Seminaries and Institutes
Lesson 11: Pagprotekta sa Ating Sarili Laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw


11

Pagprotekta sa Ating Sarili Laban sa mga Maling Doktrina sa mga Huling Araw

Pambungad

Bukod pa sa pagtuturo ng “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 20:9), ang Aklat ni Mormon ay nagpapatatag sa mga sumusunod kay Cristo laban sa mga maling turo at ideyang laganap sa mga huling araw. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paglalantad sa mga kaaway ni Cristo at pagtukoy sa mga maling doktrina na inilalahad nila. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga tala tungkol sa mga bulaang guro sa Aklat ni Mormon, matututuhan nilang mahiwatigan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ang mga maling konsepto ng mundo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Huwag Palinlang,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 43–46.

  • Dallin H. Oaks, “As He Thinketh in His Heart” (evening with Elder Dallin H. Oaks, Peb. 8, 2013), lds.org/broadcasts.

  • Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 28:3–9, 12–15; Jacob 7:1–12; Alma 1:2–6; 30:12–18, 39–44; Joseph Smith—Mateo 1:22

Pagtukoy sa mga maling doktrina at pagprotekta sa ating sarili laban sa mga ito

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang iba’t ibang opinyon na umiiral sa mundo tungkol sa mga isyung tulad ng sumusunod: mga katotohanang ibinigay ng Diyos versus moral relativism (ang paniniwala na walang lubos na tama o mali), kalayaang panrelihiyon versus mga karapatan ng mga special interest group (mga grupong hangad na impluwensyahan ang pamamalakad ng gobyerno para paboran ang isang partikular na interes o isyu), at karapatang magpalaglag ng bata (aborsiyon) versus karapatang mabuhay. Kapag tinalakay mo ang mga bagay na ito, isulat ang mga ito sa pisara. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante para talakayin kung bakit kailangang mag-ingat tayo sa pagtanggap ng mga ideya na tama.

Ipaliwanag na noong malapit nang magwakas ang Kanyang buhay, nagpropesiya si Jesucristo tungkol sa mga mapanganib na espirituwal na kalagayan na iiral sa mga huling araw. Ipabasa sa isang estudyante ang Joseph Smith—Mateo 1:22. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “mga hinirang alinsunod sa tipan” ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

  • Anong mga panganib ang ibinabanta ng mga “bulaang Cristo” at “bulaang propeta” sa ating panahon?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Ne. 3:12.) Pinatitibay nito ang mapagkumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. Ang uri ng mga nag-apostasiya sa Aklat ni Mormon ay katulad ng uring mayroon tayo ngayon. Ang Diyos, sa kanyang walang-hangganang kaalaman noon pa man, ay hinubog nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 132).

  • Ano ang itinuturo ng pahayag na ito tungkol sa kung paano tayo poproteksyunan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon laban sa mga maling turong ito? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang alituntunin ito: Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon at ipinamuhay ang mga turo nito, napapalakas tayo laban sa diyablo at mga maling turo at konsepto ng ating panahon.)

  • Ano ang kapakinabangan na alam ninyo ang mga estratehiya ni Satanas bago ninyo aktuwal na makaharap ang mga ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 28:3–9 habang inaalam ng klase ang mga maling ideya na sinabi ni Nephi na lalaganap sa ating panahon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mahahalagang salita at parirala. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila, at pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga maling ideyang ito sa ating makabagong panahon? (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang mga sumusunod: moral relativism; paniniwala na dahil malaki ang pagmamahal sa atin ng Diyos hindi Niya parurusahan ang nagkasala; at paninira sa mga Kristiyano, na madalas ituring na mga panatiko.)

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga maling turo na narinig na nila.

