Seminaries and Institutes
Lesson 14: Ang Kapangyarihang Magligtas ng Diyos


14

Ang Kapangyarihang Magligtas ng Diyos

Pambungad

Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming tala tungkol sa mga indibiduwal at lipunan na nakaranas ng pagkaalipin sa ilang uri nito. Marami sa mga tala na ito ay nagpapakita na si Jesucristo ang Dakilang Tagapagligtas at ang pinagmumulan ng tulong kapag tila imposibleng makatakas o makaligtas. Kapag napapalapit tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapakumbaba, at panalangin, nagiging mas handa tayo sa espirituwal para magsumamo at matanggap ang kapangyarihang magligtas ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • L. Tom Perry, “Ang Kapangyarihang Magligtas,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 94–97.

  • Dallin H. Oaks, “Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 6–9.

  • David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 87–90.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 1:20; Alma 36:1–3, 27–29

Ang Diyos ay may kapangyarihang magkaloob ng kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan humanga sila sa katapangan at lakas ng isang tao na hinarap ang matitinding pagsubok o paghihirap. Sabihin sa kanila na maikling ibahagi ang napansin nila.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang 1 Nephi 1:1, at alamin kung ano ang sinabi ni Nephi tungkol sa mga paghihirap na naranasan niya sa kanyang buhay.

  • Paano ibinuod ni Nephi ang kanyang naramdaman matapos maranasan ang “maraming paghihirap”?

  • Sa inyong palagay, bakit makadarama pa rin ang isang tao ng “labis na pagpapala ng Panginoon” bagama’t dumaranas siya ng matinding pagsubok o paghihirap?

Sabihin sa mga estudyante na i-cross-reference ang 1 Nephi 1:1 sa 1 Nephi 1:20 at maghanap ng isang dahilan kung bakit sinabi ni Nephi na nadama niya ang “labis na pagpapala ng Panginoon.”

  • Anong alituntunin sa talatang ito ang maaaring makatulong sa isang tao na makadama ng pag-asa kapag dumaranas siya ng matinding mga pagsubok o paghihirap? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng awa at pagliligtas ng Diyos.)

Ipaliwanag na ang pariralang “ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo” ay nagpapahiwatig na nais ni Nephi na itala ang mga halimbawa ng kapangyarihang magligtas ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang 1 Nephi kabanata 1–8 at 16–18, at maghanap ng mga halimbawa mula sa buhay ni Nephi na nagpapakita ng kapangyarihang magligtas ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na maikling ibahagi ang mga halimbawang nahanap nila. Kung nahihirapan ang mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa, maaari mong ipabasa sa kanila ang isa o higit pa sa mga sumusunod na scripture passage: 1 Nephi 3:23–31; 4:1–18; 7:16–19; 8:7–12; 16:10, 18–31, 36–39; 17:48–55; at 18:1–3, 11–21.

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder L. Tom Perry

“Marami sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa pagliligtas. Ang paglisan ni Lehi patungo sa ilang kasama ang kanyang pamilya ay tungkol sa kaligtasan mula sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang kuwento ng mga Jaredita ay kuwento ng kaligtasan, gayon din ang kuwento ng mga Mulekita. Si Nakababatang Alma ay nailigtas mula sa kasalanan. Ang mga kabataang mandirigma ni Helaman ay nakaligtas sa digmaan. Sina Nephi at Lehi ay iniligtas mula sa bilangguan. Ang tema ng pagliligtas ay makikita sa buong Aklat ni Mormon” (“Ang Kapangyarihang Magligtas,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 94).

Bilang halimbawa ng espirituwal na kaligtasan, ipaliwanag na inilarawan ni Alma ang kanyang kaligtasan mula sa kasalanan sa kanyang anak na si Helaman. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Alma 36:1–3, at sa isa pang estudyante ang Alma 36:27–29 (pansinin na ang Alma 5:1–12 ay naglalaman ng gayon ding payo). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at maghanap ng mga ideya na maaaring makatulong sa isang tao na dumaranas ng matinding paghihirap o problema.

