2013
Pag-inom mula sa Bukal
Abril 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pag-inom mula sa Bukal

Si Jesucristo ang bukal ng tubig na buhay.

Kapag pinag-uusapan natin ang ganda ng mga templo, karaniwan ay binabanggit natin ang mga taluktok, bintana, at mural. Mapitagan nating pinag-uusapan ang mga bautismuhan, endowment room, sealing room, at celestial room.

Ngunit kapag inilaan ng isang propeta ang isang templo sa Panginoon, inilalaan niya ang buong gusali, hindi lamang ang magagandang bahaging napapansin ng lahat. Sa panalangin ng paglalaan para sa Kansas City Missouri Temple, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Inilalaan namin ang lupang kinatitirikan ng templong ito. Inilalaan namin ang bawat bahagi ng magandang gusaling ito, mula sa mga tuntungang hindi nakikita hanggang sa maharlikang estatuwa ni Moroni na nasa ibabaw ng pinakamataas na bahagi nito.”1 Nang sambitin ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang panalangin ng paglalaan sa Ogden Utah Temple, inilaan niya “ang mga pundasyon, dingding, sahig, kisame, tore, at lahat ng bahagi ng gusali,” at ipinagdasal niya na protektahan ang “lahat ng mekanismo, ang mga ilaw, ang bentilasyon at mga elevator, at lahat ng bagay ukol sa gusaling ito.”2

Nagpapasalamat ako na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na ilaan ang bawat bahagi ng bawat templo. Bagaman malinaw na ang isang bisagra sa pintuan o nakakabit na ilaw ay di-kasinghalaga ng altar sa sealing room, ang di-gaanong mahahalagang pirasong ito ay nag-aambag sa pinakamahalaga at nagpapadakilang layunin ng templo.

Isa sa di-gaanong mahahalagang pirasong ito ang nakapagturo sa akin ng walang-hanggang aral. Nasa Salt Lake Temple ako isang araw, at naghahandang lumabas ng silid-bihisan matapos makibahagi sa isang ordenansa para sa mga patay. Nang mapansin ko ang isang drinking fountain, natanto ko na nauuhaw ako, kaya yumuko ako para uminom. Pumasok sa isipan ko ang isang mensahe:

Iniinom mo ang tubig na ito sa templo, pero talaga bang iniinom mo ang tubig na buhay na matatamo rito?

Hindi iyon isang marahas na paghatol—isang magiliw na pangaral at tagos-sa-kaluluwang tanong lamang iyon.

Ang sagot ko sa tanong na iyon ay hindi. Hindi ako lubos na umiinom ng tubig na buhay sa templo. Inaamin ko na iba ang iniisip ko nang tumanggap ako ng mga ordenansa para sa mga patay. Bagaman mabuti ang isinagawa ko para sa mga taong nangangailangan ng tulong ko, hindi ko tinulutan ang aking sarili na matanggap ang lahat ng tulong na kailangan ko.

Ngayon, tuwing pupunta ako sa templo, naghahanap ako ng drinking fountain at tumitigil ako para uminom. Tinatanong ko sa sarili kung gaano karami ang iniinom ko mula sa bukal ng tubig na buhay. Ang sagot ko: Hindi pa sapat. At nadaragdagan pa ang uhaw ko.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, sa “Kansas City Missouri Temple: ‘Beacon of Divine Light’—an Offering of Hands and Hearts,” Church News, Mayo 12, 2012, ldschurchnews.com.

  2. Joseph Fielding Smith, sa “Ogden Temple Dedicatory Prayer,” Ensign, Mar. 1972, 12.

Larawan © iStockphoto.com/Amphotora