Kumilos para sa Ating Sarili: Ang Kaloob at Pagpapala ng Kalayaang Pumili
    Mga Footnote
    Theme

    Kumilos para sa Ating Sarili: Ang Kaloob at Pagpapala ng Kalayaang Pumili

    Ang kalayaang ginamit sa tama ang nagtutulot na pawiin ng liwanag ang kadiliman at mabuhay tayo sa galak at kaligayahan.

    Nagpapasalamat ako sa patotoo ng ating propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley. Sa ngalan ng lahat ng miyembro sa buong mundo, nagpapasalamat ako na pinili niyang sundin ang inspirasyon ng Panginoon at pinagbasa tayo ng Aklat ni Mormon. Pinagpala tayong mabuti ng kanyang inspiradong payo.

    Pinili rin ni Amang Lehi, ang unang propetang nakatala sa Aklat ni Mormon, na sundin ang Panginoon. Inutusan siyang “ipagsama ang kanyang mag-anak at lumisan patungo sa ilang.”1 Kahit mahirap ang paglalakbay at pabulung-bulong sina Laman at Lemuel, inakay ni Lehi ang kanyang pamilya sa lupang pangako. Pero hindi iyon mapayapang lugar. Nang gamitin nina Laman at Lemuel ang kanilang kalayaan sa pagsuway sa Panginoon, ang “puso [ni Lehi] ay … [bumigat] sa kalungkutan.”2 Bago pumanaw, tinipon ni Lehi ang kanyang mga anak sa kanyang paligid, binasbasan sila, at pinayuhan.3 Hinimok niya ang mga rebelde niyang anak na magsisi at manalig: “Gumising, mga anak ko… . Iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa inyo.”4 At sa kanyang matwid na anak na si Jacob ay nag-iwan siya ng isang napakahalagang aral.

    Kung makapag-iiwan tayo ng isang napakahalagang aral sa ating mga anak at apo, ano kaya iyon? Sa lahat ng maluwalhating alituntunin ng ebanghelyo, piniling ituro ni Lehi sa kanyang anak ang plano ng kaligtasan—at ang kalayaang pumili.

    Itinuro niya na “ang tao ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama.”5 Sa langit nagsimula ang sagradong turong ito. Doon, sa Malaking Kapulungan, itutuloy ng ating Ama sa Langit ang kaloob na kalayaan upang subukin tayo rito sa mortalidad, “upang makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon [nating] Diyos.”6

    Ngunit tumutol si Satanas sa Diyos at sa Kanyang plano, at sinabing: “Aking tutubusin ang buong sangkatauhan, … kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.”7 “Dahil dito, sapagkat … si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, … aking pinapangyaring siya ay mapalayas.”8 “At, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya.”9 Tunay na ginamit ng “ikatlong bahagi ng hukbo ng langit”10 ang kanilang kalayaan upang tanggihan ang plano ng Diyos.

    Ikaw at ako ay kabilang sa mga gumamit ng kanilang kalayaan para tanggapin ang plano ng Ama sa Langit na bumaba sa lupa, maging mortal, umunlad. “Humiyaw tayo sa galak … na magkaroon ng pagkakataong bumaba sa lupa upang tumanggap ng katawan, [dahil alam natin] na kung tayo’y mananalig, makakatulad natin ang ating Amang Diyos.”11

    Ngayo’y narito na tayo sa daigdig, na sagana sa mga pagkakataong gamitin ang ating kalayaan; sapagkat dito “may pagsalungat sa lahat ng bagay.”12 Mahalaga ang pagsalungat na ito sa layunin ng ating buhay. Gaya ng paliwanag ni Lehi, “Upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao, … ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.”13

    Sina Adan at Eva ang una sa mga anak ng Diyos na dumanas ng mga tuksong ito. Sa hangad na malungkot ang buong sangkatauhan, tinukso ni Satanas, “ang ama ng lahat ng kasinungalingan,”14 sina Adan at Eva. Dahil pinili nilang kainin ang “ipinagbabawal na bungang-kahoy sila ay itinaboy palabas ng halamanan ng Eden, upang magbungkal ng lupa.”15 Dahil doon, “nagkaroon [din sila] ng mga anak; … maging ang mag-anak ng buong mundo,”16 at ang buhay na ito “ay naging kalagayan ng pagsubok”17 sa kanila at sa kanilang mga inapo. Sapagkat “masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay,” sabi ni Lehi kay Jacob. “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”18

    Kung minsa’y nalilimutan natin na hangad ng ating Ama sa Langit na magalak tayo. Tanging sa pagpapatangay sa tukso at sa kasalanan tayo hindi magagalak. At iyan mismo ang gusto ni Satanas na gawin natin.

    Minsa’y nagkaroon ako ng pagkakataong samahan si Pangulong Spencer W. Kimball sa malayong lupain. Inilibot kami sa iba’t ibang dako sa lugar, pati na sa mga nitso sa ilalim ng lupa—mga libingan ng mga taong pinagmalupitan ng mga panatikong Kristiyano. Pag-akyat namin sa madidilim at makikipot na hagdan sa lugar na iyon, tinuruan ako ni Pangulong Kimball ng aral na di-malilimutan. Hinila niya ang laylayan ng amerikana ko at sinabing, “Nababahala ako sa tuwina sa paggamit ng kalaban sa pangalan ng ating Tagapagligtas.” At sinabi niyang, “Robert, hindi magagalak ang kalaban kailanman maliban kung kapwa tayo magkasala.”

    Nang mapagmuni-muni ko ang pahayag na ito at mapag-aralan ang mga banal na kasulatan, naunawaan ko rin ang ibig sabihin ni Pangulong Kimball. Naalala ko ang sinabi ng Panginoon sa lahat ng naninirahan sa daigdig na nakatala sa Aklat ni Mormon: “Sa aba, sa aba, sa aba sa mga taong ito; sa aba sa mga naninirahan sa buong mundo maliban kung sila ay magsisisi; sapagkat ang diyablo ay humahalakhak, at ang kanyang mga anghel ay nagsasaya, dahil sa mga napatay sa kaaya-ayang mga anak na lalaki’t babae ng aking mga tao.”19 Mga kasalanan natin ang nagpapatawa sa dimonyo, mga kalungkutan natin ang nagpapagalak sa kanya.

    Kahit tumatawa ang dimonyo, limitado ang kanyang kapangyarihan. Maaaring maalala ng ilan ang kasabihang: “Itinulak ako ng dimonyo.” Ngayon nais kong iparating, sa malilinaw na kataga, na hindi tayo mapipilit ng kalaban. Nariyan siya talaga sa ating pintuan, sabi nga sa mga banal na kasulatan, at sinusundan tayo bawat araw.20 Tuwing lalabas tayo, tuwing magdedesisyon, pinipili nating sundin siya o ang ating Tagapagligtas. Ngunit dapat umalis ang kalaban kapag pinalayas natin siya. Hindi niya tayo maiimpluwensyahan maliban kung papayagan natin siya, at alam niya iyon! Maaapektuhan lang niya ang ating isipan at katawan—ang espiritu natin mismo—kapag pinayagan natin siya. Sa madaling salita, hindi natin kailangang patukso sa dimonyo!

    May dahilan kaya tayo binigyan ng kalayaan, binigyan ng mga pagpapala ng priesthood, at binigyan ng Liwanag ni Cristo at ng Espiritu Santo. Iyon ay para sa ating pag-unlad at kaligayahan sa mundong ito at sa buhay na walang hanggan sa hinaharap. Ngayon ang tanong ko, natanggap ba natin ang Espiritung yaon? Sinusunod ba natin ang tuwid at makipot na landas patungo sa Diyos at sa buhay na walang hanggan? Nakakapit ba tayo sa gabay na bakal, o iba ang ating landas? Pinatototohanan ko na ang ating pagpili ng daramhin at iisipin at gagawin araw-araw ang paraan para makatahak sa landas, at manatili roon, hanggang sa marating natin ang ating walang hanggang patutunguhan.

    Ngayon, wala ni isa sa atin ang palaging nasa makitid na landas. Lahat tayo’y nagkakamali. Kaya nga si Lehi, na nakaunawa sa papel ng Tagapagligtas sa pag-iingat at pagbawi ng ating kalayaan, ay itinuro kay Jacob—at sa atin: “Ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog. At dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos.”21 Iyan ang susi—“kumilos para sa ating sarili at hindi pakilusin.”

    Sa mga huling araw na ito, tulad noong unang panahon, iwasan natin ang impluwensya ng kasamaan sa pagkilos natin mismo para maiwasan ito. Uudyukan tayo ng Espiritu Santo. Pinatakas si Jose mula sa asawa ni Potiphar. Sinunod ni Abraham ang utos na tumakas mula sa lupain ng Ur. Inutusan si Lehi na tumakas mula sa Jerusalem bago ito wasakin. At para iligtas ang buhay ng Tagapagligtas, pinatakas sina Maria at Jose patungong Egipto.

    Ang mga paramdam sa atin na tumakas sa kasamaan ay larawan ng pag-unawa ng ating Ama sa Langit sa ating mga kalakasan at kahinaan, at sa Kanyang kamalayan sa di-inakalang mga sitwasyon sa ating buhay. Pagdating ng mga paramdam na ito, karaniwa’y hindi tayo kaagad pipigilan nito, dahil hindi malakas magsalita ang Espiritu ng Diyos. Ang tinig ay kasinghina ng bulong, na dumarating bilang ideya sa ating isipan o damdamin sa ating puso. Sa pagsunod sa mga banayad na paramdam na ito, maliligtas tayo sa mapanirang bunga ng kasalanan.

    Ngunit kung babalewalain natin ang mga paramdam na iyon, maglalaho ang liwanag ng Espiritu. Magkakaroon ng limitasyon o mawawala ang ating kalayaan, at mawawalan tayo ng tiwala at kakayahang kumilos. Tayo’y “[la]lakad sa [espirituwal na] kadiliman sa katanghaliang-tapat.”22 Sa gayon napakadaling maligaw sa mga maling landas at mawala! Kaydali nating mabihag sa kasalanan na binanggit ni Lehi sa rebelde niyang mga anak.23 Halimbawa, kung gagawa tayo ng mga pagpili na maglulubog sa atin sa utang, mawawala ang kalayaan nating bilhin ang ating gusto at pangangailangan o mag-ipon para sa darating na pangangailangang iyon. Kung pipiliin nating labagin ang batas, maaari tayong mabilanggo kung saan malilimita ang ating kalayaan at hindi natin mapipili ang ating pupuntahan, sino ang gusto nating kausapin, o ano ang ating gagawin. Ganoong- ganoon ang bilangguan ng mga espiritu. Kaya nga, para manatiling malaya dapat tayong lumakad sa liwanag ng ating Panginoon at Tagapagligtas araw-araw at maging masunurin. Iyon ang tanging landas na patungo sa ating Ama sa Langit.

    Kung, dahil sa mga mali nating pagpili ay maligaw tayo ng landas, dapat nating tandaan ang kalayaang bigay sa atin, kalayaang mapipili nating gamiting muli. Nagsasalita ako lalo na sa mga nadadaig ng matinding pagkasugapa. Kung nahulog kayo sa nakasisira at nakalululong na pag-uugali, hindi na ninyo muling madarama ang espiritu. Tulad sa tunay na mga black hole sa kalawakan, parang imposibleng tumagos ang liwanag sa kinaroroonan ninyo. Paano kayo makatatakas? Pinatototohanan ko na ang tanging paraan ay sa tulong ng kalayaang magiting ninyong ginamit bago pa kayo isinilang, kalayaang hindi maaagaw ng kalaban kung hindi ninyo tutulutan.

    Paano ninyo mababawi ang kalayaang iyon? Paano ninyo ito muling magagamit sa tamang paraan? Pipiliin ninyong sumampalataya at sumunod. Hayaang magmungkahi ako ng ilang mahahalagang pagpiling magagawa ninyo ngayon—sa araw na ito mismo.

    Piliing tanggapin—talagang tanggapin—na kayo ay anak ng Diyos, na mahal Niya kayo, at may kapangyarihan Siyang tulungan kayo.

    Piliing ialay ang lahat—lahat- lahat—sa altar sa Kanyang harapan. Sa paniniwalang kayo ay Kanyang anak, ipasiyang ialay sa Kanya ang inyong buhay, at gamitin ang inyong kalayaan upang sundin ang Kanyang kalooban. Maaari ninyong gawin ito nang ilang beses sa buhay ninyo, ngunit huwag susuko kailanman.

    Piliing ilagay ang inyong sarili sa kalagayan na madarama ninyo ang Espiritu ng Diyos sa panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mga miting sa Simbahan, sa inyong tahanan, at sa mabubuting pakikipag- ugnayan sa iba. Kapag nadama ninyo ang impluwensya ng Espiritu, nagsisimula na kayong malinis at mapalakas. Nagsisindi na ang inyong liwanag, at kung saan ito nagliliwanag, hindi makapananatili roon ang kasamaan.

    Piliing sundin at tuparin ang inyong mga tipan, simula sa inyong tipan sa binyag. Panibaguhin ang mga tipang ito linggu-linggo sa marapat na pakikibahagi ng sakrament.

    Piliing maghanda upang maging marapat na dumalo sa templo, gumawa at magpanibago ng mga sagradong tipan, at tanggapin ang lahat ng nakapagliligtas na ordenansa at pagpapala ng ebanghelyo.

    Ang huli, at pinakamahalaga, piliing maniwala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tanggapin ang pagpapatawad ng Tagapagligtas, at patawarin ang iyong sarili. Dahil sa sakripisyo Niya para sa inyo, kaya Niyang “hindi na [alalahanin] ang [mga kasalanan ninyo].”24 Ito rin ang dapat ninyong gawin.

    Matapos mabalik sa tamang landas at muling maging “malayang pumili,” piliing huwag nang mahiya pa sa mga kasalanang napagsisihan na ninyo, tumangging masiraan ng loob tungkol sa nakaraan, at magalak sa pag-asa para sa hinaharap. Tandaan, si Satanas ang may gustong maging “kaaba-aba [tayong] katulad [niya].”25 Mas patatagin ang inyong mga hangarin kaysa sa kanya. Lumigaya at magtiwala sa buhay ninyo at sa mga pagkakataon at pagpapalang naghihintay sa inyo rito at sa buong kawalang-hanggan.

    Sa huli, tandaan na ang ating kalayaan ay hindi lang para sa atin. Responsibilidad nating gamitin ito sa ngalan ng iba, upang pagsiglahin at palakasin ang iba sa kanilang mga pagsubok at hirap. Ilan sa ating mga kapatid ang lubos na nawalan ng kalayaan dahil sa mga maling pagpili. Maaari at dapat nating imbitahin ang iba na tanggapin ang liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo nang hindi tayo nakalantad sa tukso. Sa pakikipagkaibigan at pagmamahal, maaakay natin silang sumunod at mahihikayat silang muling gamitin ang kanilang kalayaang gumawa ng mga tamang pagpili.

    Tulad nang magpatotoo si Amang Lehi sa kanyang pamilya tungkol sa mga pagpapala ng kalayaan, hangad ko ring magpatotoo sa inyo, mahal kong mga kapatid sa buong mundo at sa aking pamilya. Ipinamalas ang kalayaan sa Kapulungan sa Langit nang piliin nating sundin ang plano ng ating Ama sa Langit at maging mortal sa panahong ito ng pagsubok. Kalayaan ang nagtutulot sa ating subukin at alamin kung makapagtitiis tayo hanggang wakas at marangal na makababalik sa ating Ama sa Langit. Kalayaan ang umaakay sa ating ipahayag ang espirituwal na mga hangarin ng ating kalooban sa panlabas na pag-uugaling tulad ng kay Cristo. Kalayaan ang nagtutulot sa ating gumawa ng tapat at masunuring mga pasiya na nagpapalakas sa atin upang pasiglahin at palakasin ang iba. Ang kalayaang ginamit sa tama ang nagtutulot na pawiin ng liwanag ang kadiliman at mabuhay tayo sa galak at kaligayahan sa kasalukuyan, umasa nang may pananampalataya sa hinaharap, maging sa kawalang-hanggan, at huwag isipin ang nakaraan. Ang paggamit natin ng kalayaan ang nagpapasiya kung sino tayo at ano ang ating kahihinatnan.

    Sa lahat ng gustong magtamasa ng mga pagpapala ng kalayaan, pinatototohanan ko na tumatatag ang kalayaan sa ating pananampalataya at pagsunod. Pinakikilos tayo ng kalayaan: na maghanap upang ating makita, humiling upang patnubayan tayo ng Espiritu, kumatok sa pintuang iyon tungo sa espirituwal na liwanag at sa huli’y kaligtasan. Natatangi ang aking patotoo na ang Tagapagligtas nating si Jesucristo ang pinagmumulan ng liwanag na iyon, maging ang Liwanag at Buhay ng Mundo. Kapag ginamit natin ang ating kalayaan upang sundin Siya, lalo pang magniningning ang Kanyang liwanag sa ating kalooban hanggang sa ganap na araw26 na tanggapin tayo sa piling ng ating Ama sa Langit sa buong kawalang-hanggan. Gamitin nawa natin ang ating kalayaan sa sagrado at maluwalhating mithiing iyon ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.