  • Anong mga ideya ang nahanap ninyo sa mga scripture passage na ito na maaaring makatulong sa isang tao na dumaranas ng mga paghihirap sa pisikal o espirituwal?

  • Anong mga uri ng pisikal o espirituwal na pagkaalipin ang dinaranas ng mga tao ngayon? (Kasama sa mga halimbawa ang mahinang pangangatawan, pagkalulong sa droga at pornograpiya, kahirapan, pang-aabuso, diskriminasyon, kasalanan, kawalan ng paniniwala, at paghihimagsik.)

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Pinaglalabanan ba ninyo ang pagkalulong—sa sigarilyo o droga o sugal, o mapanirang salot na pornograpiya sa kasalukuyan? May problema ba kayong mag-asawa o nanganganib ang inyong anak? Nalilito ba kayo sa inyong pagkatao o naghahangad ng pagpapahalaga sa sarili? Kayo ba—o isang mahal ninyo—ay maysakit o malungkot o malapit nang mamatay? Anumang iba pang hakbang ang kailangan ninyong gawin para lutasin ang mga ito, lumapit muna sa ebanghelyo ni Jeuscristo. Magtiwala sa mga pangako ng langit. Ang patotoo ni Alma ay siya ring aking patotoo tungkol dito: ‘Nalalaman ko,’ sabi niya, ‘na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap’ [Alma 36:3]” (“Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 70).

  • Ano ang sinabi ni Elder Holland na tutulong sa atin na simulang lutasin ang mga problema at pagsubok natin?

1 Nephi 6:4; Mosias 21:2–5, 14–16; 23:23–24; 24:13–15, 21; Alma 34:9; Helaman 5:9

Si Jesucristo ang pinagmumulan ng kaligtasan

Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng iba’t ibang dahilan kung bakit kaya nahihikayat ang isang awtor na magsulat ng aklat. (Halimbawa, maaring gusto ng isang awtor na magkuwento, magbahagi ng kaalaman tungkol sa isang paksa, o kumita.) Matapos makapagbahagi ang ilang estudyante ng kanilang mga ideya sa klase, sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 1 Nephi 6:4, at maghanap ng isa sa mga dahilan kung bakit nahikayat si Nephi na magsulat.

  • Ano ang layuning sinabi ng propetang si Nephi sa pagsusulat ng kanyang talaan? (Gusto niyang hikayatin ang mga tao na lumapit sa Diyos at maligtas.)

Magpatotoo sa mga estudyante na ang kapangyarihan ng Diyos ay ang kapangyarihang magligtas.

Kopyahin ang sumusunod sa pisara, at ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga scripture passage na ito ay naglalarawan sa mga taong nangangailangan ng kaligtasan:

Mga tao ni Limhi

Mga tao ni Alma

Lahat ng tao

Mosias 21:2–5, 14–16

Mosias 23:23–24; 24:21

Alma 34:9; Helaman 5:9

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang mga scripture passage na nasa pisara, at alamin ang itinuturo ng bawat scripture passage tungkol sa pinagmumulan ng kaligtasan mula sa mga problema at paghihirap.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga scripture passage na ito tungkol sa pinagmumulan ng kaligtasan? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay may kapangyarihang iligtas tayo mula sa ating ligaw at nahulog na kalagayan at mula sa iba pang mga hamon sa buhay na ito.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Nais kong patotohanan ang kapangyarihang magligtas ng Diyos. Sa ilang pangyayari sa ating buhay kailangan nating lahat ang kapangyarihang iyan. Bawat taong nabubuhay ay nasa gitna ng isang pagsubok. … Dalawang bagay ang magiging pareho sa ating lahat. Bahagi ang mga ito ng plano para sa mortal na buhay na ito.

