2006
Tulad sa Isang Bata
Mayo 2006


Tulad sa Isang Bata

Kailangang baguhin ang likas nating pagkatao upang maging tulad sa isang bata upang magkaroon tayo ng lakas na kailangan natin para maligtas sa panahon ng panganib sa moralidad.

Nakinita na ng mga propeta ng Diyos ang ating panahon. Sa sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.”1 Sinumang may mga matang nakikita ang mga palatandaan ng panahon at mga taingang nakaririnig sa mga salita ng mga propeta ay nakaaalam na matindi ang panganib. Ang panganib ay nagmumula sa mga puwersa ng kasamaan. Lumalakas ang mga puwersang iyon. Kaya nga magiging mas mahirap, hindi mas madali, na tuparin ang mga tipang dapat nating gawin upang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Para sa atin na nag-aalala sa magiging kinabukasan natin at ng mga mahal natin—sa ating pamilya, korum, at klase—may pag-asa sa pangako ng Panginoon na ligtas na lugar sa darating na mga panganib. Narito ang paglalarawan sa lugar na iyon. Nabasa na ninyo ito sa banal na kasulatan. Paulit-ulit na itong inilarawan ng mga buhay na propeta. Ganito ang pagkasabi ng isang mapagmahal na ama sa kanyang mga anak tungkol dito sa pagsisikap niyang palakasin sila laban sa mga panganib ng tukso:

“At ngayon, mga anak ko, tan- daan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan … na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”2

Mas mahalagang maunawaan ngayon kung paano sasandig sa tunay na saligang iyon. Para sa akin, wala nang mas mainam na lugar na paghahanapan kundi sa huling sermon ni Haring Benjamin na nakatala sa Aklat ni Mormon. Marami sa atin ang nakabasa nitong muli kailan lang at ilang beses itong napag-isipan. Nakikita tayo at ang ating mga inapo ni Haring Benjamin. Nalaman niya sa kapangyarihan ng kanyang pagkapropeta ang ating kinakaharap. Nalaman niya sa kanyang sariling karanasan ang mga kilabot ng digmaan. Ipinagtanggol niya ang kanyang mga tao sa digmaan, na umaasa sa kapangyarihan ng Diyos. Malinaw niyang nakita ang matinding kapangyarihan ni Lucifer na manukso at madaig tayo.

Siya ay isang taong dakila at banal. At alam niya kung paano anyayahan ang mga tao na sumandig sa bato ng kaligtasan tulad ng sinumang propeta ng Panginoon.

Nagsimula siya sa kanyang pananalita kung saan tayo magsisimulang lahat sa pagtulong sa mga tao na matakasan ang espirituwal na kapahamakan. Kailangang maniwala ang mga tao na totoo ang panganib para hangarin nilang maligtas. Kailangan silang matakot sa kahihinatnan ng pagbabalewala sa panganib. Nilinaw niya ang mga panganib na ating kinakaharap dahil malaya tayong pumili sa pagitan ng tama at mali at dahil hindi natin maiiwasan ang kahihinatnan ng mga pagpiling iyon. Tahasan at matalim siyang magsalita dahil batid niya ang darating na kalungkutan sa mga hindi makikinig at susunod sa kanyang mga babala.

Ganito ang paglalarawan niya sa mga kahihinatnan ng pagpili kung susundin natin ang panghihikayat ng Espiritu ni Cristo o ang masasamang mensaheng nagmumula kay Satanas, na layong matukso at mabihag tayo sa pagkakasala:

“Sapagkat masdan, may isang kapighatiang igagawad sa kanya na pumiling sumunod sa [masamang] espiritung yaon; sapagkat kung pinili niyang sumunod sa kanya, at mananatili at mamamatay sa kanyang mga kasalanan, siya rin ay umiinom ng kapahamakan sa kanyang sariling kaluluwa; sapagkat siya ay tatanggap bilang kanyang kabayaran ng isang walang hanggang kaparusahan, sapagkat lumabag sa batas ng Diyos, na salungat sa kanyang sariling kaalaman… .

“Samakatwid kung ang taong yaon ay hindi magsisisi, at mananatili at mamamatay na isang kaaway ng Diyos, ang hinihingi ng banal na katarungan ang gigising sa kanyang walang kamatayang kaluluwa sa isang buhay na damdamin ng kanyang sariling kasalanan, na siyang magiging dahilan upang siya ay manliit sa harapan ng Panginoon, at pupuno sa kanyang dibdib ng kasalanan, at kirot, at pagdurusa na katulad ng isang di maapulang apoy, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.”

