2013
Mga Tipan sa Templo
Abril 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Mga Tipan sa Templo

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Larawan
Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

“Ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang-araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap,”1 sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. Kung hindi ka pa nakapunta sa templo, maaari kang maghanda para matanggap ang mga sagradong ordenansa sa templo sa pamamagitan ng:

  • Paniniwala sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo.

  • Pagkakaroon ng patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

  • Pagtataguyod at pagsunod sa buhay na propeta.

  • Pagiging karapat-dapat sa temple recommend sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu, pagkakaroon ng malinis na pagkatao, pagiging tapat, pagsunod sa Word of Wisdom, at pamumuhay nang naaayon sa mga itinuturo ng Simbahan.

  • Pag-uukol ng panahon, mga talento, at kabuhayan upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.

  • Pakikibahagi sa gawain sa family history.2

Itinuro pa ni Pangulong Monson na, “Sa pag-alaala natin sa mga tipang ginawa natin sa loob [ng templo], mas mapagtitiisan natin ang bawat pagsubok at madaraig ang bawat tukso.”3

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 14:7; 25:13; 109:22

Mula sa Ating Kasaysayan

“Mahigit 5,000 mga Banal ang dumagsa sa Nauvoo Temple matapos itong ilaan. …

“Ang lakas, kapangyarihan, at mga pagpapala ng tipan sa templo ang [nagpalakas] sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang paglalakbay [pakanluran], [nang dumanas] sila ng lamig, init, gutom, kahirapan, karamdaman, sakuna, at kamatayan.”4

Tulad ng maraming kapatid sa Relief Society, si Sarah Rich ay naglingkod bilang temple worker. Ikinuwento niya ang kanyang karanasan: “Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin ng impluwensya at tulong ng Espiritu ng Panginoon sa templong iyon, ang paglalakbay namin siguro ay parang paghakbang ng isang tao sa kadiliman. … Ngunit sumampalataya kami sa ating Ama sa Langit, … nadaramang kami ay Kanyang piling mga tao … , at sa halip na malungkot, nagalak kami sa pagdating ng araw ng aming kaligtasan.”5

Para sa matatapat na kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang paglalakbay ay hindi isang “paghakbang sa kadiliman.” Pinalakas sila ng kanilang mga tipan sa templo.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 93.

  2. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 23.

  3. Thomas S. Monson, Liahona, Mayo 2011, 93.

  4. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 35.

  5. Sarah Rich, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 36.

Ang Dulo ng Parley Street, ni Glen S. Hopkinson, hindi maaaring kopyahin