“Una, ang mga pagsubok kung minsan ay sasagarin tayo para maramdaman natin na kakailanganin natin ng tulong na higit pa sa ating sariling lakas at kakayahan. At, pangalawa, ang Diyos sa Kanyang kabutihan at karunungan ay ginawang posible para sa atin na makamtan ang kaligtasan” (“The Power of Deliverance” [Brigham Young University devotional, Ene. 15, 2008], 1; speeches.byu.edu).

  • Kailan kayo nakatanggap ng “tulong na higit pa sa [inyong] sariling lakas at kakayahan?

Kung may oras pa, maaari mong ipabasa ang tala tungkol sa mga tao ni Alma sa Mosias 24:13–15 upang maipaliwanag na ang pagliligtas ng Diyos ay hindi laging nangangahulugan na aalisin ang ating mga pasanin; sa halip, karaniwang inililigtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating kakayahan na mabata ang ating mga pasanin. Kailangan sa mga sitwasyong ito ang pagtitiyaga at pagtitiis, tulad ng kapag ang mga problemang pangkalusugan ay nagpatuloy sa buong buhay ng isang tao. Ang kaligtasan ay dumarating sa sariling paraan ng Diyos at ayon sa Kanyang panahon.

Mosias 7:33; 29:20; Alma 58:10–11; 3 Nephi 4:33

Pagtamo ng kaligtasan

Magpatotoo na mayroong pag-asa para sa bawat isa sa atin kapag natagpuan natin ang ating sarili sa mga sitwasyong tila imposibleng makatakas o makaligtas. Ipaalala sa mga estudyante na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa paraan kung paano matatamo ang pagliligtas ng Tagapagligtas.

Ilista sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. (Huwag isama ang impormasyon na nasa mga panaklong, na inilaan para sa paggamit lamang ng titser.) Sabihin sa mga estudyante na basahin ang bawat scripture passage, at hanapin ang mga gawaing tutulong sa atin na matamo ang pagliligtas ng Tagapagligtas.

Mosias 7:33 (Bumaling sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, magtiwala sa Kanya, masigasig na maglingkod sa Kanya)

Mosias 29:20 (Maging mapagpakumbaba, taimtim na magsumamo sa Diyos)

Alma 58:10–11 (Ibuhos ang kaluluwa sa panalangin, umasa na maliligtas)

3 Nephi 4:33 (Magsisi, magpakumbaba)

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi at talakayin ang anumang gawaing natukoy nila, at isiulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag bumaling tayo sa Diyos nang may buong layunin ng puso at nanalangin na tulungan Niya tayo, nagsisisi at nagpapakumbaba, matatamo natin ang Kanyang pagliligtas.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Laging nais ng Panginoon na akayin tayo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng ating pagiging higit na mabuti. Nangangailangan iyan ng pagsisisi. At kinakailangan diyan ang pagpapakumbaba. Kaya’t palaging kailangan ang pagpapakumbaba sa landas patungong kaligtasan nang sa gayon ay maakay tayo ng Panginoon kung saan Niya tayo nais dalhin upang makayanan natin ang ating mga paghihirap at makasulong sa pagpapakabanal” (“The Power of Deliverance” [Brigham Young University devotional, Ene. 15, 2008], 4; speeches.byu.edu).

  • Paano nakatutulong ang pagsisisi, pagpapakumbaba, at panalangin para matamo ang pagliligtas ng Panginoon?

  • Kailan kayo bumaling sa Panginoon o ang isang taong kilala ninyo para maligtas at natanggap ito? Paano naragdagan ng karanasang ito ang inyong pagtitiwala kay Jesucristo?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naranasan nila ang kapangyarihang magligtas ng Panginoon sa kanilang buhay. Hikayatin sila na itala ang kanilang mga karanasan upang maalala nila sa hinaharap. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasang hindi napakasagrado o napakapersonal.

Mga Babasahin ng mga Estudyante