2006
Mga Kasangkapan sa Pagpapalaganap ng Kapayapaan ng Panginoon
Mayo 2006


Mga Kasangkapan sa Pagpapalaganap ng Kapayapaan ng Panginoon

Tayo bang nagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo ay di sadyang nakagawiang manirang-puri, magsalita ng masama, at marahas na magbansag?

May kaibigan akong miyembro ng grupo ng mga pulitiko na napapanood linggu-linggo sa pambansang telebisyon. Sa pagpapaliwanag ng kanyang papel, sabi niya, “Hinihikayat kaming magsalita bago mag-isip!” Tila nabubuhay tayo sa panahon na marami ang nagsasalita nang hindi nag-iisip, nanghihikayat ng madamdaming reaksyon sa halip na pinag-isipang mga sagot. Sa bansa man o sa buong daigdig, sa mga personal na pakikitungo o sa pulitika, sa tahanan o sa publiko, mas masakit pa sa tainga ang mga boses ngayon, at mas sinasadyang manakit ng damdamin, at magdamdam sa halip na gawin ang kabaligtaran.

Nagbabala ang Panginoon na sa simula pa lamang at sa buong kasaysayan ay pupukawin ni Satanas ang galit sa puso ng mga tao.1 Sa Aklat ni Mormon, naging halimbawa si Laman ng gayong pagbulung-bulong at pagpapagalit, at pambubuyong pumatay.2 Paulit-ulit nating nakikita sa Aklat ni Mormon ang pagpapagalit at panggugulo ng mga nalalabuan ang isipan at masasamang tao. Sa panahon ni Kapitan Moroni, pinukaw ng tumiwalag na si Amalikeo “ang mga puso ng mga Lamanita laban sa mga tao ni Nephi.”3 Si Amulon at ang masasamang saserdote nina Noe; Nehor; Korihor; at si Zoram na tumiwalag (napakaraming ganito sa buong Aklat ni Mormon); ang nag-udyok ng pagdududa, nagpalala ng alitan, at nagpalalim ng poot.

Nang kausapin ng Panginoon si Enoc, sinabi Niya na ang pagsilang Niya at ang panahon bago ang Ikalawa Niyang pagparito ang “mga araw ng kasamaan at paghihiganti.”4 At sinabi ng Panginoon na sa mga huling araw, ang poot ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.5 Ang poot ay inilarawan kapwa bilang matwid na galit ng Diyos at bilang likas na silakbo ng damdamin at malalim o malupit na galit ng tao. Ang una ay dahil sa pag-aalala ng mapagmahal na Ama sa mga anak na kadalasang “walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo,”6 samantalang ang huli ay sa mga taong “walang patakaran at walang awa, … malakas sa kanilang kabuktutan.”7 Nag-aalala akong may gayong mga poot sa daigdig, at ang poot ng langit ay udyok ng mga taong pumupukaw ng kasamaan, paninirang-puri, at pagkamuhi sa puso ng mga tao.

Katotohanan at pagkakaunawaan ang unang nawawala dahil sa poot ng tao. Ang payo ni Santiago, “magmaliksi [tayo] sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit; Sapagka’t ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.”8 Tulad ng nakita ni Enoc, ang trono ng Diyos ay kapayapaan, katarungan, at katotohanan.9 Mga huwad mang kaibigan o masasamang guro, artista o tagaaliw, komentarista o manunulat sa mga lokal na pahayagan, kapangyarihan o kayamanan man ang hanap, mag-ingat sa mga nagpapagalit sa atin na humahadlang sa payapang pag-iisip at pagmamalasakit sa iba.

Inanyayahan ni Alma sa mga tubig ng Mormon ang mga gustong makipagtipan sa Diyos na manindigan bilang mga saksi ng Diyos at magpasan ng pasanin ng isa’t isa.10 Tulad ng mga tunay na pumasok sa sagradong tipan, manatili tayong tapat sa daan, katotohanan, at buhay, na si Jesucristo.

Tayo bang nagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo ay di sadyang nakagawiang manirang-puri, magsalita ng masama, at marahas na magbansag? Nagbigay ba ng masasamang ideya sa mga tao ang mga pagkakaiba sa paniniwala o pagsuporta sa mga grupo o partido o relihiyon? Inuunawa ba natin ang tila kakaibang pananaw ng iba at naghahanap ba tayo ng anumang pagkakatulad, hangga’t maaari?

Naaalala ko na bilang graduate student ay isinulat ko ang tungkol sa isang kilalang pilosopo sa pulitika. Maliwanag na kontra ako sa kanya. Sabi ng propesor ko maganda ang papel ko, pero may kulang pa. Bago mo simulan ang pagbatikos mo, sabi niya, simulan mo munang ilahad ang pinakamalakas na kaso sa posisyong kinokontra mo, na tatanggapin mismo ng pilosopo. Inulit ko ang papel. May mahahalaga pa akong kinokontra sa pilosopo pero mas naintindihan ko na siya, at nakita ko ang kalakasan at katangian, at mga limitasyon, ng paniniwala niya. May natutuhan akong aral at nagamit ko ito sa lahat ng aspeto ng buhay ko.

Habang iniisa-isa ni General Andrew Jackson ang mga sundalo sa Battle of New Orleans, sinabi niya sa kanila, “Mga ginoo, ibaba ninyo nang kaunti ang mga baril ninyo!” Palagay ko marami sa atin ang dapat magbaba ng ating “baril.” Sa kabilang dako, pagbutihan natin ang ating pananalita sa pribado at sa publiko. Huwag nating palalain ang posisyon ng iba, o papangitin ang mga paniniwala nila, wika nga, at siraan sila sa kanilang mga motibo at pagkatao. Kailangan nating suportahan, tulad ng payo ng Panginoon, ang matatapat, matatalino, at mabubuting lalaki’t babae saanman sila naroon at tanggapin na sa “lahat ng sekta, partido, at relihiyon,” ay may mga “napagkakaitan lamang ng katotohanan [ng ebanghelyo] sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”11 Itatago ba natin ang liwanag na iyon dahil kultura na natin ang manirang-puri, magbansag, manakit ng damdamin at magdamdam?

Kung minsan ay napakadaling matukso na manuya at mangutya sa pagharap sa mga pagkontrang iyon. Nagpapawala tayo ng gana o naninira para laitin ang ibang tao o mga ideya nila. Ito ang pangunahing kasangkapan ng mga taong nasa malaki at maluwang na gusaling nakita ni Amang Lehi sa pangitain.12 Si Judas, na kapatid ni Cristo, ay nagbabala na “magkakaroon ng mga manunuya sa huling panahon, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita. Ang mga ito ang nagsisigawa ng paghihiwalay, malalayaw, na walang taglay na Espiritu.”13

Ang panunuya ay may himig ng pangutngutya. Ang mga nangungutya ay mahilig maghanap at manghuli ng pagkakamali. Patago man o hayagan, paismid nilang pinagdududahan ang kataimtiman at katapatan. Binanggit ni Isaias ang mga “nagbabanta ng kasamaan” at “nakapagkasala sa tao sa isang usapin, at naglalagay ng silo doon sa sumasaway sa pintuang-bayan, at nagliligaw sa ganap na tao sa pamamagitan ng walang kabuluhan.”14 Tungkol dito, ipinayo ng Panginoon sa mga huling araw na tayo’y “tumigil sa paghanap ng mali sa bawat isa” at “higit sa lahat, damitan ang [ating] sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, gaya ng isang balabal, na siyang bigkis ng pagiging ganap at ng kapayapaan.”15

Napuna ni Pangulong George Albert Smith na, “Walang ibang bagay sa mundo na higit na nakapipinsala o nakasasama sa sangkatauhan maliban sa pagkamuhi, maling palagay, hinala, at kasamaan ng ilang tao sa kanilang kapwa.”16 Tungkol sa pulitika, nagbabala siya na, “Kapag nagsalita kayo ng masama laban sa inyong kapwa dahil sa pulitika, dapat ninyong malaman na kayo ay nanganganib.”17 Sa dakilang misyon ng kaharian sa mga huling araw, ang payo niya: “Hindi militanteng simbahan ang ating kinaaaniban. Ang simbahang ito’y naghahandog ng kapayapaan sa mundo. Hindi natin tungkuling humayo sa mundo at hanapin ang mali sa iba, ni pintasan ang mga tao dahil hindi sila makaunawa. Kundi pribilehiyo natin, sa kabaitan at pagmamahal, na makihalubilo at ibahagi sa kanila ang katotohanang inihayag ng Panginoon sa huling araw na ito.”18

Itinatag ng Panginoon ang ating lahi para sa isang espesyal na misyon. Tulad ng sabi niya kay Enoc noong una, ang ating panahon ay magiging panahon ng kadiliman, ngunit panahon din ito ng pagbaba ng katuwiran mula sa langit, at paglaganap ng katotohanan sa mundo upang muling patotohanan si Cristo at ang Kanyang misyon na nagbabayad-sala. Tulad sa baha, lalaganap ang mensaheng iyon sa mundo, at matitipon ang mga pinili ng Panginoon mula sa apat na sulok ng daigdig.19 Saanman tayo nakatira sa mundo, hinubog tayo bilang isang lahi upang maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng kapayapaan ng Panginoon. Sa mga salita ni Pedro, inangkin tayo ng Diyos na Kanya, upang ipahayag ang tagumpay Niya na “tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios.”20 Hindi tayo dapat malulong sa mundong mahilig manakit ng damdamin o magdamdam. Sa halip, tulad ng inihayag ng Panginoon kapwa kina Pablo at Mormon, hindi tayo dapat mainggit ni magmalaki. Hindi tayo madaling magalit ni mayamot. Nagagalak tayo hindi sa kasamaan kundi sa katotohanan. Totoo ngang ito ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na ating kinakatawan.21

Sa mundong puno ng poot, ipinayo ng propeta ng ating panahon na si Pangulong Gordon B. Hinckley na: “Ngayon, marami tayong puwede at dapat gawin sa mga panahong ito ng panganib. Maaari tayong magbigay ng palagay sa mga punto ng paksa, ngunit kailanma’y di tayo dapat magsalita o gumawa ng kasamaan laban sa ating mga kapatid sa maraming bansa na nasa isang panig o sa kabila. Hindi katwiran ang sigalot sa pulitika para kamuhian o ipamahak ang kapwa. Umaasa ako na ang mga tao ng Diyos ay payapa sa bawat isa sa panahon ng kaguluhan, sa kabila ng katapatan nila sa magkakaibang pamahalaan o partido.”22

Bilang mga tunay na saksi ni Cristo sa mga huling araw, huwag tayong patukso nang sa gayon, sabi nga ni Pedro, “ang nakikita lamang [natin] ay ang nasa malapit,” sa halip ay umunlad tayo sa patotoo kay Cristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, sa isip, sa salita, at sa gawa.23 Ang Diyos ay buhay. Si Jesucristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Si Joseph Smith, ang dakilang propeta ng Panunumbalik, ang kinasangkapan upang hubugin tayo bilang isang lahi, na pinamumunuan pa rin ngayon ng isang propeta ng Diyos, si Pangulong Gordon B. Hinckley. Araw-araw nating panibaguhin ang ating puso sa dalisay na pag-ibig ni Cristo at daigin ang kadiliman ng mundo sa tulong ng ating Panginoon.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Tingnan sa 2 Nephi 28:20; D at T 10:24.

  2. Tingnan sa 1 Nephi 16:37–38.

  3. Alma 48:1.

  4. Moises 7:46, 60.

  5. Tingnan sa D at T 115:6.

  6. Moises 7:33.

  7. Moroni 9:18–19.

  8. Santiago 1:19–20.

  9. Tingnan sa Moises 7:31.

  10. Tingnan sa Mosias 18:8–10.

  11. D at T 123:12; tingnan din sa 98:10.

  12. Tingnan sa 1 Nephi 8:26–33; 11:36.

  13. Judas 1:18–19.

  14. Isaias 29:20–21.

  15. D at T 88:124–125.

  16. Sayings of a Saint, tinipon ni Alice K. Chase (1952), 30.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1914, 12.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1935, 44.

  19. Tingnan sa Moises 7:62.

  20. 1 Pedro 2:9–10.

  21. 1 Mga Taga Corinto 13:4–6; Moroni 7:45–47.

  22. “Digmaan at Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2003, 80.

  23. 2 Pedro 1:8–9.