Nakikita sa Inyong Mukha
Mga Footnote
Theme

Nakikita sa Inyong Mukha

Nababanaag sa inyo ang Kanyang liwanag. Ang halimbawa ninyo’y may mabisang epekto sa ikabubuti ng mundo.

Wala pang mas mainam na panahon para mabuhay sa mundo kaysa ngayon. Ang “mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan.”1 Ito ang inyong panahon, at kahanga-hanga ito. Kahanga-hanga kayo! Pagtingin ko sa inyong mata at makita ang ningning ng inyong mukha, nanggilalas ako na nakakaya ninyong maging mabait, malakas, at dalisay sa mundong napakaraming hamon. Naalala ko ang tulang madalas bigkasin sa akin ng lolo ko noong kaedad ninyo ako. Sabi niya:

Di kailangang ikuwento ang bawat araw mo;

Di kailangang sabihin kung naglaro o nagtrabaho;

Narito ang subok at tunay na barometro—

Di kailangang magsalita, makikita sa mukha mo… .

Kung malapit sa Diyos at Kanyang pagpapala—

Di kailangang magsalita,makikita ito sa iyong mukha.2

Di ko nalimutan kailanman ang simpleng tulang iyon, at sinisikap kong mamuhay na maaaring makita iyon sa aking mukha. Alam kong iyon din ang ginagawa ninyo. May liwanag sa inyong mukha dahil gumawa at sumunod kayo sa mga tipan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at gumawa kayo ng mga pasiyang nagpagindapat sa inyong makapiling ang Espiritu Santo. Hanga ako sa bawat isa sa inyo.

Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa inyo, [Kayo ang] “pinakamatino (at pinakamalakas) na henerasyon ng mga kabataan sa kasaysayan ng Simbahang ito.”3 Naniniwala ako na kayo’y inihanda at inireserba para mapunta sa daigdig sa panahong ito na pinakamatindi ang mga hamon at oportunidad. Naniniwala ako na umaasa ang Panginoon sa inyo na maging lider para sa kabutihan at tumayo bilang saksi “sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”4 Tunay na masasabing kayo ang “maningning na pag-asa” ng hinaharap.5

Naniniwala ako na kabilang kayo sa mga binanggit ni Apostol Pedro nang sabihin niyang, “Kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan.”6

Iyon ang liwanag ng Tagapagligtas. Iyon ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pamumuhay ng ebanghelyo, nababanaag sa inyo ang Kanyang liwanag. Ang halimbawa ninyo’y may mabisang epekto sa ikabubuti ng mundo. “Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa”7 ang panawagan sa inyo. Panawagan ito na magtungo sa mas mataas na lugar. Panawagan ito sa pamumuno—manguna sa kadisentehan, kadalisayan, kahinhinan, at kabanalan. Panawagan itong ibahagi ang liwanag na iyon sa iba. Panahon na upang “bumangon at magliwanag.”

Mababago ba ng isang matwid na dalaga ang daigdig? Ang sagot ay isang matunog na, “Oo!” Gabay ninyo ang Espiritu Santo, at Siya’y “magbibigay-alam … ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.”8 Ang araw-araw at palagiang bagay na ginagawa ninyo ang magpapalakas sa inyo para maging lider at halimbawa—araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagsunod, paglilingkod sa iba. Kapag ginawa ninyo ito, mapapalapit kayo sa Tagapagligtas at magiging higit na katulad Niya. Gaya nina Moises at Abinadi at iba pang matatapat na lider,9 magniningning ang inyong mukha sa init ng inyong pananampalataya. “Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha?”10 “Bumangon at magliwanag.”

Noong 1856, sa edad na 13, sumapi si Mary at kanyang pamilya sa Simbahan sa England, naglakbay sa Amerika, at sumama sa Martin Handcart Company. Sa personal niyang kasaysayan ikinuwento niya ang hirap ng paglalakbay—ang pagkamatay ng kapatid niyang lalaking sanggol at kuya, ang paninigas ng kanyang mga paa, at sa huli’y ang pagkamatay ng musmos niyang kapatid na babae at ina. Pagdating sa Salt Lake Valley, pinutol ng doktor ang kanyang mga daliri sa paa, pero nangako sa kanya si Propetang Brigham Young na hindi na puputulin ang kanyang mga paa. Pagkukuwento niya: “Isang araw nakaupo ako’t … umiiyak. Masakit ang mga paa ko—nang kumatok ang isang maliit na matandang babae sa pinto. Sabi niya nadama niyang kailangan siya ng isang tao roon sa loob ng ilang araw… . Ipinakita ko ang mga paa ko… . Sabi niya, ‘Oo nga, at sa tulong ng Panginoon maililigtas pa natin iyan.’ Gumawa siya ng pantapal sa sugat at inilagay sa mga paa ko at araw-araw pagkaalis ng doktor dumarating siya at pinapalitan ang tapal. Pagkaraan ng tatlong buwan magaling na ang mga paa ko.”11

Pero napakatagal nang nakaupo si Mary sa silya niya at nanigas na ang mga gulugod niya at hindi na maituwid ito. Pagkakita ng kanyang ama sa lagay niya napaiyak ito. Pinahiran niya ng langis ang kanyang mga binti at sinikap itong ituwid, pero wala itong saysay. Isang araw sabi niya, “Mary may naisip akong plano para tulungan ka. Magpapako ako ng istante sa dingding at habang nasa trabaho ako sikapin mong abutin ito.” Ilang araw daw niyang sinikap itong gawin sa maghapon at sa huli’y naaabot na niya ang istante. Tapos ay bahagya pang itinaas ng tatay niya ang istante. Nagpatuloy pa ito nang tatlong buwan, at dahil sa araw-araw niyang pagtitiyaga naituwid ang kanyang mga binti at muli siyang nakalakad.12

Naniniwala ako na natututo kayo, gaya ni Mary Goble, na abutin ang istanteng bahagya pang itinaas ng mga lider para sa atin, at kung tataasan pa ninyo ang pag-abot habang itinataas ang mga huwarang iyon, makakalakad kayo sa hinaharap nang may tiwala.

Nagniningning ang mga mukha ng mga kabataang babae sa West Africa dahil sa liwanag ng Espiritu Santo. Ipinamumuhay nila ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, ginagabayan sila ng Espiritu, at naghahanda silang maging mga lider. Mahal nila ang Panginoon at nagpapasalamat sa Kanyang liwanag sa kanilang buhay. Tatlong oras naglakad ang ilan sa mga kabataang ito upang ibahagi sa akin ang kanilang patotoo. Dahil sa kanila, hindi na ako katulad ng dati.

Noong nasa South America ako, umawit ang mga kabataang babae at kanilang mga lider ng, “Sinisikap Kong Tularan si Jesus.”13 Hindi lang nila kinanta ang mga titik, kundi ipinamuhay pa nila ito. Sa Asia at India, ang mga dalagita ay mga halimbawa ng pananalig, kahinhinan sa pananamit, at kadalisayan. Maningning ang kanilang mga mata at masaya sila. Ang mga dalagita sa England, Ireland, at Wales ay naninindigan sa katotohanan at katwiran sa kanilang paaralan. Sa patuloy na pagsama ng mundo, gumagawa sila ng kaibhan. Ilan sa inyo’y nag-iisang miyembro sa inyong pamilya o paaralan. Gumagawa kayo ng kaibhan. Namumuno kayo sa mga makatwirang paraan.

Kailan lang, nag-hiking kami ng isang grupo ng mga kabataan papuntang tuktok ng Ensign Peak. Doo’y minasdan namin ang lungsod ng Salt Lake at ang templo at pinag-usapan ang sakripisyo ng napakarami para sa ebanghelyo. Tapos ay nagladlad ng banderita ang bawat kabataan. Sa kanilang banderita, nagdrowing sila ng mga simbolo ng kanilang mensahe sa mundo—ng gusto nilang katawanin sa mga huling araw na ito. Nakakatuwang pakinggan ang pangako at patotoo ng bawat isa. Tapos ay kinanta namin ang “Sa Tuktok ng Bundok”14 at masaya silang naghiyawan, “Mabuhay ang Israel!”15 Inuulit ko ang mga salitang iyon ngayon. Mabuhay kayo! Sana’y hindi kayo mag-atubiling “lumiwanag na gayon ang inyong ilaw … upang mangakita [ng iba] ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.”16 Sana ay ipakataas ninyo rin ang inyong banderita. Alam ko na sa pangunguna ninyo sa kabutihan, matutupad ang banal na kasulatang ito sa Isaias: “Sapagka’t narito, … ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.”17 Makikita ito at “ang mga [Gentil] ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.”18

Nakikita ko ang araw na aasa sa inyo ang mundo at sasabihing: “Sino ka?” Sino ang mga kabataang babaeng ito na maningning ang liwanag? Bakit napakasaya ninyo? Bakit ninyo alam ang inyong direksyon sa nakalilitong mundong ito? At kayo’y babangon at tatayo sa inyong mga paa at sasabihin nang may katiyakan—”Kami’y mga anak na babae ng aming Ama sa Langit na nagmamahal sa amin, at mahal namin Siya. Kami ay tatayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.”19

Ang panawagan ko sa inyo ay katulad ng kay Moroni: “Gumising at bumangon, … O [mga] anak na babae ng sion.”20 Nakita Niya kayo. Nakita Niya ang panahong ito. Ito ang inyong panahon! Nasainyo ang pagpapasiyang “bumangon at magliwanag.” Naniniwala ako na kapag kayo’y gumising at bumangon, magiging pamantayan sa mga bansa ang inyong liwanag, ngunit naniniwala rin ako na magiging liwanag sa mga bansa ang inyong mga pamantayan. Kayo’y itinalaga. Naging katangi-tangi kayo sa buhay bago kayo isinilang. Taglay ng inyong lahi ang tipan at mga pangako. Minana ninyo ang mga espirituwal na katangian ng matatapat—maging sina Abraham, Isaac, at Jacob. Nababanaag sa inyong pagkatao ang inyong kabanalan at tadhana. Ang katotohanang kayo’y isinilang na babae ay sinadya. Lalago ang inyong mga banal na katangian kung pamumunuan ninyo ang iba at tutugon sa inyong banal na potensyal. Lumapit sa Tagapagligtas. Siya’y buhay! Siya ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo. Aakayin Niya kayo at hihikayatin kayong ibahagi ang inyong liwanag. Tulad ng turo sa akin ng aking lolo, “Kapag malapit sa Diyos at sa Kanyang walang-hanggang pagpapala, hindi mo na kailangang sabihin, makikita ito sa mukha mo.” Sa ngalan ni Jesucristo, amen.