Seminaries and Institutes
Lesson 28: Lumapit kay Cristo


28

Lumapit Kay Cristo

Pambungad

Isa sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay anyayahan ang lahat ng tao na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32). Kapag nanampalataya tayo at “mananangan sa bawat mabuting bagay,” maaari tayong maging mga anak ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:19). Sa katapusan ng lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong magpatotoo kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na lumapit kay Cristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 88–90.

  • “Pamumuhay na Nakatuon kay Cristo,” kabanata 24 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 345–356.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 6:4; Jacob 1:7; Omni 1:26; 3 Nephi 9:13–14; Moroni 10:30, 32–33

Ang Aklat ni Mormon ay nag-aanyaya sa atin na lumapit kay Cristo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na inanyayahan nila ang isang tao na basahin ang Aklat ni Mormon.

  • Bakit inanyayahan ninyo ang taong ito na basahin ang Aklat ni Mormon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit pinag-aaralan nila ang Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na bagama’t maraming magagandang dahilan para basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon, ang aklat mismo ay naglalaman ng paulit-ulit na mensahe tungkol sa isa sa mga pinakamahalagang layunin nito.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference:

1 Nephi 6:4

Jacob 1:7

Omni 1:26

3 Nephi 9:13–14

Moroni 10:30

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang mga scripture passage, at hanapin ang paulit-ulit na tema na matatagpuan sa Aklat ni Mormon. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na i-cross reference ang mga scripture passage na ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano ang isang paulit-ulit na tema ng Aklat ni Mormon na matatagpuan sa mga talatang ito?

  • Ano ang ibig sabihin ng “lumapit kay Cristo”?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito na dapat nating gawin para lumapit kay Cristo? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod: “ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya,” mag-ayuno, manalangin, magtiis hanggang wakas, magsisi, magbalik-loob, at “manangan sa bawat mabuting kaloob.”)

  • Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng pariralang “ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa Kanya”?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo, ipakita at talakayin ang mga sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Elder Dennis B. Neuenschwander ng Pitumpu:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Kapag patuloy tayong nagdarasal sa umaga at sa gabi, nag-aaral ng ating mga banal na kasulatan araw-araw, nagkakaroon ng lingguhang family home evening, at dumadalo sa templo nang regular, tayo ay masigasig na tumutugon sa Kanyang paanyaya na ‘lumapit sa Kanya’” (Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 94).

Larawan
Elder Dennis B. Neuenschwander

“Pinatototohanan ko na makalalapit tayo kay Cristo at magiging ganap sa Kanya sa pamamagitan ng pakikibahagi natin nang karapat-dapat sa mga sagradong ordenansa na itinalaga ng Diyos at pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (Dennis B. Neuenschwander, “Ordinances and Covenants,” Ensign, Ago. 2001, 26).

Ipaliwanag na nakatala sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon ang payo ng propetang si Moroni tungkol sa paraan kung paano tayo lalapit kay Cristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:32–33 habang inaalam ng klase kung paano ginamit ang mga salitang “kung” at “kung magkagayon.” Sabihin sa mga estudyante kung ano ang itinuturo ng mga pahayag na ginamitan ng “kung-kung magkagayon” o ng mga pahayag na may sanhi at epekto tungkol sa kung paano tayo napagpapala ng biyaya ni Cristo. (Paunawa: Ang paghahanap sa mga pahayag na may “sanhi at epekto” ay tutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo pinagpapala ng biyaya ni Cristo kapag lumapit tayo sa Kanya? (Maaaring gumamit ng iba pang mga salita ang mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung lalapit tayo kay Jesucristo at pagkakaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan, tayo ay magiging perpekto, pinabanal, at gagawing banal sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Tingnan sa Alma 5:33–35.)

Upang mas mapalalim ang pagkaunawa ng mga estudyante sa alituntuning ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano tayo mapagpapala ng biyaya ng Panginoon.

Larawan
Elder Bruce C. Hafen

“Ang biyaya ng Panginoon, na matatamo dahil sa Pagbabayad-sala, ay gagawing perpekto ang ating mga kakulangan. ‘Sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.’ (Moroni 10:32.) Bagama’t kasama sa malaking bahagi ng proseso ng pagiging ganap o perpekto ang paglilinis mula sa karumihan ng kasalanan at kapaitan, mayroong karagdagan at nagpapalakas na aspeto kung saan matatamo natin ang katangiang tulad ng kay Cristo, magiging perpekto maging tulad ng Ama at ng Anak na perpekto. …

“Ang tagumpay ng Tagapagligtas ay hindi lamang nagbayad para sa ating mga kasalanan kundi pati na rin para sa ating mga kakulangan; hindi lamang para sa mga sinadyang pagkakamali kundi pati na rin para sa ating mga kasalanan na nagawa nang hindi sinasadya, mga pagkakamali sa pagpapasiya, at hindi maiiwasang kakulangan o kahinaan. Ang pinakamithiin natin ay hindi lamang ang mapatawad sa mga kasalanan—sinisikap nating maging banal, magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, maging isa sa kanya, maging tulad niya. Ang banal na biyaya lamang ang makatutulong sa atin na makamit ang mithiing iyan, kapag ginawa natin ang lahat ng ating magagawa” (The Broken Heart [1989], 16, 20).

