2013
Nasisiyahan sa Buhay
Abril 2013


Nasisiyahan sa Buhay

Karen Rockwood, Idaho, USA

Minsan binabasa ko ang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kahit narinig at nabasa ko na ang mensaheng ito, isang kataga ang umagaw sa aking pansin at nanatili sa aking isipan.

Makaraan ang ilang oras ang anak kong lalaki, na nakatira sa isang apartment kasama ang kanyang mga kaibigan, ay dumating para dumalaw. Nakapaglingkod na siya sa full-time mission at nakailang semestre na sa kolehiyo. Hindi niya matiyak kung ano talaga ang kursong kukunin niya. Dahil nakadama siya ng pagkabigo at nadama na sa ngayon ay nasasayang ang panahon at pera niya sa pag-aaral, huminto siya sa pag-aaral at nagtrabaho muna.

Sinabi niya sa akin na iminungkahi ng isa sa mga kaibigan niya na magpunta sila sa isla sa Bahamas o sa Caribbean, magtrabaho, at magsaya sa loob ng ilang buwan. Nasabik ang anak ko tungkol sa mungkahing iyon. Madali kong nakita kung gaano kaakit-akit sa isang binata ang ganito kalayang buhay.

Noon pumasok sa isip ko ang magandang mensahe ni Elder Scott. Dinampot ko ang Ensign at binasa ito sa aking anak: “Narito ka sa lupa para sa isang banal na layunin. Hindi ito para maglibang nang walang katapusan o palaging maghanap ng kasiyahan. Narito ka para subukan, para patunayan ang iyong sarili upang matanggap mo ang dagdag na mga pagpapalang laan ng Diyos para sa iyo. Kailangan dito ang pasensya o tiyaga” (“Finding Joy in Life,” Ensign, Mayo 1996, 25).

Walang kibong kinuha ng anak ko ang magasin, lumakad palayo, at binasa ang buong mensahe. Kalaunan ang sinabi lang niya ay hindi na siya magpupunta sa isla.

Dumating ang panahon na pumasok siya sa police academy, isang landas na naging daan para makilala niya ang mapapangasawa niya. Ikinasal sila sa Mesa Arizona Temple at ngayon ay mayroong tatlong magagandang anak. Noong 2010 natapos ng anak ko ang kanyang bachelor’s degree at talagang “nasisiyahan sa buhay.”

Ang inisip na paglalakbay ng anak ko ay maaaring naging magandang karanasan; sa kabilang banda, maaari ding nalagay siya sa espirituwal na panganib. Sa tuwing maiisip ko ang karanasang ito, naaantig ng Espiritu ang puso ko.

Nagpapasalamat ako sa mga salita ng mga propeta at ipinadama sa aking muling banggitin ang isang mensaheng nakatulong para makapagbigay ako ng patnubay. Nagpapasalamat din ako sa aking anak na nakinig sa isang sugo ng Panginoon at hinayaang maimpluwensyahan siya ng Espiritu. Alam ko na maraming pagpapala at magigiliw na biyaya ang dumarating kapag pinakikinggan at sinusunod natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga lingkod.