Sabi pa ni Haring Benjamin: “O, lahat kayong matatandang lalaki, at gayundin kayong mga kabataang lalaki, at kayong maliliit na bata na nakauunawa ng aking mga salita, sapagkat maliwanag akong nangusap sa inyo upang kayo’y makaunawa, ako ay dumadalangin na kayo ay magising sa isang pag-alaala sa kakila-kilabot na kalagayan ng mga yaong nangahulog sa paglabag.”3

Para sa akin, ang epekto ng babalang iyon ay ang larawang nabuo nito sa aking isipan ng panahong tayong lahat ay isa-isang haharap sa Tagapagligtas pagkatapos ng buhay na ito upang hatulan. Kapag binabanggit sa akin ni Haring Benjamin ang tungkol sa panliliit sa harapan ng Panginoon, natatakot ako. Nakikita ko ang sarili ko na nakatayo sa araw ng paghuhukom na iyon sa harapan ng niluwalhati at nabuhay na muling Tagapagligtas. Buong puso ang paghahangad kong huwag manliit, sa halip ay makatingin sa Kanya at makita Siyang nakangiti at sinasabing, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin. Pumasok ka.”4

Nilinaw ni Haring Benjamin kung paano natin makakamtan ang pag-asang marinig ang mga salitang iyon kung makita natin ang paraan sa buhay na ito na mabago ang likas nating pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Iyon lang ang paraan para makasandig tayo sa tiyak na saligan at matibay na manindigan sa kabutihan sa pagdagsa ng tukso.

Inilarawan ni Haring Benjamin ang pagbabagong iyon sa isang magandang paghahalintulad, na libu-libong taon nang ginamit ng mga propeta at ng Panginoon mismo. Ito ay: na kaya, at kailangan nating maging tulad sa isang bata—isang maliit na bata.

Sa ilang tao hindi ito madaling unawain o tanggapin. Karamihan sa atin ay gustong maging malakas. Maaaring isipin natin na ang maging tulad sa isang bata ay kahinaan. Karamihan sa mga magulang ay ayaw mag-isip-bata ang kanilang mga anak kung minsan. Ginamit din ni Apostol Pablo ang mga salitang ito nang hikayatin niya tayong ilakip sa ating buhay ang pag-ibig sa kapwa, na dalisay na pag-ibig ni Cristo: “Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, [umuunawa] akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.”5

Pero si Haring Benjamin, na naunawaan ang ibig sabihin ng pagiging malakas at matapang tulad ng sinumang mortal, ay nilinaw na ang pagiging tulad sa isang bata ay hindi pagiging isip-bata. Ito’y pagiging tulad ng Tagapagligtas, na humiling ng lakas sa Kanyang Ama upang magawa ang Kanyang kalooban at ginawa nga ito. Kailangang baguhin ang likas nating pagkatao upang maging tulad sa isang bata para magkaroon tayo ng lakas na kailangan natin upang maligtas sa panahon ng panganib sa moralidad.

Narito ang nakapupukaw na paglalarawan ni Haring Benjamin sa kung ano ang babaguhing iyon upang maging tulad sa isang bata at paano ito dumarating sa atin:

“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad sa isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”6

Ligtas tayong nakasalig sa bato na dili iba’t ang Tagapagligtas kapag tayo ay sumampalataya sa Kanya, sumunod sa patnubay ng Banal na Espiritu na sundin ang mga utos nang sapat at tapat upang mabago ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang ating puso. Kapag nagkagayon, kapag tayo ay naging tulad sa isang bata sa kakayahan nating magmahal at sumunod, nakasalig tayo sa tiyak na saligan.

Mula kay Haring Benjamin natutuhan natin ang maaari nating gawin para makarating sa ligtas na lugar na iyon. Ngunit tandaan: ang mga bagay na ginagawa natin ang mga paraan lamang, hindi ang mismong hangad natin. Ang ginagawa natin ay nagtutulot sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na baguhin tayo sa nararapat nating kahinatnan. Inihahatid tayo ng ating pananampalataya kay Jesucristo sa pagsisisi at pagsunod sa Kanyang mga utos. Sumusunod tayo at lumalaban sa tukso sa pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo. Pagdating ng panahon magbabago ang likas nating pagkatao. Magiging tulad tayo ng isang maliit na bata, masunurin sa Diyos at mas mapagmahal. Ang pagbabagong iyon, kung gagawin natin ang lahat para mapanatili ito, ay gagawin tayong marapat para matamasa ang mga kaloob na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa gayon ligtas na tayo sa nag-iisang tiyak na saligan.