  • Ayon kay Elder Hafen, sa paanong paraan tayo napagpapala ng biyaya ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nadama nila na nagsisikap sila na lumapit kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong kung hindi masyadong personal ang kanilang karanasan:

  • Noong panahong iyon, ano ang ginagawa ninyo para lumapit kay Cristo?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay dahil sinikap ninyong lumapit kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas lubos na mapalapit kay Cristo upang sila ay maging perpekto at mapabanal sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Hikayatin sila na sundin ang anumang espirituwal na pahiwatig na matatanggap nila.

Moroni 7:18–26

Manangan sa bawat mabuting bagay upang maging mga anak ni Cristo

Ipaalala sa mga estudyante na sa Moroni 7, itinala ng propetang si Moroni ang isang sermon na ibinigay ng kanyang ama na si Mormon, ilang taon na ang nakararaan. Sa sermon na ito, itinuro ni Mormon na malalaman natin kung ang isang bagay ay nagmula sa Diyos kung ito ay nag-aanyaya sa mga tao na gumawa ng mabuti, maniwala kay Jesucristo, at mahalin at paglingkuran ang Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang ipinagagawa sa atin ni Mormon.

  • Ayon sa talata 19, ano ang mangyayari sa atin kung gagamitin natin ang Liwanag ni Cristo upang makilala ang mabuti sa masama at pagkatapos ay “manangan sa bawat mabuting bagay”? (Tayo ay magiging mga anak ni Cristo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magiging mga anak ni Cristo? (Ipaliwanag na tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit at mga anak din ng ating mga magulang sa lupa. Ngunit, tulad ng itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith [1876–1972], si Jesucristo rin ay “naging ating Ama, ayon sa kahulugan ng salitang ito sa mga banal na kasulatan, dahil siya ang nagbibigay sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-salang ginawa niya para sa atin. [Tingnan sa Mosias 5:7.] … “Tayo ay naging mga anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan na sundin siya” [Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 1:29].)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:20 at alamin ang itinanong ni Mormon. Pagkatapos ay pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na pag-aralan ang Moroni 7:21–26, na inaalam kung ano ang ibinigay ng Panginoon na tutulong sa atin upang “makapanangan sa bawat mabuting bagay.” Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naisip nila, at isulat ang mga ito sa pisara. Maaaring kasama sa mga sagot ang paglilingkod ng mga anghel (talata 22), mga propeta (talata 23), mga banal na kasulatan (talata 25), pananampalataya (talata 25), at panalangin (talata 26).

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kahulugan ng pariralang “nanangan sa bawat mabuting bagay”? (Dapat nating hanapin ang lahat ng bagay na mabuti, lalo na ang mga bagay na humahantong sa pananampalataya kay Cristo at kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang pangalan.)

  • Anong mabubuting bagay ang dumating sa inyong buhay dahil sa isa sa mga bagay na nakalista sa pisara?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang mabuting bagay na masisimulan nilang gawin, o mas mapagbubuti pa, upang makalapit kay Cristo. Hikayatin silang magtakda ng isang mithiin na gagawin nila para matanganan ang mabuting bagay na iyon sa kanilang buhay.

Moroni 10:3–5

Ang pangako ni Moroni

Itaas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon at sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakatulong ang Aklat ni Mormon sa kanila na lumapit kay Cristo. Ipaliwanag na nagbigay ng paanyaya at pangako si Moroni sa lahat ng magbabasa at mag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:3–5.

  • Tulad ng nakatala sa talata 3, ano ang ipinayo ni Moroni na gawin natin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga halimbawa mula sa Aklat ni Mormon at mula sa sarili nilang buhay na nagpapakita “kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao.” Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga naisip.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa paanyaya at pangako ni Moroni sa mga talatang ito? (Kapag nagtanong tayo sa Diyos nang may tunay na layunin, nang may pananampalataya kay Cristo, kung totoo ang Aklat ni Mormon, tatanggap tayo ng patotoo sa katotohanan nito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magtanong sa Diyos “na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo”? (Ibig sabihin nito ay nananampalataya tayo na sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin at gagawin natin ang ayon sa mga sagot na ibinigay Niya sa atin.)

  • Paano nakatulong sa atin ang pag-aaral at pagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon sa paraang ito para lumapit kay Cristo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga karanasan nila sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagdarasal upang malaman kung totoo ito. Itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi ng patotoo sa klase tungkol sa Aklat ni Mormon, lalo na kung paano nakatulong sa kanila ang Aklat ni Mormon na lumapit kay Cristo. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na sundin ang mga sinabi ni Moroni upang magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon o mas mapalakas ang patotoo nila tungkol dito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante