpili nating sundin ang iba pang mga kautusan” (“Piliing Maniwala,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 38).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang paniniwala at patotoo at pananampalataya ay hindi mga alituntunin na wala ka nang gagawin”?

  • Sa inyong palagay, bakit ang pagsisikap na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay pinakamainam na paraan para mapalakas ang ating pananampalataya at patotoo?

Upang matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang ilan sa mga paraan na magagawa natin para mapalakas ang ating pananampalataya at patotoo, isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage at sabihin sa bawat estudyante na basahin nang tahimik ang isa o higit pa sa mga ito. Sabihin sa kanila na alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa atin para mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

1 Nephi 15:7–11

Mosias 4:11–12

Mosias 15:11

Helaman 15:7–8

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga nalaman nila mula sa mga scripture passage na ito. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo kung paano nila maipamumuhay ang mga ito o ang iba pang mga alituntunin at paano lalong napalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang mga bagay na magpapalakas sa kanilang pananampalataya sa Panginoon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante