2006
Ang Ating Bagong Henerasyon
Mayo 2006


Ang Ating Bagong Henerasyon

Karapat-dapat ang ating bagong henerasyon sa pinakamatindi nating pagsisikap na suportahan at palakasin sila habang sila ay lumalaki.

Magandang gabi, mahal kong mga kapatid sa priesthood. Ngayong gabi sa buong mundo ay nakatipon tayo nang mas malapit sa mga templo ng Panginoon kaysa dati sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa magiliw na kabaitan ng ating Tagapagligtas sa pagpatnubay sa Kanyang mga propeta, 122 templo na ngayon ang napupuntahan ng pinagtipanang mga tao ng Panginoon upang makamtan ang sarili nilang mga pagpapala sa templo at maisagawa ang mahahalagang ordenansa para sa yumao nilang mga ninuno. At mas marami pa ang naibalita at paparating! Salamat, Pangulong Hinckley, sa inspirado ninyong pamumuno sa napakalaking gawaing ito.

Noong panahon ng Aklat ni Mormon, nagtipon din ang mga miyembro ng Simbahan malapit sa templo upang tumanggap ng tagubilin mula sa kanilang propeta at lider. Nang tumanda na siya, nanawagan si Haring Benjamin sa mga ama na tipunin ang kanilang pamilya, para payuhan at balaan sila. Mula sa Mosias mababasa natin:

“At ito ay nangyari na, nang sila ay dumating sa templo, itinayo nila ang kanilang mga tolda sa palibot, bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak… .

“… Bawat tao ay iniharap sa templo ang pintuan ng kanilang tolda, nang sa gayon sila ay makapanatili sa kanilang mga tolda at marinig ang mga salitang sasabihin ni Haring Benjamin sa kanila” (Mosias 2:5–6).

Gusto ko ang matalinghagang paglalarawan ng mga talatang ito. Sa makahulugang pananalita, mga kapatid, nakaharap ba ang pintuan ng ating tahanan sa minamahal nating mga templo? Madalas ba tayong nagpupunta hangga’t kaya natin, at ipinakikita sa ating mga anak sa pamamagitan ng ating halimbawa ang kahalagahan ng sagrado at espesyal na mga lugar na ito?

Tulad ng nakatala sa Mosias, masigla at tapat na tinanggap ng mga pamilya ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang propeta. Lubos na naantig ng mga turo ni Haring Benjamin ang mga tao kung kaya’t pumasok sila sa bagong tipan na sundin ang Panginoong Jesucristo.

Gayunman, malungkot ang wakas ng kuwentong ito. Nalaman natin kalaunan sa Mosias ang tungkol sa mga batang paslit pa lamang noon sa mga tolda nang ibigay ni Haring Benjamin ang sermon:

“Ngayon ito ay nangyari na, na marami sa mga bagong salinlahi ang hindi nakauunawa sa mga salita ni haring Benjamin, na maliliit na bata pa noong panahong siya ay nangusap sa kanyang mga tao; at hindi sila naniwala sa kaugalian ng kanilang mga ama” (Mosias 26:1).

Ano ang nangyari sa bagong henerasyong iyon, mga kapatid? Bakit hindi tinanggap ng mga bata ang mabubuting tradisyon ng kanilang mga ama? Higit na mahalaga, narito tayo ilang siglo na ang nakararaan, sa panahong maraming templo at patnubay ng propeta sa tuwina, at ano ang nangyayari sa ating bagong henerasyon? May dahilan ba para mabahala tayo? Oo naman!

Ang mga binatilyong narito ngayong gabi at sa buong mundo, at maging ang mga dalagita, ay napakaespesyal. Nabanggit sila ni Pangulong Hinckley:

“Maraming ulit ko nang sinabi na naniniwala akong nasa atin ang pinakamainam na henerasyon ng mga kabataan na nakilala ng Simbahang ito… . Sinisikap nilang gawin ang tama. Matatalino sila at may kakayahan, malilinis at wala pang karanasan, kaakit-akit at ismarte… . Alam nila kung ano ang ebanghelyo, at sinisikap nilang ipamuhay ito, umaasa sa Panginoon para sa Kanyang patnubay at tulong” (“Ang Iyong Pinakamalaking Hamon, Inay,” Liahona, Ene. 2001, 113; Ensign, Nob. 2000, 97–98).

Lahat tayo na may bahagi sa mga kabataang ito ay nalalaman ang katotohanan ng sinabi ni Pangulong Hinckley.

Gayunman, malungkot tayong binalaan ni Elder Henry B. Eyring ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa mga kabataan:

“Marami sa kanila ang kahanga- hanga ang espirituwal na kalakasan at ang kanilang pananampalataya. Ngunit kahit na ang pinakamagaling sa kanila ay sinusubok nang husto. At mas titindi pa ang pagsubok” (“We Must Raise Our Sights,” Ensign, Set. 2004, 14).

Ang babalang ito na “mas titindi pa ang pagsubok” ang napansin ko. Karapat-dapat ang ating bagong henerasyon sa pinakamabuti nating pagsisikap para masuportahan at mapalakas sila habang sila ay lumalaki.

