2013
Ang Aking Paanyaya Tungo sa Kaligtasan
Abril 2013


Paano Ko Nalaman

Ang Aking Paanyaya Tungo sa Kaligtasan

Larawan

Paglalarawan ni Roger Motzkus

Noong binata pa ako, maraming relihiyon akong binisita at nalito ako dahil bawat isa ay nagtuturo ng ibang interpretasyon ng mga banal na kasulatan. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa kawalang-pitagan sa ilan sa mga ito, kaya tumigil ako sa paghahanap ng simbahang dadaluhan.

Makalipas ang ilang taon isang kaibigan ko, si Cleiton Lima, ang nabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi niya ito binanggit sa akin kahit mabuti kaming magkaibigan, ngunit sa paglipas ng panahon, nakakita ako ng mga pagbabago sa kanya. Tuwing Linggo karaniwan ay nagpupunta ako sa bahay niya sa umaga para makapaglaro kami ng football, pero lagi siyang wala sa bahay. Nangyari ito nang dalawa o tatlong Linggong sunud-sunod. Sa huli ay sinabi sa akin ni Cleiton na hindi na siya makapaglalaro ng football tuwing Linggo dahil iginagalang niya ang araw ng Panginoon. Sabi ko sa kanya, “Nababaliw ka sa simbahang ito.”

Pagkatapos ay niyaya ako ni Cleiton na magsimba. Nagdahilan ako kasi tinatabangan pa ako noon sa relihiyon. Sa loob ng 10 buwan, nagsama ng mga missionary si Cleiton para turuan ako, pero lagi kong idinadahilan o sinasabi sa kanila na napakarami kong ginagawa. Pero hindi siya sumuko.

Isang araw ng Hunyo, niyaya niya akong dumalo sa isang sayawan sa Simbahan. Tinukso ko siya, “Libre ba ang pagkain at marami bang babae roon?” Nakatawang sinabi niyang, oo!

Inaamin ko na nadaig ako ng katakawan. Binisita ko ang simbahan at nagustuhan ko iyon. Binati ako ng lahat, marami akong kinain, at naging interesado akong dumalo sa isang pulong. Pagdating ko sa simbahan sa araw ng Linggo, marami akong nakilala at narinig ko ang patotoo nila. Hindi ako pamilyar sa Aklat ni Mormon, pero dama ko ang Espiritu ng Panginoon nang magpatotoo ang iba’t ibang miyembro ng Simbahan na, “Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na ito ang Simbahan ni Jesucristo, at si Joseph Smith ay isang propetang tinawag ng Diyos.” Noon lang gumanda nang husto ang pakiramdam ko. Ayaw ko pa ring makipag-usap sa mga missionary, pero naantig ako sa testimony meeting na iyon.

Nang sumunod na linggo, muli akong niyaya ni Cleiton na magsimba. Hindi ako nakasama dahil may iba pa akong obligasyon. Nakita ko ang kalungkutan sa kanyang mukha nang sabihin kong hindi ko alam kung makakasama ako.

Gayunman, pagsapit ng Linggo ng umaga nagising ako na may hangaring magsimba. Gumising ako nang alas-6:50, na mahirap para sa akin, at naghanda at naghintay sa pagdating ni Cleiton. Nagulat siya nang makita niyang bihis na ako at naghihintay. Nang Linggong iyon nagturo ang bishop tungkol sa priesthood. Nadama ko na napakalakas ng Espiritu at naisip ko na dapat akong makinig sa pagtuturo ng mga missionary. Pagkatapos ng Young Men meeting, nalaman ko na magpapabinyag ako.

Nang matapos ang simba, sinabi ko kay Cleiton, “Gusto kong magpabinyag!”

Akala niya nagbibiro ako. Pero sinabi niya pagkatapos, “Kung tatawagin ko ang mga elder, kakausapin mo ba sila?” Sumagot ako ng oo.

Tinuruan ako ng magagaling na elder. Nang marinig ko ang mensahe ng Panunumbalik, lalo kong natiyak na dapat akong magpabinyag. Pero gusto kong malaman sa sarili ko ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Minarkahan ng mga elder ang Moroni 10:3–5 sa aking Aklat ni Mormon at inanyayahan akong manalangin at magtanong sa Diyos kung ito ay totoo.

Nang sumunod na gabi naalala ko na hindi ko pa pala nababasa ang Aklat ni Mormon. Nang magsimula akong magbasa, nadama ko nang napakalakas ang espiritu. Nanalangin ako, at bago ako natapos, nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nagpapasalamat ako na sinagot ng Diyos ang aking panalangin. Nabinyagan ako noong Hulyo 2006.

Kalaunan ay naglingkod ako bilang missionary sa Brazil Cuiabá Mission, at ang kaibigan kong si Cleiton ay naglingkod sa Brazil Santa Maria Mission. Ginawa namin ang ginawa ni Cleiton para sa akin: anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo at tulungan silang tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo. Totoong ito ang daan tungo sa kaligtasan.

Lagi nating anyayahan ang ating mga kaibigan at kamag-anak na pag-aralan ang ebanghelyong ito, sapagkat inanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat nang sabihin Niyang, “Magsiparito sa akin” (Mateo 11:28). Alam ko na ito ang Simbahan ni Jesucristo at na panahon na upang anyayahan ang lahat na lumapit sa Kanya.