2013
Pagtulong sa mga Bata na Maghanda para sa Binyag
Abril 2013


Pagtulong sa mga Bata na Maghanda para sa Binyag

Ang pagkabata ay panahon ng maraming masasayang unang pangyayari. Ang unang pagsakay ng bisikleta, pagpasok sa eskuwela, o pagtikim sa bagong pagkain ay ilan sa nakasasabik na mga bagay na humuhubog sa buhay ng isang bata. Bilang matatanda may pagkakataon tayong tulungan ang mga bata sa landas ng pagtuklas. Bilang matatanda sa Simbahan, may pagkakataon din tayong tulungan silang umunlad sa ebanghelyo (tingnan sa D at T 68:25). Ano ang maaari nating gawin upang matiyak na ang binyag ng isang bata—ang unang tipan na ginagawa ng isang tao sa ating mapagmahal na Ama sa Langit—ay maganda at makabuluhang pangyayari?

“Pangunahing layunin ng Simbahang ito na turuan ang kabataan: una sa tahanan at pagkatapos sa simbahan,” itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer.1

Sa kasunod na mga halimbawa, ibinabahagi ng mga magulang kung paano nila inihanda ang kanilang mga anak para sa mga sagradong ordenansa at tipan ng binyag at kumpirmasyon.

Maaga Kaming Nagsisimula

“Ang pagtuntong ng bawat bata sa edad na pitong taon ay panahon para magdiwang,” sabi ni Lori, na may apat na anak. Itinuturo nilang mag-asawa sa kanilang mga anak ang tungkol sa binyag mula sa araw na isilang sila. Gayunman, kapag pitong taong gulang na ang bawat bata, sinisimulan ng kanilang pamilya ang mas detalyadong paghahanda. Nagdaraos sila ng family home evening lesson bawat buwan tungkol sa iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa binyag, tulad ng mga tipan at halimbawa ni Jesus.

Sabi ni Lori ang mga lesson sa buwan ng ikawalong kaarawan ng mga bata ay lalong magiliw. Ipinakikita niya sa mga bata ang damit na isinuot nila noong bigyan sila ng pangalan at basbas, at ikinukuwento niya ang tungkol sa araw nang isagawa ang ordenansang iyon.

“Napakagandang panahon nito para ituon ang pansin sa mga pagpapalang hatid ng mga tipan sa templo,” ang sabi ni Lori. “Palagi naming itinuturo na ang desisyon na magpabinyag ang unang hakbang sa paghahanda para sa mga pagpapala ng templo.”

Ginagawa Namin Itong Pampamilya

Inirerekomenda ni Monica, na may apat na anak, na isali ang mas nakatatandang mga anak sa pagtulong sa nakababatang mga kapatid sa paghahanda hangga’t maaari. “Ang marinig ang kanilang kuya o ate na nagpapatotoo at nagbabahagi ng kanyang karanasan ay may dagdag na bisa,” sabi niya. Idinagdag pa ni Lori na kung minsan ay hinihiling nila sa mga batang naghahanda para sa binyag na ituro ang natutuhan nila sa nakababata nilang mga kapatid.

Ginagamit Namin Ito Bilang Kasangkapan ng Missionary

Nang walong taong gulang na ang anak na babae ni Daniel, alam niyang gugustuhin niyang makasama sa araw ng kanyang binyag ang mga kaibigan na hindi mga miyembro ng Simbahan. Kaya nagpasiya ang kanilang pamilya na magpadala ng mga imbitasyon para sa binyag ni Allison sa mga kaibigan sa eskuwelahan at sa mga kapitbahay. Hinilingan ang mga kaibigan na ito na magdala sa binyag ng mga paboritong talata sa Biblia. Pagkatapos ng binyag, ginuhitan ni Allison ang mga talata sa kanyang bagong banal na kasulatan at isinulat ang mga pangalan ng kanyang mga kaibigan sa mardyin.

“Siyempre, bilang kanyang pamilya, marami kaming ginawa nang araw na iyon. Pero hinayaan naming makasama niya sandali ang mga kaibigan pagkatapos ng binyag at makipag-usap sa kanila tungkol sa nadama niya,” sabi ni Daniel. “Ang sarap talaga ng pakiramdam na makita ang anak namin na nagpapakita ng halimbawa.”

Pinapraktis Namin ang Interbyu ng Bishop

Naaalala ni Kimberly, na may mga anak na malapit nang binyagan, ang pagpunta sa opisina ng bishop para sa kanyang interbyu sa binyag noong siya ay walong taong gulang. “Kabang-kaba ako noon!” sabi ni Kimberly.

Ngayon sinisikap niyang tiyakin na hindi matataranta ang kanyang mga anak. Kinakausap nilang mag-asawa ang kanilang mga anak tungkol sa interbyu ng bishop at tinatanong sila tungkol sa binyag na parang iniinterbyu na sila. Sa pamamagitan nito hindi lang nagiging pamilyar ang mga bata sa proseso ng interbyu—hinihikayat din nito ang mga bata na mag-isip nang malalim tungkol sa kahulugan sa kanila ng tipan ng binyag.

Napakaganda ng Aming Pagkakataon

Agad itinuturo ng mga magulang na ito na hindi labis ang kanilang ginawa sa paghahanda ng kanilang mga anak para sa binyag at kumpirmasyon, ngunit ginamit ng marami sa kanila ang mga salitang tulad ng “puspusan” at “palagian” para ilarawan ang mga lesson na itinuro nila sa nakalipas na mga taon. “Sinigurado naming nauunawaan ng mga anak namin na mahalagang hakbang ito sa kanilang buhay, at importante ito,” sabi ni Kimberly. “Tiniyak namin palagi na kami ang naghahanda sa kanila, at hindi umaasa lamang na tinuturuan sila ng kanilang mga guro sa Primary.”

Napakaganda ng pagkakataong ibinigay sa amin para tulungang maghanda ang minamahal naming mga anak sa binyag at kumpirmasyon! Habang mapanalangin nating ginagawa ito, makakasama natin ang Panginoon sa paghubog ng unang paggawa na ito ng tipan para maging mabisang pundasyon ito sa kanilang espirituwal na pag-unlad balang-araw.

Tala

  1. Boyd K. Packer, “Turuan ang mga Bata,” Liahona, Mayo 2000, 16.

Mga paglalarawan nina John Luke, Craig Dimond, at Cody Bell