Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament
Mga Footnote
Theme

Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament

Ang pagtanggap ng sakrament ay nagbibigay sa atin ng sagradong sandali sa isang banal na lugar.

Isa o dalawang taon na ang nakakaraan, nagkaroon ako ng pagkakataong bisitahin ang Logan, Utah, Institute of Religion. Ang gusali kung saan ginaganap ang institute ay binago kamakailan. May nagsabi sa akin na habang tinatanggal ng mga manggagawa ang lumang pulpito sa kapilya, natuklasan nila ang ilang istanteng matagal nang nakakandado. Nang alisin ang takip, nakakita sila ng isang sakrament tray. Mukhang ito ang gamit noon, maraming taon na ang nakararaan, dahil babasagin pa ang mga sakrament cup. Isa sa mga babasaging cup na iyon, gaya ng nakikita ninyo rito, ay naka-mount at ibinigay sa akin—siguro dahil sa ako lang ang nasa hustong edad para maalaala ang panahon na mga babasaging cup pa ang gamit.

Habang minamasdan ang babasaging cup napuno ng masasayang alaala ang isipan ko. Gamit ang mga babasaging cup na ito noong mag-12 anyos ako, isang pangyayari sa buhay ko na lubhang makahulugan para sa akin. Ang ika-12 kaarawan ko ay natapat sa araw ng Linggo. Maraming taon kong pinagmasdan ang mga deacon sa pagpapasa ng sakrament, at inaasam ang araw na pagpapalain akong makatanggap ng Aaronic Priesthood at magkaroon ng pribilehiyong iyon.

Pagsapit ng araw na iyon, sinabihan akong pumunta nang maaga sa simbahan at makipagkita kay Brother Ambrose Call, pangalawang tagapayo sa ward bishopric namin. Pinapasok ako ni Brother Call sa isang silid at hinilingan akong manalangin. Pagkatapos ay binuksan niya ang banal na kasulatan at binasa sa akin ang bahagi 13 ng Doktrina at mga Tipan:

“Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan.”

Tinanong ako ni Brother Call kung ano ang masasabi ko tungkol dito. Sigurado kong hindi sapat ang paliwanag ko, kaya nag-ukol ng panahon si Brother Call para ipaliwanag sa akin ang ibig sabihin ng pagtataglay ng banal na priesthood. Sa pagiging karapat-dapat na taglayin ang priesthood, may karapatan akong gamitin ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng Diyos sa tao. Ang karapat-dapat na maytaglay ng priesthood ay may karapatang makapagsagawa ng mga ordenansang itinalaga ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang awtoridad na ito ay tuwirang galing sa Tagapagligtas Mismo sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na hanay ng mga maytaglay ng priesthood.

Ang pag-interbyu sa akin ni Brother Call ay maaaring medyo kasiya-siya, dahil isinama ako sa miting ng korum ng mga deacon. Doon, ipinatong ng mga miyembro ng bishopric ang kanilang mga kamay sa aking ulunan, at ang bishop, na nagkataong ama ko, ang naggawad sa akin ng Aaronic Priesthood at nag-orden sa akin bilang deacon. Sinang-ayunan din ako ng iba pang mga deacon upang maging miyembro na kasama nila sa isang korum ng priesthood.

Sa sakrament miting nang gabing iyon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagamit ko ang priesthood nang magpasa ako ng sakrament sa mga miyembro ng aming ward. Nagkaroon ng bagong kahulugan sa akin ang sakrament nang araw na iyon. Habang minamasdan ko ang pagpapasa ng tray sa hanay ng mga miyembro ng Simbahan, napansin ko na iba-iba ang pag-uugali ng bawat isa sa pagtanggap ng sakrament. May mga tumanggap ng sakrament na parang pangkaraniwan na lang ito, ngunit napakaraming tumanggap nang may taimtim na pagpipitagan.

Sa loob ng maraming taon, nakadalo ako, tulad nating lahat, sa maraming sakrament miting, at para sa akin talagang higit pa ito sa isang miting. Ang pagtanggap ng sakrament ay nagbibigay sa atin ng sagradong sandali sa isang banal na lugar. Ginagawa natin ito alinsunod sa utos ng Diyos na ibinigay sa atin sa bahagi 59 ng Doktrina at mga Tipan:

“At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa pa[na]langinan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw” (t. 9).

Sa simula pa lamang, bago pa itinatag ang mundo, ipinahayag na ng Diyos ang isang plano kung saan magkakaloob Siya ng mga pagpapala sa Kanyang mga anak batay sa pagsunod nila sa Kanyang mga utos. Gayunpaman, naunawaan Niya na kung minsan ay magagambala tayo ng mga makamundong bagay at kailangan tayong regular na mapaalalahanan tungkol sa ating mga tipan at sa Kanyang mga pangako.

Isa sa mga unang utos na ibinigay kay Adan ay ang sumamba siya sa Panginoon at mag-alay ng mga panganay ng kawan bilang hain sa Kanya. Ang ordenansang ito ay ibinigay para ipaalala sa mga tao na si Jesucristo ay darating sa mundo at sa bandang huli ay iaalay ang Kanyang sarili bilang sakripisyo.

“At si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.

“At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.

“At sa gayon nangusap ang anghel, nagsasabing: Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama na puspos ng biyaya at katotohanan” (Moises 5:5–7).

Magmula noon hanggang sa panahon ng ating Tagapagligtas, ang mga anak ng ating Ama sa Langit ay inutusang mag-alay ng mga sakripisyo. Nahinto ito nang gawin na ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Pagkatapos, nang gabi bago Niya natapos ang sakripisyong iyon, pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakrament ng Huling Hapunan upang tulungan tayong maalaala Siya at ang Pagbabayad-salang ginawa Niya para sa sangkatauhan. Dahil dito, sa sinaunang batas ng sakripisyo at sa sakrament, ay tinulungan tayo ng Panginoon na tiyakin na hindi natin malilimutan ang Kanyang mga pangako at ang hinihinging pagsunod sa Kanya at sa Kanyang kalooban.

Sa Bagong Tipan ay may salaysay tungkol sa pangangasiwa ng Panginoon ng sakrament sa Kanyang mga disipulo. Ito ay matatagpuan sa Mateo, sa ika-26 na kabanata:

“At samantalang sila’y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.

“At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;

“Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (tt. 26–28).

Ang Aklat ni Mormon, sa 3 Nephi, kabanata 18, ay nagbigay sa atin ng detalyadong salaysay sa pangangasiwa ng Panginoon ng sakrament sa mga Nephita:

“At ito ay nangyari na, na inutusan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na sila ay magdala ng ilang tinapay at alak sa kanya.

“At habang sila ay wala upang kumuha ng tinapay at alak, inutusan niya ang maraming tao na sila ay magsiupo sa lupa.

“At nang dumating ang mga disipulo na may dalang tinapay at alak, kinuha niya ang tinapay at pinagputul-putol at binasbasan ito; at kanyang ibinigay sa mga disipulo at iniutos na sila ay kumain.

“At nang sila ay nakakain at nabusog, kanyang iniutos na kanilang nararapat bigyan ang maraming tao.

“At nang ang maraming tao ay nakakain at nabusog, kanyang sinabi sa mga disipulo: Masdan, magkakaroon ng isang oordenan sa inyo, at sa kanya ibibigay ko ang kapangyarihang pagputul-putulin ang tinapay at basbasan ito at ibigay ito sa mga tao ng aking simbahan, sa lahat ng yaong maniniwala at magpapabinyag sa aking pangalan.

“At ito ay lagi ninyong gagawin, maging katulad ng aking ginawa, maging katulad ng pagputul-putol ko ng tinapay at binasbasan ito at ibinigay ito sa inyo.

“At ito ay gagawin ninyo sa pag- alaala sa aking katawan, na ipinakita ko sa inyo. At ito ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala. At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo.

“At ito ay nangyari na, nang sabihin niya ang mga salitang ito, inutusan niya ang kanyang mga disipulo na kanilang kunin ang alak sa saro at inumin ito, at kanila ring nararapat bigyan ang maraming tao upang sila rin ay makainom nito.

“At ito ay nangyari na, na ginawa nila ang gayon, at sila ay uminom nito at nabusog; at kanilang ibinigay sa maraming tao, at sila’y uminom , at sila ay nabusog.

“At nang magawa na ito ng mga disipulo, sinabi ni Jesus sa kanila: Pinagpala kayo sa bagay na ito na inyong ginawa, sapagkat ito ay pagtupad sa aking mga kautusan, at ito ang sumasaksi sa Ama na kayo ay nahahandang gawin ang yaong iniutos ko sa inyo” (tt. 1–10).

Ang Kanyang mga bilin ay napakalinaw na dapat maging handa tayong sundin ang ipinagagawa Niya sa atin. Tiyak na aasahan sa panahon natin na tayo ay muling uutusan na tumanggap ng sakrament. Tulad ng sabi sa atin ng Doktrina at mga Tipan:

“Kinakailangan na ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak sa pag-alaala sa Panginoong Jesus” (D at T 20:75).

Ang layunin ng pagtanggap ng sakrament, siyempre pa, ay pinapanibago natin ang tipang ginawa natin sa Panginoon.

Tinagubilinan tayo ni Elder Delbert L. Stapley ukol dito nang sabihin niya ito tungkol sa mga tipan:

“Ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo ay isang tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tao… . Kapag nabinyagan ng isang awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos, tayo ay nakikipagtipan na gagawin ang kagustuhan ng Diyos at susundin ang kanyang mga utos… . Sa pagtanggap ng sakrament pinapanibago natin ang lahat ng ginawa nating tipan sa Panginoon at ipinangangako ang ating sarili na tataglayin natin ang pangalan ng kanyang Anak, na lagi siyang aalalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan” (sa Conference Report, Okt. 1965, 14).