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagpapahayag na si Propetang Joseph Smith ay isang manlilinlang; hindi sila naniniwala na totoong nangyari ang Unang Pangitain. Sinasabi nila na ang Aklat ni Mormon at ang iba pang aklat ng mga banal na kasulatan ay hindi mga sinaunang tala o banal na kasulatan. Tinatangka rin nilang baguhin ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos, at hindi sila naniniwala na nagbigay at patuloy na nagbibigay ang Diyos ng paghahayag ngayon sa Kanyang mga propetang inordenan at sinang-ayunan. …

“Marahil ang pinakakasumpa-sumpa pa, ay ikinakaila nila na naganap ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Pagbabayad-sala ni Cristo, at iginigiit na walang Diyos na makapagliligtas sa atin. Hindi sila naniniwalang kailangan ang isang Tagapagligtas. Sa madaling salita, ang mga mapanirang ito ay nagtatangkang ibahin ang mga doktrina ng Simbahan upang umakma sa sarili nilang mga pananaw, at ang bunga nito ay itinatatwa ang Cristo at ang Kanyang tungkulin bilang Mesiyas.

“Ang mga bulaang propeta at mga bulaang guro ay nagtatangka rin na baguhin ang mga doktrinang ibinigay ng Diyos at nakabatay sa mga banal na kasulatan na nagpoprotekta sa kasagraduhan ng kasal, banal na katangian ng pamilya, at sa mahahalagang doktrina tungkol sa moralidad ng bawat indibiduwal. Hinihimok nila na bigyan ng ibang pagpapakahulugan ang moralidad upang pangatwiranan ang pangangalunya, pakikiapid, at mga relasyong homoseksuwal” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63–64).

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang 2 Nephi 28:12–15, at alamin ang ibubunga ng paniniwala sa mga maling turo.

  • Ano ang ilan sa mga ibubunga ng paniniwala sa mga maling turo at ideya?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares ng Panguluhan ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Ulisses Soares

“Huwag nating hayaang lituhin tayo ng popular na mga mensaheng madaling tinanggap ng mundo at salungat sa doktrina at mga tunay na alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Walang ibang kinakatawan ang marami sa mga makamundong mensaheng ito maliban sa pagtatangka ng ating lipunan na pangatwiranan ang kasalanan” (“Oo, Kaya at Mapagtatagumpayan Natin!” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 75).

  • Ano ang sinabi ni Elder Soares na layunin ng marami sa popular na mensahe na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang ito: Si Satanas ay gumagamit ng mga maling turo para matukso tayong gumawa ng kasalanan. Maaari mong ipabasa ang Alma 30:53 para sa karagdagang impormasyon tungkol sa katotohanang ito.)

Hatiin sa tatlong grupo ang klase. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na sripture passage, at i-assign ang bawat grupo sa isa sa mga scripture passage na ito para pag-aralan nila: Jacob 7:1–7; Alma 1:2–6; o Alma 30:12–18. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang ilan sa mga maling turo na itinuro nina Serem, Nehor, at Korihor at isulat ang mga ito sa pisara sa ilalim ng tamang heading.

Serem (Jacob 7:1–7)

Nehor (Alma 1:2–6)

Korihor (Alma 30:12–18)

  • Paano ninyo nakita na nakaapekto sa mga miyembro ngayon ang mga maling turo o ideya gaya ng mga yaong nakalista sa pisara?

Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang Jacob 7:5, 8–12 at Alma 30:39–44 para makita kung ano ang nagpatatag kina Jacob at Alma laban sa mga maling turo nina Serem at Korihor. (Paalala: Ang paghahambing o pagkukumpara ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang pagpansin sa pagkakatulad “ng mga turo, tao, o pangyayari ay lalong magbibigay-diin sa mga katotohanan ng ebanghelyo” [Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion (2012), 22].)

  • Ano ang nagpatatag kina Jacob at Alma laban sa mga maling turo? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod: mga nakaraang espirituwal na karanasan, kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan, kaalamang natamo mula sa Espiritu Santo, at patotoo kay Cristo.)

  • Ano ang isang alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa mga sagot nina Jacob at Alma sa mga maling turong ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning ito: Kapag nagtiwala tayo sa ating patotoo tungkol kay Cristo at hiningi ang patnubay ng Espiritu Santo, madaraig natin ang mga hamon sa ating pananampalataya.)

  • Paano kayo napalakas ng inyong patotoo laban sa mga maling turo o pangungutya sa inyong mga paniniwala?

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang ginagawa nila upang protektahan ang kanilang sarili mula sa mga maling turo na maaaring magpahina sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

2 Nephi 26:29; 3 Nephi 18:24; 27:27

Mahiwatigan ang mga panganib ng huwad na pagkasaserdote

Sabihin sa mga estudyante na ang ilang espirituwal na panganib sa Simbahan ay nagmumula mismo sa mga miyembro ng Simbahan. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang 2 Nephi 26:29 habang inaalam ng klase ang espirituwal na panganib na inilarawan ni Nephi.

  • Ayon sa scripture passage na ito, ano ang mga huwad na pagkasaserdote? (Kapag nangangaral ng ebanghelyo ang mga tao para sa pansariling katanyagan o kayamanan sa halip na para sa kapakanan ng mga anak ng Diyos.)

  • Sa anong mga paraan nakagagawa ang mga huwad na pagkasaserdote ng mga espirituwal na panganib para sa mga miyembro ng Simbahan?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Mag-ingat tayo sa mga bulaang propeta at bulaang guro, kapwa mga lalaki at mga babae, na itinalaga ang kanilang sarili na tagapaghayag ng mga doktrina ng Simbahan at hangad na ipalaganap ang kanilang huwad na ebanghelyo at mapaniwala ang iba sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga pulong, lathalain, aklat, at pahayagan na kumukuwestiyon sa mga doktrina ng Simbahan. Mag-ingat sa mga taong nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at patuloy na binabago ang paniniwala ng iba nang walang malasakit sa pangwalang-hanggang kapakanan ng mga taong kanilang hinihimok” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63).

  • Paano ninyo mapoprotektahan ang inyong sarili at ang iba pa mula sa mga huwad na pagkasaserdote?

  • Paano ninyo ipagtatanggol ang mga doktrina ng Simbahan kapag nagsasalita ang iba laban sa mga propeta ng Diyos sa mga huling araw?

Sabihin sa mga estudyante na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo kung paano dapat magturo at impluwensyahan ng mga taong kumakatawan sa Kanya ang ibang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 18:24 at 3 Nephi 27:27, at alamin kung paano naiiba ang tunay na paglilingkod ayon sa ebanghelyo mula sa huwad na pagkasaserdote.

  • Paano naiiba ang mga hangarin at ginagawa ng mga matwid na titser at lider sa mga hangarin at ginagawa ng mga yaong nagkakasala ng huwad na pagkasaserdote? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Hangad ng mga disipulo ni Jesucristo na paglingkuran at pagpalain ang iba sa pamamagitan ng pagtuturo ng tungkol sa Kanya at pagdadala sa kanila sa Kanya.)

Moroni 7:12–17; Eter 4:11–12

Mahiwatigan ang katotohanan at ang mali

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na kinuwestiyon o tinuligsa ng isang tao ang kanilang mga paniniwala. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na maikling ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:12–17 at Eter 4:11–12 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase, na inaalam kung paano mahihiwatigan kung ang isang bagay ay mula sa Panginoon o mula sa diyablo.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa scripture passage na ito tungkol sa kung paano natin masasabi kung ang isang bagay ay mabuti o masama? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos ay nag-aanyaya sa atin na gumawa ng mabuti, maniwala kay Jesucristo, at mahalin at paglingkuran ang Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Magbibigay ako ng tatlong maikling gabay para hindi malinlang. …

“1. Ano ang nakasaad sa mga aklat ng mga banal na kasulatan tungkol dito? …

“2. Ang pangalawang gabay ay: ano ang sinasabi ng mga Pangulo ng Simbahan sa mga huling araw tungkol sa paksa—lalo na ng buhay na Pangulo? …

“3. Ang pangatlo at huli ay ang Espiritu Santo—ang paggabay ng Espiritu. … Ang gabay na ito ay lubos na magiging epektibo kung ang nakikipag-ugnayan sa Diyos ay dalisay at banal at malinis mula sa kasalanan” (sa Conference Report, Okt. 1963, 16–17).

Sa pagtapos sa lesson na ito, sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila mas magagamit nang husto ang mga banal na kasulatan, ang mga salita ng mga propeta, at ang Espiritu Santo para matukoy ang mga maling turo at hindi malinlang. Maaari mo silang hikayatin na pag-aralan nang mas detalyado ang Jacob 7, Alma 1, at Alma 30 at pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang mga kabanatang ito upang mas mahiwatigan ang katotohanan at ang mali.

Mga Babasahin ng mga Estudyante