Gaya ninyo, nadama ko ang ibig sabihin ni Haring Benjamin nang sabihin niyang maaari tayong maging tulad sa isang maliit na bata sa harapan ng Diyos. Nagdasal ako, tulad ninyo, na malaman ang gagawin kapag naharap ako sa mga pagpapasiyang walang hanggan ang kahihinatnan. Sa nagdaang mga taon nakita kong paulit-ulit itong nangyari sa mga panahong napakalinaw ng mga sagot sa gayong dalangin.

Minsan, halimbawa, buong magdamag kong hiniling na malaman kung ano ang pipiliin kong gawin kinaumagahan. Alam ko na wala nang ibang pagpiling mas malaki ang epekto sa buhay ng iba at sa akin. Alam ko kung ano ang pinakamadali kong mapipili. Alam ko kung ano ang gusto kong kahinatnan nito. Pero hindi ko makita ang hinaharap. Hindi ko makita kung ano ang kahihinatnan ng bawat pagpili. Kaya takot na takot akong magkamali.

Nagdasal ako, pero ilang oras na ay parang wala pang sagot. Bago nagmadaling-araw, may nadama ako. Noon ko lang higit na nadamang muli ang pagiging bata. Parang napanatag nang husto ang puso’t isipan ko. May kapayapaan sa kapanatagang iyon ng kalooban.

Nagulat ako nang makita ko ang sarili kong nagdarasal nang malakas, “Ama sa Langit, hindi po mahalaga kung ano ang gusto ko. Balewala na po ang gusto ko. Gusto ko lang pong mangyari ang kalooban Ninyo. Iyon lang po ang gusto ko. Sabihin po nawa ninyo sa akin kung ano ang gagawin.”

Noon lang ako nakadama ng lubos na kapayapaan ng kalooban. At dumating ang mensahe, at tiyak ko kung kanino iyon nanggaling. Malinaw na ang gagawin ko. Hindi ipinaramdam sa akin ang kahihinatnan nito. Naroon lang ang katiyakan na ako ay isang batang tinuruan ng daang tatahakin patungo sa kung saan Niya ako nais patunguhin.

Natutuhan ko sa karanasang iyon at sa di-mabilang na pag-uulit na ang paglalarawan ng Espiritu Santo bilang isang “marahan at banayad na tinig” ay totoo. Ito’y makata, ngunit hindi isang tula. Kapag tahimik at payapa lang ang aking puso, na mapakumbabang tulad sa isang maliit na bata, saka ko lamang malinaw na naririnig ang Espiritu sa aking puso’t isipan.

Itinuro sa atin ni Haring Benjamin kung paano padadalasin ang mga sandaling iyon, na dapat mangyari dahil sa mga panganib na kinakaharap natin. Sinabi niya sa atin na may mga bagay na kaya at dapat nating gawin para sumaatin ang pagbabagong iyon tungo sa pusong tulad sa isang bata.

Lahat ng ito ay may kinalaman sa paggawa natin ng nararapat upang magkaroon ng higit na pananampalataya kay Jesucristo at maging karapat-dapat sa tulong ng Espiritu Santo. Ibinigay ni Haring Benjamin ang dahilan nito:

“At bukod dito, sinasabi ko sa inyo, na walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan.”7

Ang kailangan natin ay manampalataya sa Kanya at mahalin Siya. Dapat nating malaman na Siya ay buhay at kung sino Siya. Kapag nagawa natin iyon, mamahalin natin Siya. Nagmungkahi si Haring Benjamin kung paano natin Siya makikilala sa mga salitang ito, na madalas na ninyong marinig:

“Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?”8

Natututuhan nating mahalin ang mga pinaglilingkuran natin. Kung pipiliin nating paglingkuran ang Panginoon kahit sa katiting na pananampalataya, makikilala natin Siya. Malalaman natin ang Kanyang mga layunin para sa mga taong pinaglilingkuran natin para sa Kanya. Kahit hindi nila tanggapin ang inihahandog nating paglilingkod sa kanila, madarama natin ang Kanyang pasasalamat kung magtitiyaga tayo.