Ang sakrament ay isa sa mga pinakasagradong ordenansa sa Simbahan. Ang pagtanggap ng sakrament nang karapat-dapat ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong umunlad sa espirituwalidad.

Naaalala ko noong bata pa ako, magandang musika ang pinatutugtog habang ipinapasa ang sakrament. Hindi nagtagal ipinahinto ng mga Kapatid ang gawaing ito sa dahilang ang ating mga isipan ay nakatuon sa tugtog sa halip na tumuon sa nagbabayad- salang sakripisyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Habang nagsasakrament, kinalilimutan natin ang mundo. Ito ay sandali ng espirituwal na pagpapanibago habang natatanto natin ang malalim na espirituwal na kahulugan ng ordenansa na inaalay sa bawat isa sa atin. Kung babalewalain natin ang pagtanggap ng sakrament, mawawala sa atin ang pagkakataong umunlad sa espirituwal.

Sinabi minsan ni Elder Melvin J. Ballard:

“Ako ay saksi na may espiritung tumutulong sa pangangasiwa ng sakrament na nagpapasigla sa kaluluwa mula ulo hanggang paa; nadarama mo na gumagaling ang espirituwal na mga sugat, at gumagaan ang pasanin. Ginhawa at kaligayahan ang dumarating sa kaluluwang karapat-dapat at tunay na naghahangad na makatanggap ng espirituwal na pagkaing ito” (“The Sacramental Covenant,” Improvement Era, Okt. 1919, 1027).

Kapag karapat-dapat tayong tumatanggap ng sakrament, naaalala natin ang sakripisyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na ibinuwis Niya ang Kanyang buhay at inako ang mga kasalanan ng sanlibutan upang sumaatin ang biyaya ng imortalidad. Tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng ating Tagapagligtas at nangangako na lagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga utos—ibig sabihin, tayo ay “mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos” (D at T 84:44).

Mga magulang, responsibilidad ninyong ituro sa inyong mga pamilya ang kahalagahan ng pagdalo sa sakrament miting linggu-linggo. Dapat itong makaugalian ng pamilya. Kailangan ng bawat pamilya ang panahong iyon ng pagpapanibago at pangako na ipamumuhay ang ebanghelyo ayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Ang mga pamilya, na maayos na nakapaghanda, ay dadalo sa sakrament miting na may diwa ng pagpipitagan, at pasasalamat sa pagkakataong makatanggap ng mga sagradong simbolo.

Naaalala ko ang isang karanasan ng aming pamilya noong magbakasyon kami sa isang resort. Dahil kasama sa pamamalagi namin ang araw ng Linggo, nagplano kaming dumalo sa sakrament miting sa kalapit na kapilya. Dumalo rin ang daan-daang iba pang namalagi sa resort. Punong-puno ang kapilya. Bago nagsimula ang miting, inanyayahan ng bishop ang sinumang naroong karapat-dapat na mga deacon at nakabihis nang maayos na sumali sa pagpapasa ng sakrament. Sapat na bilang ng mga nakaputing polo at kurbata ang lumapit sa harapan upang mabigyan ng mga tagubilin kung paano pangangasiwaan ang ganoong kalaking kongregasyon. Ang ordenansa ay napangasiwaan nang mapitagan at mahusay. Habang minamasdan ko ang kongregasyon, nakita ko na marami ang naantig sa diwang nasa miting.

Pagbalik namin sa resort, halatang malaki ang kaibhan ng mga aktibidad sa Sabbath sa mga ginagawa sa karaniwang araw. Ang mga bangka ay nanatiling nakatali sa daungan; halos walang lumalangoy sa lawa; at akma ang kasuotan para sa araw ng Sabbath. Nakita ng mga pamilyang iyon ang katuparan ng pangako ng Panginoon: sa pagpunta sa bahay-panalanginan sa Kanyang banal na araw at sa pagpanibago ng kanilang tipan na susundin ang mga utos, lalo pa nilang napanatiling walang bahid-dungis ang kanilang sarili mula sa sanlibutan (tingnan sa D at T 59:9).

Nawa’y lalong maging higit na mapitagan ang bawat isa sa atin sa araw ng Sabbath. Lubos sana nating maunawaan ang espesyal na pagpapala na makatanggap ng sakrament at ang kahulugan nito sa ating buhay. Lagi sana natin Siyang maalaala at sundin ang Kanyang mga utos, na ibinigay Niya sa atin upang maisakatuparan ang layunin ng buhay at ang pag-asa sa darating na kawalang-hanggan. Ito ang gawain ng Panginoon na ating ginagawa. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng mundo. Pinayagan tayong maging bahagi ng dakilang planong ito ng ebanghelyo, kung saan ang sakrament ay isang mahalagang bahagi nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.