2013
Mga Tanong at mga Sagot Tungkol sa Templo
Abril 2013


Mga Tanong at mga Sagot Tungkol sa Templo

Bakit tayo may mga templo?

Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga banal na lugar kung saan tayo natututo ng mga walang-hanggang katotohanan at nakikibahagi sa mga sagradong ordenansa.

Ano ang hitsura ng loob ng templo?

Ang templo ay isang mapayapa, mapitagan, at magandang lugar. Lahat ng nasa loob ng templo ay malinis at maayos. Lahat ay nakadamit ng puti at mahinang magsalita.

Ano ang nangyayari sa mga templo?

Maaaring ibuklod ang isang babae sa kanyang asawa, at ang mga bata sa kanilang mga magulang. Ginagawang posible ng pagbubuklod na ito na magkasama-sama nang walang hanggan ang mga pamilya. Sa templo, ang mga lalaki at babae ay tumatanggap din ng kaloob na espirituwal na mga pagpapala na tinatawag na endowment. Matatanggap din nila ang endowment at mabubuklod sa mga taong namatay na hindi nakagawa ng mga tipan sa templo.

Ano pa ang nangyayari sa mga templo?

Maliban sa pagbubuklod at endowment, may iba pang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo. Ang mga tao ay maaaring binyagan at kumpirmahan para sa mga taong hindi nakasapi sa Simbahan noong nabubuhay pa sila. Kapag sumapit kayo sa 12 taong gulang at karapat-dapat kayong pumasok sa templo, maaari kayong magkaroon ng pagkakataong magpabinyag at makumpirma para sa mga namatay na hindi nakarinig sa ebanghelyo.

Paano kung hindi pa nakapunta sa templo ang pamilya ko?

Kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit, pati na ang inyong pamilya. Nais Niyang matanggap ng lahat ang mga pagpapala ng mga ordenansa sa templo. Maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Magtakda ng mithiin ngayon na tatanggapin ninyo ang endowment at ikakasal kayo sa templo balang-araw. Pagpapalain kayo ng inyong Ama sa Langit, pati na ang inyong pamilya.

Paglalarawan ni Brad Teare