2013
Nagkaroon ng Problema ang Aking Eroplano
Abril 2013


Nagkaroon ng Problema ang Aking Eroplano

Craig Willie, Utah, USA

Isang gabi habang minamaneho ko ang aking eroplano na puno ng pasahero papunta sa runway, nadama kong may problema ang aircraft steering system. Para malaman kung totoo ang espirituwal na impresyon na nadama ko, umalis ako sa taxiway at ilang beses na umikot nang 360-degrees. Parang wala nang diperensya.

Naisip ko, “Dapat ba akong lumipad na at ihatid ang mga pasahero sa kanilang patutunguhan sa takdang oras, o dapat ba akong bumalik sa gate?” Alam ko na kapag bumalik ako ay matatagalan kami. Ang taxiway ay isang direksyon lang; kailangan kong hintayin ang ground control para bigyan ako ng puwang na makadaan pasalungat sa daloy ng mga eroplano. Tapos ay kailangan naming hintayin ang maintenance crew para matingnan ang eroplano. Ang pagkaantala ay maaaring magdulot ng mga problema sa airline at sa mga pasahero na may kakatagpuing mga tao at may mga connecting flight. Naisip ko rin kung paano ang magiging reaksyon ng maintenance department sa report ko na may problema ang eroplano samantalang pakiramdam ko lang iyon.

Bilang kapitan ng eroplano, pananagutan ko ang aming kaligtasan, kaya nagdesisyon akong sundin ang nadama kong impresyon at bumalik.

Pagdating namin sa gate, sinabi ko sa mekaniko na nadama kong may problema ang eroplano pero hindi ko alam kung ano ito. Hindi siya naniwala na mayroong problema.

“Baka dahil basa lang ang daanan,” sabi niya. “Siguro dumudulas ka lang sa aspaltong daan.” Gayunman, pumayag siyang tingnan ang steering gear sa nose wheel. Matapos itong tingnan, sinabi niyang pababain ko ang mga pasahero para masubukan niyang paandarin ang eroplano.

Pagbalik niya makalipas ang 30 minuto, nag-alala siyang mabuti. Habang pinaaandar niya ito, may narinig siyang tunog na may nagkikiskisan. Nang gamitin niya ang preno nang paikot na siya pabalik sa gate, nawalan siya ng kontrol sa eroplano at muntik na itong lumabas sa taxiway.

Sa masusing pagsusuri napag-alaman na ang preno ay sumailalim sa hindi wastong maintenance sa nakaraang gabi. Kung nailapag ko ang eroplano pagkatapos naming lumipad, hindi sana gumana ang preno, at nawalan sana ako ng kontrol sa eroplano.

Nabigyan ako ng isa pang eroplano para paliparin, at inihatid ko nang ligtas ang aking mga pasahero sa kanilang destinasyon na naantala nang tatlong oras.

Natutuwa ako na pinakinggan ko ang mga bulong ng Espiritu. Alam kong gagabayan tayo ng Espiritu kung hihingin natin ang patnubay ng Panginoon at makikinig sa mga paramdam na dumarating.