Kapag nagtiyaga tayo, madarama natin ang pangangailangan sa impluwensya ng Espiritu Santo dahil hindi natin kakayaning mag-isa ang ipinagagawa sa atin. Masasagot ang ating mapakumbabang dalangin sa ating Ama sa Langit. Pangunahing layunin ng Espiritu Santo ang patotohanan na si Jesus ang Cristo. Sa paghiling ng tulong sa paglilingkod sa Kanya, darating ang Espiritu Santo at pagtitibayin ang ating pananampalataya sa Kanya. Mag-iibayo ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas. At, sa patuloy nating paglilingkod sa Kanya, mapapamahal Siya sa atin. Ang matawag na maglingkod ay isang panawagang mahalin ang Panginoong pinaglilingkuran natin. Panawagan ito na baguhin ang likas nating pagkatao.

Para mapanatili ang pagpapala ng pagbabagong iyon sa ating mga puso, kailangan ng determinasyon, pagsisikap, at pananampalataya. Naituro ni Haring Benjamin ang kahit ilan man lang pangangailangan nito. Sabi niya para mapanatilli ang kapatawaran sa ating mga kasalanan sa araw-araw dapat nating pakainin ang nagugutom, damitan ang mga hubad, dalawin ang maysakit, at tulungan ang mga tao sa espirituwal at temporal.9 Nagbabala siya na mag-ingat tayo laban sa pagtatalong pumapasok sa ating puso.10 Nilinaw niya na ang malaking pagbabagong nagaganap sa atin dahil sa Pagbabayad-sala ay maaaring mabawasan kung hindi tayo iiwas na magkasala. Nagbabala ang Panginoon, “Samakatwid mag-ingat ang simbahan at manalangin tuwina, upang huwag silang mahulog sa tukso; Oo, at maging yaong mga pinabanal na magsipag-ingat din.”11

Maaaring mawala ang kaloob dahil sa pagkakasala. Itinuro ni Haring Benjamin na tayo ang responsable sa pagiging masigasig na paglabanan ang tukso. Binalaan niya ang kanyang mga tao tungkol sa ilang mga tukso. Ngunit matapos magbabala, ipinaako niya ang obligasyon sa kanila. Kahit madalas tayong manalangin na madaig ang tukso at maligtas sa kasamaan, responsable pa rin tayo sa ating sarili. Narito ang sinabi niya, na hindi nagmula sa kanya, kundi sa Diyos:

“At sa huli, hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.

“Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi.”12

Sa tulong ng Espiritu Santo, mababantayan natin ang ating sarili. Makapagdarasal tayo na matukoy at maiwaksi ang mga unang balak na magkasala. Makapagdarasal tayo na makilala ang babalang huwag magsalita nang masakit o tuksuhing magkasala ang iba. At kaya natin, kung kailangan, na ipagdasal na maging mapakumbaba at sumampalatayang makapagsisi.

Tiyak na may ilang nakikinig sa akin na makakaisip nito: “Pero napakatindi ng mga tukso para sa akin. Lumalaban ako hangga’t kaya ko. Para sa akin, napakahirap sundin ng mga utos. Napakataas ng pamantayan.”

Hindi iyon ganoon. Ang Tagapagligtas ang ating Tagapamagitan sa Ama. Alam niya ang ating mga kahinaan. Alam niya kung paano tutulungan ang mga natutukso.13

Pinatototohanan ko sa inyo na buhay ang Tagapagligtas at Siya ang tiyak na saligan. Alam ko na sa pagsampalataya sa Kanya malilinis tayo at mababago upang maging dalisay at matatag, tulad sa isang maliit na bata. Pinatototohanan ko sa inyo na magagabayan tayo ng Espiritu Santo tungo sa katotohanan at malalayo sa kasalanan.

Nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at saksi na si Jesucristo ay ating Tagapagligtas. Ito ang totoong Simbahan. Alam ko na mapipili natin ang pangakong kagalakan ng buhay na walang hanggan, kahit mapanganib ang panahon.

Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. II Kay Timoteo 3:1.

  2. Helaman 5:12.

  3. Mosias 2:33, 38, 40.

  4. Tingnan sa Mateo 25:21.

  5. I Mga Taga Corinto 13:11.

  6. Mosias 3:19.

  7. Mosias 3:17.

  8. Mosias 5:13.

  9. Tingnan sa Mosias 4:26.

  10. Tingnan sa Mosias 2:32.

  11. D at T 20:33–34.

  12. Mosias 4:29–30.

  13. Tingnan sa D at T 62:1.