2006
Ang Banal na Priesthood na Ipinagkatiwala sa Atin
Mayo 2006


Ang Banal na Priesthood na Ipinagkatiwala sa Atin

Ang priesthood ay higit pa sa isang kaloob. Ito ay matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyo na makapagpasigla, at pagkakataon para pagpalain ang buhay ng iba.

Ilang taon na ang nakalilipas, noong mag-12 anyos pa lang ang bunso naming anak na si Clark, papaalis na kami sa Church Administration Building nang lapitan at batiin kami ni Pangulong Harold B. Lee. Binanggit ko kay Pangulong Lee na malapit nang mag-12 anyos si Clark, kung kaya binalingan niya ito at tinanong, “Ano ang mangyayari sa iyo kapag 12 anyos ka na?”

Isa ito sa mga pagkakataong iyon kung kailan idinarasal ng ama na mabigyang-inspirasyon ang anak na makasagot nang tama. Walang pag-aatubiling sumagot si Clark kay Pangulong Lee, “Ioorden po akong deacon!”

Ang sagot na iyon ang ipinagdasal ko at gustong marinig ni Pangulong Lee. Pinayuhan niya ang aming anak, “Tandaan mo, isang malaking biyaya ang magtaglay ng priesthood.”

Umaasa ako nang buong puso at kaluluwa na bawat kabataang lalaking nakatanggap ng priesthood ay igagalang ang priesthood na iyon at magiging tapat sa ibinigay na pagtitiwala kapag naigawad ito. Nawa’y malaman ng bawat isa sa atin na maytaglay ng priesthood ng Diyos kung ano ang pinaniniwalaan niya. Tulad ng payo ni Apostol Pedro, nawa ay lagi tayong handa sa “pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”1 May mga pagkakataon sa buhay natin na aasahan tayong ipaliwanag o ipagtanggol ang ating mga paniniwala. Kapag dumating ang pagkakataong iyon, tapos na ang panahon ng paghahanda.

Karamihan sa inyong mga kabataan ay magkakaroon ng oportunidad na ibahagi ang inyong mga patotoo kapag naglilingkod kayo bilang mga misyonero sa buong mundo. Paghandaan ninyo ang magandang pribilehiyong iyon.

Marami akong naranasang ganoong oportunidad. Isa rito ay nangyari 21 taon na ang nakalilipas, bago mapalaya ang German Democratic Republic—o East Germany, na siyang karaniwang tawag dito—mula sa pamamahala ng mga Komunista. Nakausap ko ang East German state secretary, si Minister Gysi. Noong panahong iyon ginagawa pa lang ang ating templo sa Freiberg, sa East Germany, kasabay ng dalawa o tatlong meetinghouse. Pinag-usapan namin ni Minister Gysi ang ilang paksa, kasama na ang ating programa ng pagtatayo sa buong daigdig. Pagkatapos ay itinanong niya, “Bakit napakayaman ng simbahan ninyo na nagagawa ninyong makapagpatayo ng mga gusali sa aming bansa at sa buong mundo? Saan kayo kumukuha ng pera?”

Sinabi ko sa kanya na hindi mayaman ang Simbahan kundi sinusunod lang natin ang alituntunin ng ikapu na sinasabi sa sinaunang Biblia, isang alituntuning muling binigyang-diin sa ating makabagong banal na kasulatan. Ipinaliwanag ko rin na walang bayad ang mga naglilingkod sa ating Simbahan at sinabing ito ang dalawang dahilan kung bakit natin naipatayo ang mga gusaling iyon, pati na ang magandang templo sa Freiberg.

Hangang-hanga si Minister Gysi sa impormasyong ibinigay ko, at lubos akong nagpapasalamat na nasagot ko ang kanyang mga tanong.

Ang pagkakataong ipahayag ang isang katotohanan ay maaaring dumating sa sandaling hindi natin inaasahan. Maging handa tayo.

Minsan ay itinanong kay Pangulong David O. McKay ng isang babaeng hindi miyembro ng Simbahan kung anong partikular na turo ng Simbahan ang kakaiba sa mga turo ng ibang relihiyon. Nang ikuwento niya ito kalaunan, sinabi ni Pangulong McKay na nabigyan siya ng inspirasyon na ito ang isagot, “Ang kaibhan ng mga paniniwala ng aking simbahan sa iba ay ang banal na awtoridad sa pamamagitan ng direktang paghahayag.”2

Saan pa tayo makakakita ng mas mahalagang halimbawa ng banal na awtoridad sa pamamagitan ng direktang paghahayag kundi sa mga pangyayaring naganap noong isang “maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu,” nang magpunta ang batang si Joseph sa kakahuyan para magdasal. Ang mga salitang ginamit sa paglalarawan ng tagpong iyon sa kasaysayan ay makapangyarihan: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”3

Naiisip natin ang pagdalaw ng sugo ng langit na iyon, na si Juan Bautista, noong Mayo 15, 1829. Doon sa Ilog ng Susquehanna, malapit sa Harmony, Pennsylvania, ipinatong ni Juan ang kanyang mga kamay sa ulo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery at inorden sila, na sinasabing, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”4 Sinabi ng sugo na kumikilos siya sa ilalim ng pamamahala nina Pedro, Santiago, at Juan, na may hawak ng mga susi ng Melchizedek Priesthood. Sumunod ang pag-oorden at pagbibinyag. Isa pa itong halimbawa ng banal na awtoridad sa pamamagitan ng direktang paghahayag.

Sa tamang panahon, isinugo sina Pedro, Santiago at Juan para igawad ang mga pagpapala ng Melchizedek Priesthood. Inorden at kinumpirma ng mga Apostol na ito na isinugo ng Panginoon sina Joseph at Oliver bilang mga Apostol at natatanging saksi sa Kanyang pangalan. Nailarawan sa sagradong pagdalaw na ito ang banal na awtoridad sa pamamagitan ng direktang paghahayag.

Bunga ng mga karanasang ito, lahat tayo ay kailangang—kahit ang napakagandang oportunidad at banal na tungkulin—maging tapat sa pagtitiwalang natanggap natin.

Sinabi ni Pangulong Brigham Young, “Ang [Priesthood] ng Anak ng Diyos … ang batas na kung paano ang mundo ay umiral, umiiral, at patuloy na iiral magpakailanman.”5 Sa paliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith sa paksang ito, ipinayo niyang, “Tanging sa kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao makakakilos ang tao sa mundo para sa kaligtasan ng sangkatauhan, sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at kumilos nang may awtoridad; nang hindi inaako ang awtoridad na iyon, nang hindi ito hinihiram sa mga pumanaw at naglahong henerasyon, kundi awtoridad na ibinigay sa panahong ito kung saan nabubuhay tayo nang may paglilingkod ng mga anghel at mga espiritung mula sa langit, mula mismo sa kinaroroonan ng Pinakamakapangyarihang Diyos.”6

Habang papalapit noon ang ika-18 kaarawan ko at handa nang pumasok sa serbisyo-militar ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inirekomenda ako na tumanggap ng Melchizedek Priesthood. Tungkulin kong tawagan si President Paul C. Child, ang aking stake president, para mainterbyu ako. Mahal niya at nauunawaan ang mga banal na kasulatan, at nais niyang mahalin at maunawaan din ng iba ang mga ito. Dahil nalaman ko sa iba ang detalyado at mapanuri niyang interbyu, tila ganito ang naging pag-uusap namin sa telepono:

“Hello, President Child. Si Brother Monson po ito. Sinabihan ako ng bishop na makipag-usap sa inyo tungkol sa pag-oordena sa akin bilang elder.”

“Mabuti, Brother Monson. Kailan tayo magkikita?”

Nalalaman na alas-4:00 ang simula ng kanyang sakrament miting at hangad na di gaanong matanong sa kaalaman ko sa mga banal na kasulatan sa kanyang pag-iinterbyu, iminungkahi kong, “Puwede po bang alas-3:00?”

Ang sagot niya: “Ay, huwag Brother Monson, wala tayong sapat na oras para suriin ang mga banal na kasulatan. Puwede bang pumunta ka nang alas-2:00 at dalhin mo ang sarili mong minarkahang set ng mga banal na kasulatan?”

Sa wakas ay Linggo na, at binisita ko ang tahanan ni President Child. Malugod akong tinanggap, at nagsimula na ang interbyu. Sabi niya, “Brother Monson, taglay mo ang Aaronic Priesthood.” Siyempre, alam ko iyon. Sabi pa niya, “May nakapagministeryo na bang anghel sa iyo?”

Ang sagot ko ay, “Hindi po ako sigurado.”

“Alam mo ba,” sabi niya, “na karapatan mo iyon?”

Ang sagot ko ay: “Hindi po.”

Tapos iniutos niya, “Brother Monson, bigkasin mo ang ika-13 bahagi ng Doktrina at mga Tipan.”

Sinimulan ko, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel …”

“Diyan lang muna,” utos ni President Child. Sa mahinahon, at mabait na tinig, ipinayo niyang, “Brother Monson, huwag na huwag mong kalimutan na bilang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay may karapatan ka sa paglilingkod ng mga anghel. Ngayon ituloy mo ang talata.”

Binigkas ko ayon sa natatandaan ko ang natitirang bahagi. Sabi ni President Child, “Magaling.” Kanya namang tinalakay sa akin ang ilang iba pang mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan na ukol sa priesthood. Mahabang pag-uusap iyon, subalit hindi ko iyon nakalimutan kailanman. Sa bandang huli, inakbayan ako ni President Child at sinabing, “Handa ka na ngayong tanggapin ang Melchizedek Priesthood. Tandaan mo na pinagpapala ng Panginoon ang taong naglilingkod sa Kanya.”

Makalipas ang maraming taon, magkasama kaming dumalo ni Paul C. Child, na noon ay nasa Priesthood Welfare Committee, sa isang kumperensya sa stake. Sa sesyon sa pamumuno ng priesthood, nang siya na ang magsasalita, dinala nila ang kanyang mga banal na kasulatan at lumakad mula sa pulpito papunta sa kongregasyon. Kilala ko si President Child, alam ko ang gagawin niya. Bumanggit siya mula sa Doktrina at mga Tipan, kabilang ang bahagi 18 tungkol sa kahalagahan ng isang kaluluwa, na tinutukoy na dapat tayong magpagal sa buong panahon natin upang makapagdala ng mga kaluluwa sa ating Panginoon. Bumaling siya sa isa sa mga pangulo ng korum ng mga elder at nagtanong, “Ano ang kahalagahan ng isang kaluluwa?”

Ang natigilang pangulo ng korum ay nag-atubili habang nag-iisip siya ng isasagot. Dalangin ko sa aking puso na masagot niya ang tanong. Sa wakas ay sumagot siya, “Ang kahalagahan ng isang kaluluwa ay ang kakayahan nitong maging tulad ng Diyos.”

Isinara ni Brother Child ang kanyang mga banal na kasulatan, walang kibong naglakad at tahimik na umakyat pabalik sa pulpito. Nang madaanan niya ako, sinabi niya, “Napakalalim na sagot.”

Kailangan nating malaman ang sumpa at tipan ng priesthood dahil nauukol ito sa ating lahat. Sa mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood, ito ay pahayag na kailangan nating maging tapat at masunurin sa mga batas ng Diyos at gampanan ang mga tungkuling dumarating sa atin. Sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, ito ay pahayag tungkol sa mga magiging tungkulin at responsibilidad sa hinaharap, upang maihanda nila ang kanilang sarili ngayon mismo.

Ang sumpa at tipang ito ay itinakda ng Panginoon sa mga salitang ito:

“Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon;

“Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;

“At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

“At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.7

Minsan ay namasdan ng yumaong si Elder Delbert L. Stapley ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “May dalawang pangunahing kailangan sa sumpa at tipang ito. Una ay katapatan, na ibig sabihin ay pagsunod sa mga batas ng Diyos at nagpapahiwatig ng tunay na pagsunod sa lahat ng mga pamantayan ng ebanghelyo… .

“Ang ikalawang kailangan … ay ang pagganap sa tungkulin. Ang pagganap ay paggalang, pagdakila at pagluwalhati, at pagturing nang mas may pagpapahalaga o paggalang. Ibig sabihin din nito ay dagdag na pagpapahalaga, pagpapalawak at pagpapabuti.”8

Minsan ay tinanong si Propetang Joseph Smith, “Brother Joseph, madalas mo kaming himukin na gampanan ang aming mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito?” Ito raw ang sagot niya, “Ang pagganap sa tungkulin ay pagturing dito nang may dignidad at pagpapahalaga, nang ang liwanag ng langit ay magningning sa nagsasagawa nito sa paningin ng ibang tao. Ginagampanan ng isang elder ang kanyang tungkulin kapag inaalam niya kung ano ang kanyang mga responsibilidad bilang elder at pagkatapos ay ginagawa ang mga ito.”

Ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay kailangang bigyan ng pagkakataong gampanan ang kanilang mga tungkulin sa priesthood na iyon.

Isang Linggo, dalawang taon na ang nakalilipas, nasa sakrament miting ako sa aking ward. Bibihira iyon. May tatlong priest sa tabi ng mesa ng sakrament, at sa gitna ay isang binatilyo na tila may kapansanan sa pagkilos lalo na sa pagsasalita. Dalawang beses niyang sinubukang basbasan ang tinapay pero nauutal sa tuwing gagawin niya ito, walang dudang nahihiya na siya dahil hindi niya masabi nang maayos ang panalangin. Isa sa dalawa pang priest ang humalili at binasbasan ang tinapay.

Nang ipinapasa na ang tinapay, naisip ko, “Hindi ko basta hahayaang di makapagbasbas ng sakrament ang binatilyong iyon.” Malakas ang pakiramdam ko na kung hindi ako mag-aalinlangan, mababasbasan niya nang maayos ang tubig. Dahil malapit lang ako sa mesa ng sakrament, yumukod ako at sinabi sa priest na pinakamalapit sa akin, habang itinuturo ang binatilyong nahihirapan, “Hayaan mong siya ang magbasbas ng tubig, mas maikli ang dasal na iyon.” At nagdasal ako. Hindi ko gustong mabigo siya nang dalawang beses. Gusto ko ang talata sa banal na kasulatan na nagsasabi sa atin na hindi tayo dapat mag-alinlangan sa halip ay maniwala.9

Nang oras na para basbasan ang tubig, lumuhod muli ang binatilyong iyon at nanalangin, medyo pahintu-hinto pero nabigkas niya ang lahat ng salita. Lihim akong natuwa. Habang ipinapasa ng mga deacon ang mga tray, tiningnan ko ang binatilyo at sumenyas na magaling ang ginawa niya. Ngumiti siya sa akin. Nang umupo na sa tabi ng kani-kanilang pamilya ang mga binatilyo, pumagitna siya sa kanyang ama at ina. Nakakatuwang makitang nginitian siya at niyakap nang mahigpit ng kanyang ina habang binabati siya at inaakbayan ng kanyang ama. Tumingin silang tatlo sa akin, at sumenyas ako na magaling sila. Nakita kong nagpapahid ng luha ang ama at ina. Naisip ko na magiging maayos ang kinabukasan ng batang ito.

Ang priesthood ay higit pa sa isang kaloob. Ito ay matapat na pangakong maglingkod, isang pribilehiyo na makapagpasigla, at pagkakataon para pagpalain ang buhay ng iba.

Hindi pa gaanong nagtatagal nakatanggap ako ng liham tungkol sa isang hirang na batang deacon na si Isaac Reiter, at ang mga deacon, teacher, at priest na naglingkod, nagpasigla at nagpala sa buhay niya at sa buhay nila.

Nakipaglaban si Isaac sa kanser mula pa noong pitong buwan pa lang siya hanggang sa pumanaw sa edad na 13. Nang lumipat ng bahay malapit sa ospital ang pamilya niya para maipagamot na mabuti si Isaac, hiniling sa mga miyembro ng Aaronic Priesthood sa kalapit na ward na mangasiwa sa kanila ng sakrament tuwing Linggo. Ang lingguhang ordenansang ito ay naging paborito ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na nakibahagi. Kasama ang kanilang mga lider at pamilya ni Isaac pinapalibutan nila ang kama ni Isaac, umaawit ng mga himno, at nagbabahagi ng mga patotoo. Pagkatapos ay babasbasan ang sakrament. Laging iginigiit ni Isaac na, bilang deacon, ipapasa niya ang sakrament sa kanyang pamilya at sa mga nagdala nito. Habang nakahiga, nagtipon siya ng lakas para hawakan ang tray ng nabasbasang tinapay o tubig. Lalapit kay Isaac ang lahat ng naroon at kukuha sa tray para magsakrament. Di nagtagal nagsimulang makibahagi ang mga narses at ilang kawani sa ospital nang malaman nilang malapit si Isaac sa kanyang Ama sa Langit at lagi Siyang iginagalang. Kahit nanghihina at nasasaktan, laging makikita kay Isaac ang karangalan ng isang maytaglay ng maringal na priesthood.

Isang dakilang halimbawa si Isaac sa mga kabataang lalaki sa ward. Nakita nila ang hangarin niyang gampanan ang kanyang mga tungkulin, hanggang sa pumanaw siya, at natanto nila na ang mga tungkuling iyon ay talagang mga pribilehiyo. Sinimulan nilang dumating nang mas maaga para maghanda ng sakrament at maupo sa puwesto nila sa oras. Mas lalong nagkaroon ng pagpipitagan.

Si Isaac Reiter ay naging isang buhay na halimbawa ng paggalang sa priesthood. Sa kanyang burol, binanggit na sa buong buhay niya’y nasa langit ang isang paa niya. Walang alinlangang patuloy niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin at tumutulong sa gawain sa kabilang-buhay.

Para sa ating mga nagtataglay ng Melchizedek Priesthood, ang pribilehiyo nating gawin ang ating mga tungkulin ay laging nariyan. Tayo ay mga pastol na nagbabantay sa Israel. Ang mga gutom na tupa ay tumitingala, laging handang mapakain ng tinapay ng buhay. Handa ba tayo, mga kapatid, na pakainin ang kawan ng Diyos? Mahalagang makilala natin ang kahalagahan ng isang kaluluwa, na hindi tayo magpapabaya sa isa sa Kanyang minamahal na mga anak.

Kung iniisip ng sinuman na napakahina niya para gumawa nang mas mabuti dahil sa pinakamalaking takot na iyon, ang takot na mabigo, wala nang iba pang mas makaaaliw na katiyakan kaysa mga salita ng Panginoon: “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”10

Ang mga himala ay matatagpuan kahit saan kapag ang mga tungkulin sa pagkasaserdote ay ginagampanan. Kapag napalitan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, kapag inalis ng mapagparayang paglilingkod ang sakim na paghahangad, ang kapangyarihan ng Diyos ay magsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Ginagawang marapat ng Diyos ang Kanyang tinatawag.

Nawa ang ating Ama sa Langit ay laging basbasan, bigyang-inspirasyon, at gabayan ang lahat ng maytaglay ng Kanyang natatanging priesthood ang siyang taos-puso kong dalangin, at inaalay ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. 1 Ni Pedro 3:15.

  2. Tingnan sa David O. McKay, Stepping Stones to an Abundant Life (1971), 375.

  3. Joseph Smith—Kasaysayan 1:14, 17.

  4. D at T 13:1.

  5. Discourses of Brigham Young, tinipon ni John A. Widtsoe, (1954), 130.

  6. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon, (1939), 139–140.

  7. D at T 84:33–38.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1957, 76.

  9. Tingnan sa Mormon 9:27.

  10. Eter 12:27.