Sa mapanganib na panahong ito, na nahaharap ang ating kabataan sa mas matinding kahirapan, maaari tayong matuto mula sa iba. Sa hukbong sandatahan, lalo na sa lahat ng navy sa buong mundo, nauunawaan ng lahat ng marino ang isang parirala na malinaw na paghingi ng agarang tulong, anuman ang kaniyang ginagawa o saanman siya naroon sa barko. Ang panawagan ay “Tulung-tulong tayo.” Maraming labanan sa dagat ang naipanalo o naipatalo dahil sa pagtugon sa panawagang ito.

Tayo—bilang mga miyembro ng Simbahan, lider ng mga kabataan, nag-aalalang mga ama, at lolo—lahat ay kailangang tumugon sa panawagang “tulung-tulong tayo” ukol sa ating mga kabataan at batang single adult. Lahat tayo ay dapat humanap ng mga pagkakataon para mapagpala ang mga kabataan, malapit man tayo ngayon sa kanila o hindi. Kailangang patuloy nating turuan at palakasin ang mga ama at ina sa kanilang itinakdang banal na tungkulin sa piling ng kanilang mga anak sa tahanan. Dapat nating tanungin sa tuwina ang ating sarili kung ang ekstrang paglalaro ng isport, ekstrang aktibidad, o gawain sa labas ng bahay ay mas mahalaga kaysa makasama ang pamilya sa ating tahanan.

Ngayon ang panahon, mga kapatid, na sa bawat kilos natin, bawat lugar na puntahan natin, bawat kabataang Banal sa mga Huling Araw na makilala natin, ay kailangang magkaroon tayo ng ibayong kamalayan na kailangang mapalakas, makalinga at maimpluwensyahan sa kabutihan ang kanilang buhay.

Sa aming pamilya, may gayong karanasan kami sa kahanga-hanga at malingap na mga lider ng priesthood. Noong una akong matawag sa Pitumpu ilang taon na ang nakalilipas, nadestino kami sa Solihull, England, upang maglingkod sa Area Presidency. Isinama namin ni Sister Rasband ang dalawang pinakabata naming anak sa destinong ito. Ang anak naming babae ay batang single adult at ang lalaki naman ay 17 anyos na mahilig sa American-style football at mahusay maglaro nito. Alalang-alala kami sa kanila. Walang kaibigan, kamag-anak, at American football! Naisip ko: “Malaking pagsubok kaya ang masaya at bagong karanasang ito sa pamilya namin?”

Dumating ang sagot sa maagang gawaing natanggap ko. Hinilingan akong magsalita sa mga misyonero sa Missionary Training Center sa Preston, England. Tinawagan ko si President White ng center at natuwa akong marinig na alam niya ang sitwasyon ng pamilya ko. Iminungkahi niyang isama namin ang mga anak namin sa pagbisita sa Preston. Pagdating namin doon, inanyayahan pa niya ang mga anak namin na magsalita sa mga misyonero! Tuwang-tuwa silang mapasama at madamang kabilang sila at makapagbabahagi sila ng patotoo tungkol sa gawain ng Panginoon!

Nang matapos at nakapagpaalam na kami sa mga misyonerong iyon, binisita namin ang magandang Preston England Temple, na malapit sa Missionary Training Center. Habang palapit kami sa pintuan sa harap, naroon na sina President at Sister Swanney, ang temple president at matron. Binati nila kami at pinapasok sa templo at sinabing, “Elder Rasband, gusto mo ba at ng pamilya mo na magpabinyag para sa mga patay?” Napakagandang ideya! Nagkatinginan kami at nagpapasalamat na tumango. Matapos gawin ang mga ordenansa at habang nasa bautismuhan pa kaming mag-ama na lumuluha sa galak, inakbayan niya ako at tinanong, “Dad, bakit hindi natin ito ginawa noon?”

Naisip ko ang lahat ng larong football, lahat ng pelikulang sama-sama naming pinanood, lahat ng kasayahang pinagsamahan namin—totoong napakahalagang magkaroon ng masasayang alaala at tradisyon.

Gayunman, natanto ko na nagkaroon kami ng oportunidad na dagdagan pa ang mas makahulugang espirituwal na mga karanasan kasama ang aming mga anak, gaya ng naranasan namin sa Preston nang araw na iyon. Salamat sa malingap at mapagmasid na mga lider ng priesthood na iyon, nalaman ko noon na magiging maayos ang pamilya namin sa Europa. Malaki ang pasasalamat namin sa maraming lider ng priesthood at Young Women na laging nakabantay at nagmamahal sa aming mga anak at sa inyong mga anak.

Sa isa pang panahon sa Aklat ni Mormon: nalagay si Nephi sa isang sitwasyon na nahihirapang sumunod, makiisa, at maging matapat ang ilang miyembro ng kanyang pamilya. Talagang naunawaan niya na kailangang pag-ukulan ng pansin ang mga anak ng bagong henerasyon. Sabi niya noong matanda na siya:

“At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).

Dalangin ko na bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos na gawin nawa ng bawat isa sa atin ang lahat ng ating makakaya para ituro sa ating mga kabataan kung kanino sila makaaasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, maging sa Panginoong Jesucristo. Nawa’y tumugon ang bawat isa sa atin nang buong sigasig na “tulung-tulong tayo” ukol sa pagliligtas sa ating sariling bagong henerasyon—talagang karapat-dapat sila sa pinakamabuti nating pagsisikap.

Pinatototohanan ko na ito ang tunay na Simbahan ng Panginoon, na pinamumunuan Niya sa tulong ng mahal nating propeta, maging si Gordon B. Hinckley, na aking minamahal at sinusuportahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.