2013
Nabighani sa Templo
Abril 2013


Nabighani sa Templo

Larawan
Elder Jairo Mazzagardi

Para sa maraming mabubuting tao, ang templo ang pumupukaw ng damdamin na kaagad tumitimo sa puso.

Bago ako tinawag bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu, kaming mag-asawa ay naglingkod nang ilang taon sa Campinas at São Paulo Brazil Temple. Sa kapwa mga templong ito, palagi akong humahanga sa pagkabighani ng mga taong dumaraan malapit sa templo na tumitigil pa sila, pumapasok, at nagtatanong tungkol dito.

Pagpasok nila, sinasabihan namin sila na hanggang doon na lang sila kung walang wastong paghahanda. Pagkatapos ay ipinapaliwanag namin ang layunin ng templo, nagbabahagi ng ilang pangunahing doktrina ng ebanghelyo, at inaanyayahan silang makipagkita sa mga missionary. Para sa maraming mabubuting tao, ang templo mismo ay isang magaling na missionary dahil nadarama rito ang damdamin na kaagad tumitimo sa puso.

Alam namin unang-una ng asawa kong si Elizabeth ang kapangyarihan ng gayong damdamin. Halos 40 taon na ang nakalipas, isang mabuting kaibigan at kasamahan, miyembro ng Simbahan, ang nagsimulang magbanggit tungkol sa ebanghelyo sa aming pag-uusap. May ilang pagkakataon na ipinadala niya ang mga missionary para bisitahin kami. Nagustuhan namin ang mga missionary at pumayag na maturuan, pero hindi kami talaga interesado noon sa ituturo nila.

Nagbago iyan noong Oktubre 1978, nang imbitahin ng kasamahan ko ang ilang kaibigan, pati na kami, papunta sa São Paulo Brazil Temple open house. Siya ang gumastos sa pag-arkila ng ilang bus para makasama niya ang kanyang mga kaibigan sa templo, na mga 50 milya (80 km) ang layo.

Nang pumasok na si Elizabeth sa baptistry, may nadama siya na noon lang niya naranasan, na kalaunan ay nakilala niyang ang Espiritu Santo. Nakadama siya ng malaking kaligayahan sa kanyang puso. Nalaman niya nang sandaling iyon na ang Simbahan ay totoo at, na iyon ang Simbahan na gusto niyang aniban.

Ganoon din ang nadama ko pagkatapos ng open house, nang samahan kami papunta sa sealing room at itinuro ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya. Naantig ako sa doktrina. Tagumpay ako sa aking propesyon, pero matagal ko nang nadarama ang kahungkagan sa aking kaluluwa. Hindi ko alam kung ano ang makapupuno sa kahungkagang iyon, pero nahiwatigan ko na may kinalaman ito sa pamilya. Doon, sa sealing room, nagsimulang maging maayos ang mga bagay sa puso at isipan ko.

Sa loob ng ilang araw, muli kaming kinontak ng mga missionary. Sa pagkakataong ito talagang interesado na kaming marinig ang kanilang mensahe.

Hinikayat kami ng mga elder na manalangin nang taimtim tungkol sa katotohanan. Nagpasiya ako na ito lamang ang paraan upang makapagdasal ako. Nalaman ko na hindi ako makakapangakong sasapi sa Simbahan kung wala akong tunay na patotoo. Sabik akong lumapit sa Ama sa Langit para humingi ng patunay mula sa Kanya, at kaakibat nito, natitiyak kong sasagutin Niya ako. Idinulog ko sa Kanya ang marubdob na hangarin ng puso ko at hiniling na bigyan Niya ako ng sagot na magbibigay sa akin ng katiyakan na tama ang gagawin kong pagsapi sa Simbahan.

Nang sumunod na linggo sa Sunday School, ang kaibigan namin na nag-imbita sa amin sa temple open house ay nakaupo sa likuran ko. Humilig siya palapit at nagsimulang makipag-usap sa akin. Ang mga sinabi niya ang eksaktong ipinagdasal ko na malaman. Wala akong alinlangan na kinakausap ako ng Ama sa Langit sa pamamagitan niya. Noon ay matapang at matigas ang puso ko, pero lumambot ang puso ko at nagsimula akong tumangis. Nang matapos ang kaibigan ko, inimbita niya kami ng asawa ko na magpabinyag. Tinanggap namin ito.

Noong Oktubre 31, 1978, wala pang isang buwan matapos ang aming karanasan sa São Paulo Temple, kami ay nabinyagan at nakumpirma. Nang sumunod na araw nakilahok kami sa ikalawang sesyon ng paglalaan ng São Paulo Brazil Temple. Makalipas ang isang taon bumalik kami sa templo kasama ang aming dalawang anak na lalaki para mabuklod bilang isang pamilya. Lahat ng tatlong pagkakataon ay magaganda at di malilimutang mga karanasan. Patuloy naming ninanamnam ang damdaming iyon sa regular na pagsamba sa templo sa paglipas ng mga taon.

Dalawampu’t walong taon matapos ang araw ng aming binyag, muli kaming tumuntong ng asawa ko sa São Paulo Brazil Temple. Katatawag lang sa akin bilang temple president. Napakagandang karanasan para sa amin ang lumakad sa loob ng bahay ng Panginoon at muling madama ang masarap na pakiramdam na pinagmulan ng aming pagbabalik-loob.

Ang templo ay patuloy na nagdudulot ng malaking kaligayahan sa aming mag-asawa. Kapag may nakikita kaming mga bagong mag-asawa na pumapasok sa templo upang mabuklod bilang walang-hanggang pamilya, nakadarama kami ng malaking pag-asa.

Maraming tao sa buong mundo ang handang marinig ang mensahe ng ebanghelyo. Nakadarama sila ng pagkauhaw na katulad ng nadama ko mahigit 30 taon na ang nakalilipas. Ang templo at mga ordenansa nito ay napakabisa para mapawi ang pagkauhaw na iyon at mapunan ang kahungkagan nito.

Larawang kuha ni Laureni Fochetto